Friday, February 26, 2021

Nakakapagod din pala maging ako (pasintabi sa Esremborak)

Nakakasawa kapag nagkakamali ka. Pakiramdam ko, bahagi na yun ng sarili ko na hindi matanggal-tanggal. Parang sumpa o imbisibol na balat sa puwet. Mas nag-iingat ako. Mas prone to mistakes. Nakakaiyak din talaga. Kaso wala naman akong magawa. Hindi ko naman ginusto. Pero sobrang gasgsas na sa akin yung linyang hindi ko naman sinasadya kahit na totoo, oo naman, bakit ko sasadyain magkamali?

Mula sa pinakamalaking pagkakamali hanggang sa pinakamaliliit. Pero alam mo, alam ko naman na talaga yun. That I am bound to make a mistake. Kasi kahit dati pa naman, alam kong failure na ako. Swerte ko nga na may mga natyatyaga sa akin at nagtitiwala pa rin. Pero sila rin yung mga taong binigo ko. Higit sa lahat, paulit-ulit kong binibigo ang sarili ko.

Ang iniisip ko na nga lang talaga sa araw-araw bago matulog, sana wala akong gawing mali bukas. Kapag wala, shet, sobrang saya ko. Accomplishment yun. Kapag meron, naiinis ako kasi bakit napalamapas ko yun.

Halimbawa, noong college ako, sanay na sanay na akong makatanggap ng singko o ng INC. One time, nakatanggap ako ng malinis na summary of grades. Nagtaka talaga ako. Parang may mali. Di ba dapat may nagawa na naman akong mali?

Kapag enrollment namin sa college, imposibleng wala akong makakalimutang dalhin. Regi card, ID. Parang tanga lang talaga. Tapos uuwi na naman ako. Papagurin ko ang sarili ko.

Sa lahat ng pinasukan kong school, may record ako na pinatawag ako sa office. Maling computation sa grades, late sa submissions, nawawalang documents at kung ano-ano pa. Ironic. Ako kasi yung tao na ayokong napapansin sa work place. Low profile lang ako eh. Pero dahil sa mga pagkakamaling yan, malaki man o maliit. Napapansin talaga ako.

Sino bang guston nagkakamali? There must be a pattern. Alam mo yun. Kapag nagiging confident ako na maayos ang takbo ng lahat, doon humihina yung pag-check ko sa mga maaari kong mamali. Ayun. Oo nga. Kapag nagiging kumportable ako masyado. Doon ako mas nagkakamali talaga. Kasi kapag binusisi ko talaga ang isang bagay o gawain. Okay naman eh.

Lagi akong back to square one mga kaibigan. Yung iba nakausad na rin. Samantalang ako, one step forward, ten steps backward. Tanginang yan. Hindi na tuloy ako maniwala sa mga quote o kuwento na kanya-kanyang panahon lang yan sa buhay. Na hindi naman karera ang buhay. Pero putangina, kahit na hindi karera ito, gusto ko namang sumabay kahit papaano.

In short, ayoko nang magkamali nang paulit-ulit. Please lang. May gamot sa pagiging tanga?

Naalala ko tuloy yung eksena bago ako gumraduate. Nasa tren ako nun. Magdidilim na. Hinahabol ko ang opisina ng PUP Taguig. Galing pa akong PUP Sta. Mesa. Hindi kasi ako makakasabay sa Octoberian dahil sa isang summer grade ko. Pinagpipilitan kasi ng mga tao sa registrar na ang nakalagay daw sa grade ko sa Sosyolohiya, Lipunan at Pagpapamilya ay 2.15. Sabi ko, 2.75 po yan. Eh kung seven daw bakit tuwid? Sabi ko, wala naman pong grade na 2.15 di ba? So malamang, 2.75 yan. Puta ayaw maniwala. Hindi kumbinsido. Bumalik daw ako sa prof ko sa main. Papirmahan at ipa-korek yung grade.

Tangina may magagawa ba ako? Umabsent ako sa trabaho ko nun. Tutor sa korean students. Malaman-laman kong wala daw yung prof ko. Nagbakasyon daw. Sabi ko, kailangan ko talaga siya para maihabol ko yung grades ko kasi nga deadline na kasi ang tagal ko nang sinubmit yun sa office, ngayon lang sinabi sa akin. Kung kailan deadline na di ba?

Dinaan ko naman sila sa diplomasya at maayos na pakikipag-usap, sa madaling salita, nagpaawa ako. Hehe. Kesyo, ako lang ang inaasahan sa bahay. Na request ng nanay kong makita man lang akong gumraduate. Mga ganun.

So hinarap nila ako sa vice president for academics affairs. Nakalimutan ko na kung anong pangalan niya kasi hindi naman talaga ako taga-Sta. Mesa. Tinanong niya kung ano ba ang problema ko. Kinuwento ko. Pinakita ko yung grade ko na 2.75 pero 2.15 daw sabi sa registrar. Hinarap niya ako , mata sa mata saka tinanong.

“Ganito na lang. May natutuhan ka ba sa klase niya?”

“Yes mam.” Sagot ko. Pero hindi ko rin sure. Hehe.

“Ma-a-apply mo yan sa buhay mo?”

“Sana po.”

Tapos kinuha niya yung papel ko.

“Kahit ano namang grade ilagay ng teacher mo dito kung may natutuhan ka sa klase niya kahit kaunti lang, ikaw pa rin ang nakalamang. Anong gusto mong grade? Palitan ko ito ng uno?”

Sabi ko, “Hindi po mam, yung tama lang sana.”

Pinirmahan niya yung certification saka binalik sa akin yung papel.

“Babalik ka pa sa Taguig niyan? Pasensya ka na. Isang guhit lang sa number yung mali, muntik ka pa di gumraduate.” Sabi niya bago ako lumabas.

Sa tren pabalik, paulit-ulit kong sinisisi ang sarili ko kung bakit ako nahihirapan ngayon. Kung bakit hindi ko inayos kaya nag-summer pa ako. At kahit na naghahabol ako sa oras, hindi naman kami parehas ng schedule ng takbo ng tren. Hindi ko yun mapapabilis ayon sa gusto ko.

Kailan kaya ako makakababa sa tren na yun?

 

Saturday, February 20, 2021

Bigat ng Barya sa Blusa


Kinaadikan ko talaga ang play station noong nasa elementary ako. Pati na piso-3-minutes na mga "bidyu" games. Bago pa ako mag-aral, yung kapitbahay naming mayaman at tanging kalaro namin ng kuya ko sa street namin ang nag-introduce sa akin sa game boy. Pinapahiram niya ako pag na-de-dead siya sa Super Mario at Zelda. Pero nung nagka-family computer na siya sabay na kami naglalaro. Solong anak kasi siya tapos ang laki-laki ng bahay nila. Ang kuya ko, hindi mahilig sa mga video games. Mas gusto niyang maglaro sa labas. Sa mga bata na taga-ilalim ng tulay sa loob ng village namin. Iskwater ang tawag sa kanila ng mga home owners. O kaya mas gusto niyang sumama sa biyahe ni papa sa jeep.
Ako? Mas gusto kong magbabad sa de-aircon na kuwarto ng kapitbahay namin kahit na minsan audience lang ako sa mga laro niya. One player lang kasi sa mga adventure at role playing games lalo nang nagka-SEGA Genesis siya. Nadadamay pa ako sa sosyal na meryenda at tanghalian kung minsan na nakakahiya daw sabi ni mama.


Naalala ko pa, inutusan akong bumili ni mama sa Uniwide sa Parañaque na wala na ngayon. Eh may tirang sukli, iniwan ko ang bike ko sa labas ng arcade. Sabi ko isang laro lang. King of Fighters. Paglabas ko, para akong sinuper ni Bogart sa dibdib. Nawawala ang bike. K. O. ako kay mama pag-uwi. Sermong umaatikabo na may kasamang palo.


Grade 5 ako, kasagsagan talaga ng PS1 nun. Nagbabad ako sa mga rentahan ng PS. Nagtitipid ako sa baon ko. Hindi ako nag-ta-traysikel pauwi. Nagpapabayad ako pag maghuhugas ng pinggan. Piso bawat puting buhok ni mama. At ilang mga kupit sa kahon ng barya ni papa. Sobrang humaling ko, yung natitira kong tatlong piso pauwi sa jeep at dos sa traysikel, pinang-eextend ko pa. Tapos hihintayin ko na lang dumaan ang jeep ni papa at sasabay pauwi.


Isang beses na ginawa ko yun, na hindi ako nagtira ng pamasahe pang-uwi, ang lakas-lakas ng ulan paglabas ko ng kompyuteran. Ang tagal din dumating ni papa. Kaya nagpasya akong maglakad. Mula La Huerta hanggang Greenheights Villlage. Nagawa ko na dati. Mga higit trenta minutos na lakaran. Pero dahil nga malakas ang ulan, at dahil siguro rin sa lamig. Hindi na ako nakatiis at ginawa ang pinagbabawal na teknik. Ang 1-2-3.


Sa dulo ako ng jeep umupo. Panay ang iwas ko sa tingin ng drayber. Kabado dahil perstaym. Bahala na. Biglaan, sa gilid ng mata ko, automatic na nag-rehistro ang jeep na minamaneho ni papa. Viva Sto. Niño ang pangalan. Mabilis akong bumaba nang huminto saglit at tinakbo ko ang jeep ni papa. Umupo agad ako sa likod niya. Dinahilan ko na lang na nag-praktis kami kay hinapon ng uwi at nag-meryenda ako kaya wala na akong pamasahe.


"Pre! Yang batang yan, hindi nagbayad."
Parang pinasok ng kulog ang tenga ko. Parang inabot ako ng kidlat. Nag-init ang buong mukha ko at nakayuko lang ako. Bahagya kong nakita sa salamin na dumukot si papa ng barya sa kahon niya at inabot sa kapwa niya drayber.


"Sagot ko na 'to pare. Pasensya na. " sabi ni papa.


Tila nag-isip saglit ang drayber saka nagsalita. "Ay. Anak mo ba yan? Wag na. Wag na." Saka siya bumaling sa akin "Utoy. Pwede ka namang magsabi na lang eh. Okay na pre."


Saka sila sabay na umabante na parang walang nangyari samantalang ako, naiwan lang ako sa kahihiyan at pagpapanggap ko. Sa sarili kong paraan ng pagtakas sa kahirapan. Walang sinabi sa akin si papa. O kahit masamang tingin man lang. Kumain pa kami sa bulalohan bago niya ako ibaba sa amin saka bumiyahe ulit.


Kinabukasan, dinagdagan ni papa ang baon ko ng sampung piso. Hindi ako nagtanong kung bakit. Pero nung araw na yun, buong araw kong tinimbang-timbang sa kamay ko ang bigat ng mga barya sa bulsa ko.

Sunday, February 14, 2021

Taga-record lang ba talaga ng grades ang mga teacher?

"Taga-record lang kami ng grades niyo."

Kasama sa function ng teacher pero hindi naman ito lang ang trabaho niya. Ang guro rin kasi ang lilikha ng pagkukuhaan ng grades base sa kakayahan ng kanyang mga estudyante. Take note, base sa kakayahan ng mga estudyante, hindi sa kakayahan ng guro. Mali naman atang gawing standard niya mismo ang magiging pamantayan para sukatin ang mga mag-aaral dahil unang-una, guro ka, sila mga estudyante. O di ba ang layo agad ng agwat?

Sa klase ko, imposibleng bumagsak ka kung pumapasok ka. Kasi hangga't nandyan ka, magagawan ng paraan kung saan kukuhain ang grades mo. Laging may activity para sa'yo o madadamay ka sa grades sa group work. Hindi naman iisa lang ang activity sa klase. Maraming pwedeng ipagawa. At trabaho ng guro na hanapin kung saan niya pwedeng puntusan ang bata.

Ikaw ang pinakaunang nag-post ng pinapasulat ko kahit na walang nakaisip na magpapasa ka? Very good. Group work niyo sa klase, nakita kitang nakikinig nang maigi sa ka-grupo kahit na minimal ang ambag pero hindi nagpasaway, noted sa akin yan. Hindi mo kasundo ang mga kasama mo sa activity, maldita ka pero you pulled it through nang hindi nag-attitude? Tatandaan ko yan. Hindi nag-eexcel sa written at recitation ang iba pero napapansin kong ang daming mahilig mag-drawing sa klase? Sige. Hanapan natin ng performance task yan. Gawan natin ng activity na sa'yo nakasalalay ang tagumpay ng grupo kasi ikaw lang marunong mag-drawing sa kanila. Tatawagin kita para magbasa ng slide. Hihingan kita ng paborito mong pelikula o pagkain para gawing halimbawa, kahit ano basta makapag-ambag ka sa talakayan.

Basta pumasok ka, may activity para sa'yo. Sa ilang taon ko ng pagtuturo, hindi ko na masyadong ginagamit ang "taga-record lang ako ng grades niyo" kasi parang tinatanggal ko ang responsibilidad ko sa mga estudyante to create opportunities for them to learn and to excel at their own pace and space. Paano ko natutuhan? Nagsisimula ang lahat sa pagtanggap na bilang guro may mga kamalian ako. Maraming kakulangan. Matagal ko bago tinanggap yun. Maraming-maraming kapalpakan muna ang dumaan. Most of the learning styles at activities nakuha ko sa girlfriend kong teacher din. Kapag nagkukuwentuhan kami, may mga comments siya sa akin. Kung paiiralin ang pride, wala kang matututuhan. Learn at unlearn talaga ang kailangan. Importante talaga ang pakikinig sa ibang tao at pagiging bukas sa pagbabago. Ako pa naman yung teacher na nahihiya kapag alam kong may mali akong ginawa. Iniisip ko kung tama ba mga pinagsasasabi ko. Naiinis ako kapag nakaisip ako ng mas magandang gagawin pagkatapos ng isang activity sa klase.

Mas inaayos at mas ginagalingan ko na lang ang ginagawa ko bilang guro bilang utang sa mga estudyante ko noon na alam kong may pagkukulang ako. Nanghihinayang ako sa mga bagay na hindi ko pa alam noon at hindi ko naibahagi sa kanila. Kaya sa mga estudyante ko na lang ngayon ako bumabawi. Hanggang ngayon marami pa rin akong gustong itama. Alam ko mga pagkakamali ko at nahihiya pa rin ako sa mga yun. Yung mga tingin nilang perfect sila at deserve sa matataas na ratings as teacher, sila rin yung hindi naman deserving maging teacher.

Tandaan ng mga guro, yung grades na ni-record niyo ay bunga ng controlled environment na ikaw ang lumikha. Binigyan ka nila ng grades, saan galing yung grades? Eh di sa pinagawa mo rin. Ang tanong, ano ba yung quality ng pinagawa mo? Kasi kung taga-record lang ng grades ang tingin mo sa sarili mo, hindi ka teacher. Microsoft Excel ka.



Thursday, February 11, 2021

Gusto lang naming tumakbo, pero nabili na nila ang mga espasyo

Bigla na lang nagyayang tumakbo tuwing umaga si Anshe. Niyaya niya rin yung mga kapatid niya. Dati binibiro ko siya, kapag umaabot kami ng ala-sais ng umaga at gising pa kami. “Tara jogging na tayo.” At matatawa lang kami kasi alam naming hindi namin gagawin yun.

Although nag-wo-workout naman talaga si Anshe regularly. Ako, mga limang beses lang tapos tumigil na. Hehe. Hindi ko makita yung point sa pag-wo-workout na mismong yun lang ang gagawin eh. Dati kasi naglalaro talaga ako ng basketball. Alam mo yung naglalaro ako pero at the same time may purpose naman akong na-a-achieve at secondary na lang yung papawis. Which is hindi ko naman talaga iniisip kasi gusto ko lang maglaro.

Pero nung niyaya niya akong mag-jogging. Aba! Gusto ko yan! Mahilig din talaga ako sa walk trip eh. Natatawa nga sa akin mga tropa ko kasi pag papunta sa kanila hindi ako nag-ta-traysikel. Lakad lang. Paano, hindi ko alam street at number ng bahay nila kasi nga nasanay ako sa paglalakad. Bihirang-bihira lang naman akong sumasakay ng trike at sidecar liban na lang kung talagang kailangang-kailangan.

Tsaka mas nakakapag-isip ako kapag naglalakad eh. Yun nga, umalis kami ng 530 ng madaling araw. Lakad, takbo ginawa namin. Dito kami malapit sa Paliparan. Bago umabot doon, may mahabang stretch ng bakanteng lupa at kalsadang hindi masyadong dinadaanan kasi maraming dumadaan sa kabila.

Sabi nila sa akin, doon daw sila nag-jo-jogging kahit noong bata pa sila. Sa lugar na yun din nanghuhuli ng gagamba tatay tsaka mga tito nila. Puro talahiban at puno. Ngayon, malawak na kapatagan na lang na may mangilan-ngilang nakatayong ulilalng puno na may nakapakong private property. May mga truck din at heavy machineries na naglatag ng kalsada na magkokonekta daw ng Palipara sa Imus. At syempre, may nakatayong malaking All Home doon. Hindi ka totoong Pilipino kung hindi mo kilala ang pamilya na nagmamay-ari niyan kasama na ang Camella Subdivision.

Pagdating sa Paliparan, lakad-lakad lang kami doon dahil yun ang pinakaabalang lugar sa bahaging ito ng Dasma. May palengke, fast food chains at terminal ng mga sasakyan. Ito ang sailing point papunta sa Maynila, Alabang o iba pang bahagi ng Cavite.

Mga ilang lakad pa, isang mahabang stretch ulit ng kalsada. Yung gilid niya bakante. Sa hula ko, dating palayan. Mini-rice terraces pa nga. Ngayon puro damo na lang at ang nag-iisang baka at maraming-maraming basura. Ang ganda pa naman ng pagka-green ng lugar sa tabi ng semantadong kalsada. Hindi ba nakikita ito ng mga tauhan ng munisipyo? Ang ganda ng mga tanim tapos may bunga ng pinapaputok sa taeng diaper, balat ng chichirya at mga bote ng toyo, suka at patis? Hindi ba ito nadadaanan ni governor? O ni Mayor? Halatang hindi sila napapadaan sa lugar ng mga ordinaryong mamamayan.

Nakarating kami sa pakay namin, ang Island Park. Hindi ako pamilyar kung village ba ito o subdivision. Maganda mag-jogging sa loob nito kasi talagang nature trip men. May mga bahay syempre pero parang un-touched ang beauty of nature dito. Dito kami dumadaan kapag naka-sasakyan kasi shortcut ito na ang labas ay malapit na sa SM Dasma.

Paglapit namin sa gate, tinanong kami ng guard kung saan kami papunta, kako mag-jogging lang sa loob. Sabi ni kuya guard wala na daw kasing pinapayagan dito, puro taga-residente na lang. Pero! Pwede niya daw kami payagan. Hehe. Quiet na lang daw. So ayun nga. Tuloy ang ligaya at pagdurusa ng aking mga namimitig nang binti dahil ngayon lang nakapaglakad talaga nang mahaba-mahaba ulit.

Nakaka-mesmerize sa loob. Ngayon na lang ulit ako nakakita ng hamog! Nang marating namin ang dulo, umikot kami pabalik. Mga isang oras ding lakaran. Nakita ulit si kuya guard at nagpasalamat.

Kinbabukasan, doon ulit ang target namin. Mas maaga kaming umalis kasi mainit na nung pabalik na kami. Pagdating namin sa Island, iba ang guard. Hindi kami pinayagan. Sabi ko naman, kahapon ayos lang. Sabi ng payat na Arnold Swashanegro na naka-shades at flat top ang gupit. Iba daw siya. Wag pagkumparahin. Kaya daw sila napapagalitan dahil sa guard na  pinayagan kaming pumasok.

Atras kami, dumiretso na lang kami at ingat na ingat sa paggilid sa kalsada at baka mahagip ng mga paparating na sasakyan. Hindi syempre sariwa ang hangin dahil maalikabok at puro pa bahay at establishments. Maliit na lang ang kalsada. Alangan namang kalsada ang mag-adjust sa tao?

May mga pagkakataon ding nilalamon ng road widening ang side walks kaya pagilid na lang kami ng paligid. Hindi na kami tumatakbo, umiiwas na lang kami para hindi maaksindente.

Ang sarap maging mayaman. May sariling espasyo para tumakbo. Yun ang nagagawa ng pera. Nabili nila pati ang kalikasan. Ang sariwang hangin. Ang huni ng mga ibon. Ang kaligtasan. Peace of mind. At higit sa lahat, espasyo. Ito para sa akin ang pinakamatinding kayang blihin ng pera. At ang gobyeno naman natin, walang pag-aalinlangang tutulungan ang mga mayayaman para mas lumawak ang espasyo na mayroon na sila.

Sa totoo lang, wala naman talaga dapat nagmamay-ari ng ganun kalaking lupa. Aanhin ba yun ng kakaunting tao na nasa loob ng village? Heto kami, kasama ang ilan pang ordinaryong mamamayan. Ang iba papunta sa trabaho o sa palengke at may mga katulad namin na gusto lang maglakad-lakad at lumanghap sana ng hangin na hindi galing sa tambutso. Lahat kami, dadaan na lang sa mas mahabang daan dahil yung shortcut, nabili na ng mayayaman.

Sasabihin  nila, binili naman nila yun. Lugar naman nila yun. Kaya nga bawal tayo doon at sa iba pang mga exclusive villages. Aalog-alog sila sa malalawak na subdivision at magkakasya na lang tayo sa kung anong espasyong matitira sa atin. Eh sa may pambili sila, anong magagawa natin? Naisip ko tuloy, sa mga ganitong pagkakataon, parang mas ayos pa yung ninakaw kaysa binili.

Walang masama sa nakaw na sandali. Nakaw na pagtingin. Kahit ang nakaw na paghalik, tunog naughty lang. Pero palitan mo ng nakaw ang mga yan, mag-iiba ang kahulugan. Nagawa mo kasi binili mo. Na lahat ng bagay may katumbas na presyo. Binili nila yung lupa. Pero kanino naman kaya? Sino ba nagmamay-ari ng lupa? Kailangan kaya nila maiisip na ibalik ang mga yun sa mga tao. Sa mas nakararaming tao. May mas okay pala sa nakaw sa ganitong usapan. Pagbawi. Paano kaya natin babawiin ang lahat ng ito sa kanila?

Gusto lang naman naming tumakbo, sa kapirasong lupa na inaapakan naman nating lahat.

Sabi nga sa kanta ni Joey Ayala, karaniwang tao saan ka tatakbo?



Tuesday, February 9, 2021

Bahay na Pinagtibay

*Assignment ko rin ito kay Bob Ong. Ito yung pinaka-final output. Ito muna bago ako magsulat ulit ng bago. Hehe.*


Nung una kaming lumipat sa Ulingan, sabi ko sa sarili ko, hindi naman bahay ‘to eh. Silungan lang ‘to. Malayong-malayo sa dating bahay namin sa village na kahit hindi naman ganoon kalakihan, alam kong hindi hamak na sampung beses na matino kaysa dito. Bato ang bahay namin doon. Gawa sa semento at hollow blocks. Maliit. Pero sapat para sa amin. Kaya nga lang nagkaroon ng problema sa mga kamag-anak. At ang nanay ko ang tipo ng taong ayaw magkaroon ng utang na loob sa iba at ayaw nang nadadamay sa away. Lalo na sa away ng mga kamag-anak na isang beses ay bigla na lamang sumulpot sa buhay namin. Nakiusap kung pwede muna silang makitira doon hanggang sa sabihin na nilang sila ang may mas karapatan na tumira sa bahay na yun.

Nakabili sila ng lupa sa murang-murang halaga lang. Limang libong piso. Kapirasong lupa sa isang depressed area sa CAA, Las Pinas. Naging isa kami sa libo-libong mamamayan ng Pilipinas na kung tawagin ay iskwater.

Gawa sa yero ang bahay namin na sinusuportahan ng dos por dos ang mga haligi. Parang lata ng sardinas. Mainit sa umaga, nagbabaga naman sa tanghali. Para kang nasa loob ng oven dahil sa nakapapasong yero. Kung masarap ang tulog ng iba kapag malakas ang ulan, sa amin nama’y hirap makatulog dahil parang may nagbubuhos ng mga turnilyo at graba sa bubong dahil nga walang kisame. At ang mga butas sa bubong na parami nang parami. Mas marami pa sa maaari naming pangsalo sa mga patak.

Unang beses na bumagyo sa bago naming tirahan. Takot na takot ako na baka magising na lang akong walang bubong sa aming ulunan. Kaso mali ako, nagising akong nababasa ang aking paa dahil pinasok ng rumaragasang baha ang bahay namin. At naroon kaming magkakapatid, nakahiga sa kawayang papag na bahagya lamang nakaangat sa tubig. Para kaming nasa ibabaw ng balsa sa tsokolateng ilog at ang tanging dahilan kung bakit hindi tuluyang naaabot ng tubig ang aming papag ay dahil sa walang tigil na pag-aawas nila mama at papa ng tubig-baha palabas sa pintuan.

“O, matulog ka lang.” Sabi ni mama nang nakita akong nakaupo. Humiga ako ulit at tahimik silang pinanood. Mali ako. Hindi ito basta silungan lang. Isa rin itong tahanan.

Lahat ng pag-aalala na mayroon ako nang gabing iyon, nawala. Alam na alam ko kasi na kahit anong malakas na bagyo pa ang dumating, basta nandyan ang mga magulang ko, alam kong hindi nila kami pababayaan.

Unti-unti ko ring tiningnan hindi bilang basura kundi bahagi ng bahay namin, ang mga tagpi-tagping lata ng mantika, yero at mga plywood na pinag-ipunang bilhin ng aking mga magulang. Sako ang pangtakip para sa mga bahaging hindi na inabot ng perang pambili. Kesa masilip ng aming kapitbahay na noodles na naman ang ulam namin, mabuti pang takpan. Kahit ang totoo niyan, halos pare-parehas lang naman kaming magkakapitbahay ng mga ulam sa araw-araw.

Pero ngayong umaga, walang mainit na noodles sa lamesa. Walang makalabas ng bahay dahil sa malakas na bagyong binabayo ang Maynila. Bagyong Milenyo na naibalita na ng ilang beses. Ilang beses din naman na nagbigay ng babala tungkol sa lakas nito. Na dapat maghanda. Pero sa isang pamilya gaya namin na isang kahig, isang tuka. Kung walang biyahe si papa, wala rin kaming kakainin. Yung panic buying, pang may pera lang talaga yun. Sa amin, panic lang ang meron. Wala yung buying.

Buti na lang at natambakan na ang sahig kaya tumaas ito ng kaunti bago sinementuhan kaya hindi na kami pinapasok ng tubig. Hindi na kami binabaha kahit gaano pa kalakas ang mga nagdaang bagyo. Dagdag pa diyan ay ang paglalagay ng taas ng bahay. Gawa pa rin sa yero. Higaan lang talaga namin yun sa taas. Walang kuwarto. Walang division. Tabi-tabi pa rin kami matulog kahit hanggang mag-college na ako. Nakahiwalay nga lang ako ng kutson. Doon ako naka-puwesto malapit sa bintana na tinutukuran ko ng kawayan kapag bubuksan.

Noong bata ako, ang tingin ko sa bahay kapag may second floor, mayaman. Ganun kasi ang mga kapitbahay namin sa village noon. Pangarap ko yun. Tatambay ako sa terrace lalo pag gabi. Ngayon, mga bubong na may gulong at hollow blocks ang nakikita ko kapag titingin ako sa bintana. Ibig sabihin nun ay kinulang sila sa pambili ng pako. Libre pa rin naman maningala sa mga bitwin, nakaharang nga lang sa view ang mga sala-salabat na jumper na linya ng kuryente. Isa kami sa mga naka-jumper.

Akala ko mapipigtal ang mga kable ng kuryente. Mukhang bibigay na ang gawa-gawang poste ng mga taga-Ulingan dahil sa bigat ng mga kable at sa lakas ng hangin. At napatunayan kong hindi sapat ang bigat ng hollow blocks at ilang gulong para hindi kumalas ang mga bubong ng mga kapit-bahay namin sa lakas ng hangin ng bagyong Milenyo.

Abala si papa na hawakan ang haligi ng aming bahay. Yun ang pinakamatibay na bahagi ng bahay namin. Hindi buhos ang haligi namin na gawa sa mga bakal at semento. Sa puntong ito, nagsilbi talagang literal na haligi ng bahay si papa.

Ako at si kuya naman ay nasa taas ng aming bahay. Nangungunyapit kaming dalawa na hawakan ang mga kahoy na kinakapitan ng mga yero. Rinig na rinig ko ang paghigop at paglusob ng hangin sa amin. Sa isip ko, ganito tumawa ang demonyo. Para kaming pinaglalaruan. Parang gusto niya kaming hubaran at ibuyangyang ang estado ng pamilya na parang hindi pa namin alam kung ano kami dito. Gusto kong maiyak at maawa sa sarili ko at sa amin. Heto kami, yakap-yakap ang bahay namin para hindi tangayin. Sa isip ko, kinakausap ko siya. Kaya mo yan! Huwag kang bibitaw! Huwag mo kaming iiwan!

Yung bahay namin dati, kahit maliit, gawa naman sa bato at may matibay na bubong. Kapag may bagyo at walang pasok, nagluluto si mama ng champorado o kaya arroz caldo. Gutom na gutom na rin ako. Hindi kami nakapag-almusal dahil sa bagyong ito dahil baka isang saglit lang na bumitaw ako, kasama akong tatangayin ng hangin. Nagdadasal na rin ako. Mataimtim. Ito lang naman talaga ang pinagdarasal ko, ayaw kong mabalita kami sa tv na isa mga nawasakan ng bahay. Ayokong lumabas sa tv at makita ng mga kakilala na mukhang basang sisiw habang naghahanap ng mga gamit sa sira-sirang bahay.

Ganito pala ang kapalaran ng mga maralitang walaang maayos na bahay. ‘Di ba dapat bahay ang nag-iingat sa mga nakatira sa kanya? Sa amin kasi baliktad. Kaming mga nakatira ang nag-iingat sa mahihina naming bahay.

Sa labas naman nagliliparan na ang mga yero. Hinahati ang ulan at hangin. Hahatiin ang ulong haharang. Basag ang salamin ng traysikel ni kuya Jude nang tamaan ng yero. Nakadungaw pa rin ako sa bintana hapang nakakapit sa mga kahoy. Kung bibitaw ako, mahuhubaran ang bahay. Mababasa ang aming tulugan. Tatambad sa kapitbahay ang aming mga damit na walang tukador na mapagtataguan. Nakasalansan lamang sa plastik ng SM sa isang sulok ng aming kwarto.

Mababasa ang aming lamesang di tupi na mas matanda pa sa akin gaya ng laging kwento ni mama. Ang mga bilog na mantsa ng kapeng malabnaw sa lamesang hindi pa napupunasan. Ang sunog sa lamesa nung nakalimutan kong lagyan ng basahan bago ipatong ang kalderong may bagong saing na kanin.

Mababasa ang aming kalan-de-uling na biyak na ang gilid dahil sa labis na paggamit at init. Walang malulutuan pagkatapos ng ulan. Mababasa ang tig-sampung pisong uling na binili mula sa baryang hinagilap pa sa ilalim ng kama ni mama, sa sapatusan, sa likod ng pintuan namin hindi nakakabit sa pader.

Nakanganga ang aming lumang stove, umaaasang magamit muli. Halos ilang taon na nung huling nakatikim ng gas. Mahal na ang isang tangke ng gas.

Nabili lamang ni papa ang pinto namin sa isang junk shop. Binubuhat namin ito at pang-takip lamang sa aming walang harang na pinto. Parang malaking batong ginugulong sa kweba ni Kristo.

“Mapalad ang mga mahihirap, mamanahin nila ang lupa ng Diyos.” Ngunit ang lupa ng Diyos ay sa langit, at dito sa ulingan, puro usok. Puro uling, walang lupa. Walang bahay na matibay. Ang lahat ay pawang lasing na bahay, pasuray-suray sa bawat bugso ng hangin.

Kitang-kita ko kung paanong tuluyang isinuka ng ilang bahay ang mga gamit na nasa loob nila. Kung paanong dinaig ng sabay-sabay na sigaw at iyak ang halakhak ng hangin ng warakin nito ang bubong ng mga bahay. Basang-basa na rin kami ni kuya dahil sa natuklap na bahagi ng bubong. Hindi ko alam kung umiiyak siya o kung basa lang talaga ang mukha niya. Sa ibaba, tig-isang haligi na ang kinakapitan nila mama at papa.

At sa tingin kong walang katapusang eksena na ito sa buhay namin, dahan-dahang humina ang hangin. Dahan-dahan din kaming kumalas sa pagkakadikit namin sa yero. Sinusubok kung kaya nang bitawan. Bumaba kami ni kuya. Nakapagpalit na ng damit sila mama at papa. Sumunod na rin kami. Iginala ko ang paningin ko sa loob ng bahay, may mga nilipad palang sako at plywood sa ibaba. Sa labas naman, nagkalat ang mga dahon at sari-saring basura na isinaboy ng langit. Pero gaya ng kahit anong nagdaang bagyo, parang mas maaliwalas ang paligid. 

Tiningnan ko ang tagpi-tagpi naming barung-barong. Napangiti ako. May tarpaulin ni Mayor Aguilar sa itaas malapit sa kuwarto ko na kumalas, isang bahagi na lang ang nakakabit. Hinahangin-hangin. Kumakaway sa akin.



Monday, February 8, 2021

Pangakong Food Club!

May pinangako ako kay Anshe pagkapasang-pagkapasa ko ng mga kuwento ko sa isang contest noon, kapag panalo kakain kami sa Food Club.

Kinuwento ko sa kanya yung dalawang naisip ko. Tuwang-tuwa siya. Ipasa ko daw. Sa totoo lang, wala akong confidence na magpasa sa mga workshops, call for submissions at contests. Pero tiwala siya sa mga gawa ko. Tiwala rin naman ako sa mga sinasabi niya. Eh di inupuan ko ang mga ipapasa ko at nai-submit naman. Sa mismong araw ng deadline.

Sure win daw ako sabi niya. Lalo yung isa kong kuwento. Kaya tuwing dumadaan kami sa Food Club, lagi niyang pinapaalala sa akin. At hindi ko rin naman nakakalimutan yun.

Sa totoo lang hindi pa naman ako nakakakain sa mga sosyal na buffet. Mga Vikings ganyan. Oh di ba yun lang ang alam kong pangalan ng buffet. Hehe. Pang-samgyupsal lang ako tapos yung medyo cheap version. Hindi yung pang-malakihan talaga.

Naalala ko noon, pumunta si Anshe sa bahay namin. Kakatanggal ko lang sa dati kong eskwelahan kaya wala akong trabaho ng bakasyon. Ang pinameryenda ko sa kanya, inutang na Pop Cola at Fita sa tindahan na matagal pa ata bago ko nabayaran. Hehe.

Eh nanalo. Hindi lang isa, kundi dalawang kuwento. First at second. Excited ako, ang naisip ko agad yung pangako ko. Naniniwala pa naman ako sa pamahiin. Baka hindi maulit kapag hindi tumupad sa usapan. Kaso ang tagal bago ko nakuha ang pera. Nung nakuha ko naman ang cash prize, pinambili namin ng gamit sa bahay.

After ng mas matagal pang panahon, isang magandang balita! Release na daw ang cheke para sa publication. Limot na ni Anshe ang tungkol sa Food Club, pero para sa akin utang yun na kailangang bayaran. Para sa tiwala at lakas ng loob na binigay niya. Ang sabi ko nga panalo natin yun, hindi akin lang.

"Ay sir, wala na yung Food Club dito. Nilipat na." Sabi sa akin ng guard kasi hindi namin mahanap kung nasaan yun. Natawa kami na nabad-trip kasi ang init-init nung lakad namin na yun.

Nag-joke pa kasi ako na baka wala na yun dun pagpunta namin. Napagod na sa paghihintay. Ayun nga wala na. Pero lumipat naman daw sila sa malapit na lugar na mahirap nga lang puntahan kung ordinaryo kang mamamayan. Sa Ayala Mall sa likod ng City of Dreams, pang-may kotse lang talaga. Sa iba na nga lang daw kami kumain. Pero sabi ko nga andun na kami. Ang pangako ay pangako. Bale mula sa Blue Bay Walk, pumara na lang kami ng taxi para makarating doon. Mabilis lang naman. 

Nakarating kami 4pm tapos 530pm ang opening. Hintay ulit kami. Grabe. Namangha talaga ako sa nakita ko sa loob. Ngayon lang ako nakakita ng ganun karaming pagkain. Food Club indeed! Personal favorite namin ang hot pot. Shet. Sobrang lupet nun! Sabog yung taste buds ko. Panalo yung dimsum section nila. Ang daming pagkaing hindi ko mabanggit ang pangalan. At sa experience ko, yung mga pagkaing hirap i-pronounce ng dila, doon siya nasasarapan. Haha.

Approachable ang lahat mula sa guards hanggang sa mga nag-se-serve. Kahit na mukha akong dukha at ignorante sa mga ganitong kainan, hindi naman nila ipinaramdam na others ako sa establishment na ito. Hindi nakakahiyang magtanong kung ano yung pagkain na nasa harap ko na ngayon ko lang nakita o sa tv ko lang nakikita. Haha.

May healthy bar din sila. Pipili ka ng fresh fruits tapos sila ang mag-shake nun para sa'yo. 

Watermelon shake! Walang asukal pero matamis!

Ang ending, umuwi kaming busog na busog. Mission accomplished. Ignorante lang talaga ako sa mga ganung lugar pero sinigurado kong sinulit ko. Hehe. At syempre masaya akong kahit sa ganitong paraan nakakabawi ako sa kanya. Kahit sa ganito lang siguro muna.

Pastry section!

May pinuntahan kaming seminar noon, parehas kaming walang pera kasi ang layo pa ng suweldo. Kaya ang dinner date namin ay isang umuusok na mami sa kariton, isang baso ng fishball at kikiam saka naghati kami sa isang bote ng pepsi. Naisip ko, ganun pa rin naman kami kahit saan pa kami kumain.

Kasi tulad ng dati, nagkukuwentuhan kami habang kumakain. Nagtatawanan. At umuwi kaming busog sa pagmamahal. 


Sulit sa Food Club


Sunday, February 7, 2021

Seasoning for all-Seasons!

Si Anshe, siya na siguro yung pinaka-honest na taong nagsasabi kung ano talaga ang lasa ng luto ko. Dati nga, sumasama pa ang loob ko pag may comment siyang hindi ko masyadong trip. Kapag gulang sa ganito, kulang talaga. Kapag over cooked, sasabihin niya talaga. At kapag ayaw niya, hindi niya talaga kakainin.  Madalas, yung sinabi niya sa luto ko, napansin ko na yun. In denial lang ako. Hehe. Syempre, kumbaga, ako yung nagluluto sa ating dalawa, mas alam ko ang ginagawang ko. Mga ganung pantangang shit na pag-iisip. Haha.

Nasanay kasi akong sa bahay namin, lalo kay mama, lahat ng ginagawa ko masarap. Kaya siguro lumaki ulo ko eh. Na kahit alam kong sa sarili kong may kulang, eh puta sabi ng nanay ko masarap eh. Napaniwala naman ako. Kaso nanay nga eh. Ganun talaga. Pro tip lang ano. It's one thing to feel good when you recieve complements pero wag lang ibagsak lahat sa ulo. Hehe.

On the contrary, Kapag sinabi niyang masarap, masarap talaga! At doon naman ako minsan hindi nararamdaman na satisfied ako sa gawa ko. Inuulit-ulit ko pa nga yung tanong ko sa kanya. Kasi para naman sa akin, parang may kulang o sobra sa ginawa ko.

Ma-ba-badtrip siya kapag sa susunod na ginawa ko yung dish na yun dahil request niya at nagustuhan nga niya at may babaguhin ako sa recipe. Dadagdagan ko ng ganito o babawasan ko ng ganito kasi nga feeling ko, may kulang. On her end naman, tama na nga yung ginawa ko, bakit hindi ako makuntento doon eh masarap nga kaya ni-request niya. Yung saktong yun ang gusto niya. Ending, hindi niya kakainin yun.

May point eh di ba? Sa tingin ko, i am constantly over thinking din sa mga ginagawa ko. Hindi ko alam bakit ganun. Tangina naalala ko tuloy yung niluto ko noong shawarma, na may favorite din niya, pero nasobrahan ko sa asukal. As in sobrang tamis. Parang shawarma candy. Ganun. Haha. Iniisip ko kasi na parang kulang yung caramelization ng asukal kaya dinagdagan ko pa nang dinagdagan. Ayun nga ano. Isang kutsara na lang ng asukal, pwede nang panutsa at ilagay sa puto bumbong.

Kaya palagi niyang sinasabi sa akin kapag na-hit ko yung jackpot na lasa, ayan ha, tandaan mo na yan. At tinatandaan ko talaga. At kapag nagluluto na ako, lagi kong sinasabi sa sarili kong be satisfied.

Pero hindi pa rin laging ganun. Haha. Nagluluto nga eh. Kasama dyan yung pag-eexperiment. Syempre laging gusto kong sumubok o mag-try. So ang ginagawa ko na lang, hinihiwalay ko yung pag-eeksperimentuhan ko. Ipapatikim ko din sa kanya yun. Kapag okay, i-a-update ko ang recipe. Kapag hindi, balik sa original.

Hindi lang sa pagluluto, kasama na diyan yung ugali ko. Medyo madali akong ma-offend. Minsan hindi medyo. Hindi ko rin maintindihan yung sarili ko eh. Yung madalas na ikagalit ng maraming tao, hindi ako nagagalit. Pero yung madalas na ewan ko, minor lang, minsan doon pa ako galit na galit. Pero natutuhan ko rin, at natututo pa rin paano titimplahin yung emosyon ko kapag nakakatanggap ng puna. Hindi naman ako feeling perfect. Malayo yun sa ugali ko. Mas malaking percent ng pagkatao ko, hindi madaling ma-offend. Pero parang may 1% sa akin na wag mo nang puntahan dahil sasabog talaga ako.

So masasabi kong si Anshe ang pambalanse ko. In effect, siya yung seasoning sa pagkatao ko. Tipong okay naman ako, ata. Pero dahil sa kanya, mas nabubuo. Sa ganun niya ako binabago. Kasi siya mismo nagsabi, okay naman daw ako. Kaunting sprinkle lang ng kasipagan. A dash of pagiging malinis sa sarili. A pinch of discipline. A zest of motivation. A little kick of direksyon sa buhay. Ayos na.



Saturday, February 6, 2021

Tanduay Tibay ng Loob Gig

Na-invite kami dati ni Anshe sa commercial ng Tanduay na magsulat at mag-perform. Hindi kami sumama kasi sagwa naman tingnan na teacher kami tapos nag-eendorso kami ng alak. Hehe.

Nito lang quarantine, nag-message yung Tanduay sa Lapis ArtCom, writing community namin. Spoken word daw na may temang quarantine. Ang pinagsulat namin yung mga bago at batang members para maka-experience naman silat at syempre, bayad yun. At syempre, maganda rin sa resume nila. Si Anshe na lang mag-edit ng mga ginawa nila. Give chance to others tsaka para na rin sila naman.

Eh ayun nga, okay naman ang ginawa nila. Si Anshe nagbigay ng tema. Kasi yung mga tito at tita niya, halos lahat sa barko nagta-trabaho eh nung nagka-covid, pinauwi silang lahat. Wala tuloy silang trabaho dito. Mula doon sa idea dinivelop nila yun.

Okay naman. Nabuo nila, kaso sabi nila dapat matanda yung magsasalita kasi tatay yung persona. Bakit naman ganun? Eh ako yung pinakamatanda sa grupo, ending, kasali pa rin ako. 

Parang ako pa tuloy sumalo ng mga gawa nila. Gusto ko pa naman sila yung ma-front. Kaso wala, boses ko na lang daw kasi pang-matanda. Ediwaw.

Nasa fb page pa rin ng Tanduay yun ngayon. Check niyo!


Ayos naman. Bayad yan eh. Haha.




Friday, February 5, 2021

Yosi Balasi

 

*Assignment ko ito sa klase ng Creative Nonfiction kay Bob Ong. Yes. Si legendary writer Bob Ong ang writer at yes hindi ko pa rin siya kilala dahil sa facebook thread lang siya nagkaklase. Tungkol ito sa unang pagyoyosi ko sa lugar namin kasi hindi ako nagpapakita sa kanila na nagsisigarilyo ako.*


“Pa, may hahanapin lang ako sa labas.”

Bisperas ng Pasko, umiinom na si papa sa labas kasama ang mga kapitbahay namin. Tumango lang siya saka bumuga ng usok pataas. Ang mga unang alaala ko ng pagkabata kay papa, nagyoyosi na siya. Pero kahit kailan, hindi siya nagyosi sa loob ng bahay. Kaya ito rin ang gagawin ko. Sa labas ako ng bahay magyoyosi. Pero hindi pwedeng sa labas lang, kung saan makikita ako ni papa at ng mga kapitbahay namin. Lalong-lalong hindi pwedeng makita ni mama.

Bakasyon eh. Perks ng pagiging teacher yung bakasyon ang mga kliyente ko, bakasyon din ako. Kaso yosing-yosi na din talaga ako. At ito ang unang yosi ko sa lugar namin.

Ilang buwan na rin siguro akong humihipak. Lahat ng tropa ko, smoker. Pero hindi naman nila ako naimpluwensyahan. Basta isang inuman, nag-decide na lang akong ubusin ang kalahating stick ng yosi na pinahawak sa akin ng tropa nung magpunta siya sa cr. Hinanap niya sa akin pagbalik niya pero ang naabutan na lang niya ay huling buga ng usok sa yosi niya. Tapos yun, nagtuloy-tuloy na.

Tatlong kanto na ang layo ko sa bahay. Sa totoo lang pwedeng-pwede na ako magsindi. Kaya nga lang, tuwing dudukutin ko na ang yuping kahon ng yosi, may makakasalubong akong kakilala. Hindi lang basta kakilala. Mga dating kasama sa simbahan. Hindi nga lang dating kasama sa simbahan, mga kasama sa gawain. Youth leader ako eh. Magpapastor nga sana ako.

Sa totoo lang, matagal na akong hindi nagsisimba. Dapat hindi ko na isipin ang iisipin pa nila. Kung bakit umalis ako sa simbahan na parang naging bahay ko na rin sa lumipas na limang taon ay mahaba-mahabang istorya. Mga ilang kaha ng yosi bago ko matapos. Sa ganun ko na rin sinusukat ang distansya o paghihintay sa mga bagay. Ang layo ng bahay namin hanggang sa labas, dalawa’t kalahating stick ng yosi yan. Ang Julie-Tear jerky ng Eraserheads, kalahating stick. Syempre sumasabay ako sa kanta.

Siguro ganito na lang, umalis lang ako sa simbahan pero hindi sa pananampalataya. Ayoko na sa rules na sila-sila lang din naman ang nag-set sa mga sarili nila. Lahat ng mga pekeng tao, nasa simbahan na. Eto ha, may kasama ako sa music ministry noon na nakita ng isa sa mga anak ni pastor na nagsisigarilyo sa labas, nang sumunod na linggo, na-pulpito na agad. Tangina di ba? Nag-yosi lang, hindi mo na mahal ang Diyos? Lahat naman ng tao, may kanya-kanyang trip. Pagalingan lang naman kaming magtago ng mga yun kasi erehe ang tingin nun sa simbahan namin.

Tawang-tawa ako sa reasoning ni pastor sa sermon niya nung araw na yun.

“Pinapasok mo na si Hesus sa puso mo. Naninirahan na ang Diyos sa katawan mo tapos pauusukan mo siya? Ano siya, manok?”

Pinipigilan ko lang tawa ko pero nakakatanga naman talaga. Alam ko namang hindi makitid ang utak ng Diyos.

Pero sa lugar namin, kasingdikit-dikit ng mga pader ang tainga ng magkakapitbahay. Dagdag mo pa diyan ang sasabihin nilang “teacher pa naman.” Bakit ano ba ang mga teacher? Living saints? Okay lang naman sa akin kung malalaman nila, pero huwag muna siguro ngayon. Ayokong mag-noche buena ng sermon galing kay mama at pangongosensya na kesyo hindi ko siya mahal dahil papatayin ko ang sarili sa bisyong ito na magiging dahilan ng matindi niyang kalungkutan.

 

Kapag nagyosi ka naman sa kung saan lang, titingnan ka pa ng ilang mga tao. Syempre, sino nga namang non-smoker ang gustong makalanghap ng usok na galing sa hininga mo? Mag magsasabi pa sa’yong, excuse me, hindi mo naman binili ang hangin na nilalanghap ko para dumihan mo. Mga galit na galit, gustong manakit.

Pero hindi naman sila makapagreklamo sa makakapal na usok ng mga pabrika na nagpapaitim sa langit at sumisira sa kalikasan. Kapag yung usok galing sa magagara nilang sasakyan na kahit sabihin nating puti yan, usok pa rin yan. Puta akala mo, ang babango ng mga utot. Excuse me, hindi mo binili ang hangin sa paligid ko kaya wala kang karapatan na ututan ito.

Ganun naman ang tao. Kaya niya lang punahin yung mga maliliit na nasa paligid niya.
Kaya niyang sigain yung kaya niya. Sarili ko naman ang pinapatay ko. Ang dinudumihan ko. Ang dumi-dumi na naman ng hangin sa Maynila, ano ba naman yung dagdagan ko pa para sa akin? At least yung usok na yun, choice kong ipasok sa sistema ko.

Naglakad ako nang naglakad palayo. Para makasigurado, tumawid na rin ako palabas ng baranggay namin at tumawid papasok sa tapat na subdivision.

Doon, sa kantong akala mo walang pasko dahil walang mga nag-iinuman sa labas at hindi abala, malayo sa mga matang mapanghusga. Nagsindi ako ng yosi gamit ang unang lighter na binili ko. Lucky Strike na pula ang unang brand ko ng yosi. Malalim ang hithit ko, sa sobrang lalim nahithit ko pati ang christmas spirit. Malamig. Parang menthol sa bibig. Saka sinabay ko ang isang mabigat na buntonghinga at pinakawalan ang isang makapal na ulap na namuo sa dibdib ko ng ilang araw. Whoooo..

“Merry Christmas.”

Bago ako humithit, panay lang ang lingon ko sa paligid. Baka kasi may kakilala akong dumating. Tangina no? Hindi ko talaga na-enjoy. Para lang akong gago na alalang-alala sa sasabihin ng iba. Para yosi lang eh.

“Anong kayang ginagawa mo sakaling datnan mo ang second coming ni Hesus?” Madalas na tanong ni pastor sa amin.

Hindi pa ba dumadating si Hesus? Para sa akin, matagal na siyang nakababa ulit. Baka nga isa na siya sa mga dumaan sa kalsadang ito. At kung lalapitan niya mismo ako, hindi ako magdadalawang-isip na abutan siya ng isang stick ng yosi. Sisindihan ko rin yun para sa kanya parang isang tunay na boss ng isang mafia na libong taon nang tumatakbo dito sa mundo. Pagkukuwentuhan namin ang mga kakupalan ng mga anak niya dito sa lupa. Ikukuwento ko rin sa kanya na minsang sinabi ng pastor namin noon na nakakausap niya raw ang diyos at naririnig ang boses nito. Pagtatawanan namin sila. Pagtatawanan namin ang mga ginawa nila alang-alang sa pangalan niya.

Tapos yayain ko siyang magpainom kasi birthday naman niya.


Ganito pa mga inaattendan kong seminar dati. Haha. 2010.

Thursday, February 4, 2021

Inasal Lang dapat Sapat na


Finish product na agad. Hehe.

First time ko gumawa ng inasal. Tagal ko na rin gustong subukan eh. Hassle kapag de uling pero pwede naman sa oven. Pero syempre iba pa rin kapag inihaw sa uling. Yung may sunog. Yung nakaka-cancer. Yun nga nagpapasarap dun eh. Next time, subukan ko yung sa uling. 


Mas okay kapag ganitong hiwa. Parang mang inasal talaga. Toyo, suka, brown sugar, bawang, luya, tanglad kaunting tubig. Nasa sa'yo na kung gusto mo lagyan ng vetsin. O ng magic sarap. Wag lang sabay baka mamatay ka agad. 3 hrs ko minarinate. Mas okay kung overnight.

2005 nagkaroon ng Mang Inasal sa Maynila. First year college ako niyan. Ang alam ko, unang kain ko diyan kasama mga tropa ko. Panahong may part-time job na ako bilang all-around tutor at yaya ng mga koreano sa kung tawagin nila ay academy. Tangina, ito yung mga panahon na feeling ko butas yung tiyan ko. Walang katapusan at mahirap punuim. Lagi akong gutom. Syempre growing kid. Pitong cups of rice ang record ko sa Mang Inasal. Sa tokyo-tokyo 11 kasi mas maliit ang scoop doon. Sa karate kid naman, sampu. 

Ganun lang talaga trip ko. Gusto ko kasi kapag kumakain ako, yung sulit. Hindi ko naman pinipili kung masasarapan ako. Doon ako sa mabubusog ako. Parang pag bibili ako ng tinapay sa bakery. Ang pinipili ko talaga yung mabigat sa tiyan. Pucha, sa panahon ngayon, mas praktikal pang kumain sa fastfood kaysa karinderya. May softdrinks ka na. Aircon pa. Aba'y feeling boss ka pa dahil may mga nagsisilbi sa'yo.

Kanin is life talaga eh. Tangina pinakamatindi naming ginawa nung nagdala kami ng kaldero sa jollibee.
Ako, si Eds at si Onins. 2015.

Hindi ko na kayang gawin yun ngayon. Hanggang dalawa na lang nabubusog na ako. Tsaka nabubusog na rin ako sa meryenda. 

Iba yung lasa ng mang inasal sa lasa ng ordinaryong barbecue eh no. Iba din yung lasa ng mang inasal sa iba pang inasal gaya halimbawa ng chicken bacolod na paborito ng ninang ko pero para sa akin ay walang kabuhay-buhay.

Isang oras at mga 15 mins. Pahid-pahiran mo lang ng annato oil para makuha mo yung kulay.

Mang Inasal din ang nagpauso ng chicken oil. Isa sa magagandang regalo ng diyos sa sangkatauhan. At kahit pa alam na alam naman nating knorr lang ang sabaw ng mang inasal. Makikipagpatayan tayo diyan parang si anshe na talaga namang kumakain lang sa inasal dahil sa sabaw. 

Chicken oil mula sa fat at skin trimmings.

Chicken oil na may dinurog na crispy skin at crispy garlic para mamatay na agad tayong lahat. Joke lang. May garlic naman eh. Napulot ko yan kay Ninong Ry.

Nami-miss ko bang kumain sa labas? Hindi masyado. Lalo na nang mas dumami yung alam kong luto. Kung may namimiss man ako, eto yung feeling na may kasama kang kumain sa labas syempre may ibang dating yun eh. 

Dati, simple lang naman gusto ko. Mabusog sa kinakain ko. Kaunting ulam, maraming kanin. Bonus na kung may malamig na softdrinks. Ngayon, parang lahat ng gusto kong kainin, natikman ko na ata. Kung ang goal lang naman ng tao ay kumain at malamnan ang tiyan, mas hindi siguro ang mundo. Kaso parang yung mga mayayaman pa ang patay gutom eh. Meron na nga sila, tangina gusto nila sa lahat sa kanila.

Sana ano, mang inasal at unli-rice lang ang pupuno sa pagkatao natin. Kaso hindi eh.

Tamang pabebe lang bago kainin.


 

Tuesday, February 2, 2021

Japan! Japan! Sagot sa Kahirapan!

Kanina pa ako tingin-tingin ng mga job postings na para sa teacher sa Japan. Biruan namin ni Anshe yun noon. Na magtrabaho na lang sa Japan. May nakita kasi kaming dumaan sa facebook na scholarship sa Masters sa Japan.

Tinanong ko siya dati, kung anong bansa ang pangarap niyang puntahan. Sabi niya wala naman daw siyang naiisip. Pero sa aming dalawa, siya yung mahilig umalis-alis. Mag-travel. Pangarap niya malibot ang Pilipinas. Kabaliktaran ko. Ang pag-alis ang isa sa mga bagay na hindi ko gustong gawin. Gusto ko yung napipirmi lang ako sa isang lugar. Oo umaalis ako ng bahay. Pero hanggang sa tropa lang naman ang destinasyon ng mga lakad ko.

Umalis kami noon ni Anshe. Unang alis namin sa malayo. Sa Ilocos. Tuwang-tuwa ako nun. Naintindihan ko kung bakit iba pala yun sa pakiramdam. Nasundan yun ng marami pang pag-alis. At ako mismo, looking forward sa mga yun.

“Ako gusto kong pumunta sa Japan.” Sabi ko sa kanya. Yun lang ang bansang naiisip kong gusto kong puntahan. Siguro kasi bata pa lang ako mahilig na talaga ako sa mga anime o kaya sa mga sentai na palabas. Hindi hentai ha! Sentai! Sila Bioman. Jetman. Ganun. Dadgdag mo na sila Ultraman, Masked Rider, Shaider at Machine Man.

Pero hindi ko naman naisip na gusto kong umalis ng Pilipinas dahil gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Gusto ko lang pumunta sa Japan para ma-experience ang kultura nila. At madalaw ang libingan nila Ace at Whitebeard.

Desperado na ata talaga ako. Paano ba ako humantong sa ganito? Pati mga youtube channel ng mga karanasan ng mga Pinoy teachers sa Japan, pinapanood ko na rin. Nag-message pa nga ako sa ibang page at nag-mental checking ng mga requirements na meron ako at wala.

Para kasing kailangan ko na talagang magkapera. Dati naman hindi ko naiisip yan. Pera ang pinaka-boring na topic para sa akin. Sunod dito ay kotse at gadgets. Wala lang talaga akong hilig. Pero ngayong nakikita ko na ang mga bayarin. At mas nakikita ako ang kalagayan ni mama. Parang ang naiisip ko na lang ngayon, magkaroon ng maraming pera.

Nag-resign ako sa pagiging teacher ko noon. Kasi feeling ko hindi na ako masaya. Nag-call center ako. After two months, bumalik din ako sa pagtuturo. Reason? Hindi ako masaya. Ang babaw pala ng problema ko. Kaso yung kabawawan ko yun ay hindi ko pala dapat pinapairal kasi may mga taong umaasa sa akin. Dadating pala ako sa puntong ang dahilan kung bakit kailangan kong gawin ang isang bagay ay dahil sa pera.

Wala naman daw kasing yumayaman na teacher. Sabi ng mga mayayamang teacher, nasa tao yan. Pwede kasing, may sarili silang bahay. Hindi bread wiiner. O mag-asawa ng seaman. Ayokong ikumpara yung sarili ko sa kanila. Nagsisisi ba ako na hindi nag-ipon? Pero paano ako makakapag-ipon kung halos buong suweldo ko noon, pantulong ko sa pamilya ko. Hindi ko rin sila sinisisisi. O yung pagiging sugarol ni papa. Wala namang magagawa kung magsisisi ako.

Don’t get me wrong. Kaya nilang mabuhay kahit wala ako. Pero yung naiisip kong kulang yung naibibigay ko. Doon ako kinakain ng guilt ko. Kala ko hindi ako tatablan ng kapag nakikita ko ang mga kababata ko o kaklase sa social media na umasenso sa buhay. Hindi naman ako inggit sa meron sila. Naiinggit ako kung paano nila naibibigay sa pamilya nila yung ganun. At sa security na mayroon sila. Kung anong kaya nilang ibigay sa mga partners o sa asawa nila. Hindi naman nanghihingi o nag-dedemand yung mga tao sa paligid ko. Pero mas doon ako nilalamon.

Kaso ano lang ba kaya kong gawin? Nasubukan ko na ang corporate. Hindi ako bagay doon. Maski na tiisin ko. Papalpak ako doon. Bobo ako sa structures eh. Mapapahiya lang ako sa mga boss at sa sarili ko kung ipipilit ko yun. Ang bobo ko nga makipag-usap sa mga customers pero sa totoo lang marunong naman akong makipag-usap ewan anong nangyari sa akin sa call center.

Dalawa lang ang skill set na mayroon ako para mabuhay. Maging teacher at maging writer. Yung pagiging writer na hindi naman ako palaging may project. Yung pagiging teacher ko na hanggang ngayon, hindi pa rin ako regular at may suweldong hindi kalakihan.

Buti pa yung mga ibang teacher na kasabayan ko o kaklase ko. Parang mga wala nang problema sa buhay. Pwede bang ibalik na lang sa nakaraan? Kaso hindi rin naman pwede. At alam kongkung babalik lang ako sa nakaraan, mas malaki ang problema ng pamilya namin. Hindi ko lang ramdam dahil si mama ang sumasalo nun. Hindi naman ako.

O baka nga gusto ko lang talagang tumakas. Gusto ko lang pumunta sa Japan to live in a dream world na punong-puno ng anime. Baka naman iniisip ko na ililigtas din ako nila Bioman sa mga kaaway. Pero walang ganun sa totoong buhay eh. Ikaw ang sarili mong bida at kontrabida sa buhay na ito.

Baka part of growing-up lang ito. Tang ina, 32 na! Part of growing-up pa rin! Kung iisipin ko, wala naman talaga akong mabibigat na problema. Baka ako lang ‘to. Pwede ring all this time, ang sinasabi ko lang sa sarili ko ay “baka ako lang ‘to.” Kaya hanggang ngayon, heto pa rin ako. Ako lang ‘to.

Sabi sa akin ni sir Robert dati, nag-iinuman kami nun, itatapon ko raw ang mga paniniwala at ideals ko balang araw. Masyado daw akong idealistic. Ito na ba yun sir? Ayaw niya daw talagang umalis sa Pilipinas, si Sir Robert. Pero anong magagawa niya? Yun daw ang dikta ni misis. Nakikita ko siya sa facebook. Sa tingin ko, mas nakabuti yun para sa kanya. Pero ano kaya talagang nararamdaman niya? Mas masaya nga siya doon? Rak en roll pa naman yung taong yun. 

Hirap kasing maging teacher sa bayang mas pinaniniwalaan pa ang mga influencers kesa sa'yo. Mas pakikinggan pa sila Banat By at Mocha. Hirap maging teacher sa bansang hindi pinahahalagahan ang edukasyon. Hirap maging teacher kapag mababa ang sweldo. 

Ready to leave the Philippines na ako! Wala na akong pakialam sa mga sasabihin niyong nilunok ko lahat ng sinasabi ko noon. Lalo sa mga pangaral ko sa mga estudyante ko na manatili sa Pilipinas. Haha. Para namang nakinabang ako sa mga suweldo niyo ngayon. Hypocrite na kung hypocrite. Nag-subscribe na ako sa online learning para mag-Nihonggo. Nag-review na ako ng do's and dont's sa Japan. Sayonara motherfuckers! Sayonara duterte! Sayonara mga bobong opisyal ng gobyerno! 

Sa dulo ng thread na nabasa ko tungkol sa pag-a-apply sa Japan, nabasa kong bawal ang may tattoo. At naalala kong alam ko yun dahil mahilig akong manood ng mga docu sa Japan. Nawala lang sa isip ko. Napatingin ako sa mga tattoo ko. Sablay. Tangina.


 


A Journey of a Footlong Starts with a Hotdog


Maaga akong nakatulog kanina kaya maaga rin akong nagising. Si Anshe, nagsusulat paggising ko. Tinanong kung may pagkain ba daw na pwedeng lutuin, nag-check ako sa ref. May hotdog pa. Kakaubos lang ng tangke kagabi kaya sa electric grill na lang namin niluto. Yung ginagamit namin pang-samgyupsal. Lakas maka-sosyal!

Nagluto ako ng tatlong hotdog. Tender Juicy Cheese Dog. Doon na rin namin pinrito ang itlog tsaka nag-grill, naks, ng tasty na pinahiran ng star garlic margarine. Nung dinner, hotdog din ang inulam namin pero yung chicken franks. Saka ako naglagay ng kape sa coffee maker. Sarap ng almusal namin, alas-tres ng madaling araw.

Salit-salit ako sa pagkagat sa tostadong tinapay, paghiwa ng itlog, higop sa kape at upak sa hotdog. Hindi ko namalayan na isa’t kalahati na pala ang nakakain ko sa jumbo hotdog. Huminto na ako kasi baka maubusan ko si Anshe. Saka ko lang naalala, paborito ko pala talaga ang hotdog. Naalala ko rin si Patrick, yung besprend ni Pepito Manaloto. Napangiti ako. Bigla kong nakita yung batang ako na easyng-easy lang na pagkasyahin ang isang regular sized hotdog sa gabundok na kanin.

May panahon sa buhay ko noon, na parang kasalanan ang magpapak ng hotdog at luho ang pag-uulam ng dalawang hotdog sa isang kainan.

Jeepney drayber si papa. Hindi naman kami ganun siguro kasadlak sa hirap. Pero ito yung tipo ng isang kahig, isang tuka. Kapag walang biyahe, wala talagang kakainin. Paminsan-minsan nakakaranas din naman kami mag-grocery. At lagi kong pinapaalala kay mama na kumuha ng hotdog. Hindi ko makakalimutan ang mga araw na namimili kami sa dating Liana’s Supermarket sa Parañaque kung saan naka-scotch tape sa noodles ang plato o bowl ng Maggi. O kaya naman mga baso ng Milo. Café Puro na babasagin ang lalagyan at gagawing baso pagkatapos. At syempre ang mga freebies ng Mighty Meaty Hotdogs na pencil stubs. Hindi pa uso ang Avengers, na-kumpleto ko na sila noon dahil dito. Ang una ko pa nga noong nakuha, si Captain America, the first Avenger.

Yung Tender Juicy, alam naman siguro ito ng lahat, masarap talaga ito kahit kailan at kahit saang anggulo mo pa ito tingnan. Sobrang sarap kung bagong luto, masarap pa rin kahit lumamig na. At lagi kong naa-associate dito si Alvin Patrimonio dahil sa PBA Team niya at sa isang pelikula niya kung saan kumain siya ng sandamakmak na TJ Hotdogs sa almusal. Ito yung may magic na bola na nagiging tao.

Pero may espesyal na lugar sa puso ko ang Mighty Meaty Hotdog, bukod sa mga freebies nito na madalas nga ay pencil stubs, parang mas marami talaga akong nakakaing kanin pag ito ang ulam. Mga lamang ng isang cup. Hehe. Hindi siya ganun ka-firm di tulad ng TJ, pero bumabawi naman sa juiciness na kumakatas kapag hinihiwa mo. Mas malinamnam din ito sa panlasa ko pero hindi ganun kaalat. Medyo pale din ang pagka-pula nito. Kahit sa corned beef, mas gusto ko rin yung hindi ganun ka-pula. Kaya naman ang paborito ko noon ay yung Rodeo Corned Beef na akala ko may factory din sa Parañaque bago dumating sa BF kung papunta kang Sucat. Doon din makikita yung payat na baka at kabayo, at tupang walang buhok na nasa loob ng compound nila na nanginginain ng damo. Matagal ko bago nalaman na hindi pala yun factory ng Rodeo Corned Beef kundi pagawaan ng lubid! Paano naman kasi, yung logo ng corned beef na yun ay inispelling na Rodeo gamit ang lubid. Dagdag mo pa ang mga hayop na nakikita ko doon.

May dalawa akong sistema ng pagkain ng hotdog noong bata pa ako. Minsan, inuuna kong kainin yung balat. Yun muna ang inuulam ko hanggang sa tuluyan itong maging skinless saka ko uunti-untiin ang naiwang laman. Kabaligtaran at mas kumplikado yung pangalawa. Yung una kong kagat, walang kanin. Ito yung parang alay sa demonyo kung sa inuman. Nanamnamin ko muna yung hotdog in all its pure form and essence. Kapag naikalat ko na ang lasa ng hotdog sa limang taste regions ng dila ko, saka ko maingat na kukunin ang laman ng hotdog. Pwede ba yun? Yes po, pwede. Maingat na maingat kong ginagawa yun at kapag hindi na maabot ng kutsara ang mababaw na laman nito, pinipisil ko naman palabas ang laman nito gaya ng paninimot sa tube ng toothpaste pero dapat magaan lang ang pagpisil dahil baka mapunit ang balat nito. Sayang lang ang effort. Hanggang sa matira na lang ay ang lupaypay at kuluntoy na balat ng hotdog. Nothing but an empty shell and a reminder of its former self. Sunod kong gagawin, unti-unti kong papasakan ng kanin ang balat ng hotdog. Gentle lang ulit, hanggang sa mabusog ko ito at medyo bumalik sa dati. Parang isang mahusay na taxidermist na nilalagyang ng palamang bulak ang isang patay na ahas. Ito siguro yung version ko ng Paksiw na Ayungin ni Pete Lacaba.

Tapos, pipiruthin ko ulit ang hotdog na may lamang kanin sa mahinang apoy. Dito asar na asar si mama. Una sayang sa gas. Panglawa, ang daming arte bakit hindi na lang kainin. Naka-budget lang kasi talaga ang ulam namin. Isang hotdog lang talaga sa bawat kain. Kuwento pa ni mama, sa bahay daw ng lolo nila sa probinsya, kinakadena at pinapadlock ang ref para hindi sila makapuslit ng pagkain. Kaya pag may mga birthdayan akong napupuntahan sinusulit ko talaga ang mga hotdog na hindi ko alam kung anong kasalan ng piña at bakit siya ang napiling saksakan ng mga ito. Kapag nasa ihawan sa labas o kainan sa hi-way dahil sumama ako sa biyahe sa jeep at medyo galante si papa dahil nanalo sa sabong, bukod sa bulalo o barbeque, oorder din ako ng inihaw na hotdog.

 Sa bahay, lalo nang mag-birthday ang kapatid naming babae dahil sa kanya na lang talaga naghahanda noon, nagpakabundat ako sa mga hotdog na nakatusok sa katawan ng saging! Iniiwan ko yung marshmallow kasi hindi naman ako mahilig sa matamis. Ay! Minsan pala nakaka-tatlong hotdog din kami, pero kapag yung cocktail hotdogs. Yung mga unano. Parang mga pulang minions.

May napanood akong palabas, pinoy horror ata yun o japanese, basta pang-gabing palabas at nagbabago ng featured story every week. Hindi ko na matandaan. Basta ang naaalala ko, yung bata, biglang nagising sa gitna ng gabi. Nagtungo sa ref, saka kumuha ng hotdog at kinain ito straight out of the freezer! At ang naisip ko, hala! Pwede pala yun! At isang gabi nga na tulog na ang lahat, yun ang ginawa ko. Nakakangilo ang tigas at lamig ng hotdog galing sa freezer. Hindi ako natuwa. Pero inubos ko pa rin para walang ebidensya. Sumunod na sabado, ang pagpapatuloy ng palabas na nasimulan. Ang walanghiyang bata na nag-inspire sa akin na kumain ng hilaw na hotdog, sleep walker pala! Pwe!

Third year hayskul naman ako nung na-encouter ko yung sizzling hotdog sa bahay nila Arby pagkatapos namin mag-basketball, yung isang tropa namin na nakatira noon sa Calcutta St. sa Moonwalk. Sa pagkakaalala ko, opening din yun ng liga na sinalihan namin pero hindi kami nakalaro kasi mas marami pang hatak kaysa villager, actually siya talaga ang taga-doon. Kaya ayun, naglaro na lang kami sa ibang court. Nakita pa namin si JC de Vera sa kabilang team. Ang pogi. Siya yung tipo na tumayo pa lang sa bench, titilian na ng audience kahit na kukuha lang naman talaga siya ng tubig sa cooler.

Ibang tirada sa hotdog ang nakahain sa bahay nila. May raw onions pa at may sauce. Parang steak ang datingan. Nilagyan lang daw ng toyo at ketchup saka hiniwa-hiwa. Nung sinubukan ko naman sa bahay, pagkaalat-alat ng ginawa ko! Ilang beses ko ring sinubukan kahit ngayong matanda na ako, hindi ko pa rin talaga makuha ang timpla. Kaya tinigilan ko na rin. Hanggang ngayon, yun pa rin ang pinakasamarap na sizzling hotdog na natikman ko.

Yung VIDA Hotdog, masarap lang siya sa ihawan. At kapag bagong luto. Yung pagkaangat na pagkaangat mo nito sa ihawan, kailangan mo nang isubo. Agad! Wala akong paki kung mapaso ka. Huwag mong pahahanginan at baka kasamang matangay ang lasa. Huwag mo na ring subukang prituhin kung hindi ka naman eksperto at walang gabay ng magulang dahil didikit lang ito sa kawali. Magmimistulang sabog-sabog na daliri dahil sa paputok lang ang VIDA Hotdog mo pagkatapos dahil sa 1% meat, 99% harina na compsition nito.

Isa sa nakakapagpawalang gana sa akin sa pagkain ng sphagetti noon ay ang malamang VIDA ang hotdog na ginamit nila. Kapag may iniaabot ang kapitbahay o nasa kainan sa labas, una kong tinitinidor ang hotdog. Kung hindi rin lang naman Purefoods, ayawan na. Sinong magsasabing walang taste ang mahihirap? Hindi totoo yan. Sa tingin ko, ang dila ay hindi naman nadidiktahan ng iyong socio-economic background. Ang dami kong kilalang dayukdok na hindi naman kumakain ng sardinas. Mas nanaisin pa nilang mag-ulam ng KISS o Dimples kesa sardinas o kaya naman ay magdildil ng asin. Kasi kanya-kanyang trip lang ng panlasa yan. May kaibigan ako, hindi kumakain ng kahit anong luto ng baka kasi maanggo daw. Pero kung magkatay sila ng baka sa probinsya nila para kainin, simple lang. Ha? Beef na yun ha. Pero wag ka, patay na patay siya sa corned beef.

Pero hindi na naman na ako ganun. Ngayon, basta pagkain, kainin. Sa totoo lang, wala naman talaga akong arte sa pagkain. Pa-epek ko lang din siguro yun nung bata pa ako na gusto ko Purefoods o Mighty Meaty lang ang hotdog. Dati kasi, doon ko lang nararamdaman na kahit papaano, hindi nalalayo ang buhay ko sa mga kaklase kong mas maalwan ang buhay dahil pareho naman kami ng brand ng kinakaing hotdog. Naaalala ko pa nga, medyo hinihiritan ko si pa si mama noon na kaya kong umubos ng isang kilong hotdog! Sabi niya, pag may trabaho na daw ako, pwede ko na gawing yun. 

Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Pero hindi ko naman ginawa yun. Ang sarap lang niyang isipin. Minsan natatanong ko pa rin yun sa sarili ko, kung kaya ko nga talagang umubos ng isang kilong hotdog sa isang upuan lang. O baka somewhere along the way, hindi na rin ako ganun ka-naging katakam dito. Mas maraming beses din akong bumili ng hotdog sa 7-11 kesa sa siopao. Ganun din sa Angel’s Burger, mas footlong kesa burger.

Lalo nung nauso yung mga Frabelle na hotdog kung saan-saan.

Una kong na-encounter yung murang ga-higanteng hotdog sa Maynila, noong mga panahong nagpapanggap pa akong MA student ng English Literature sa PNU kahit na lahat ng pasok ko nun ay kung hinid may hang-over ako ay literal na kagagaling ko talaga sa inuman at buhay na buhay pa ang alak sa sistema. Lunch break, naghahanap ako ng makakainan. Ayoko na sa mga karinderya sa likod ng Normal bukod sa laging may nasasagasaan ng truck sa  tawiran doon kaya napadpad ako kakahanap ng pagkain banda sa mga Universidad de Manila na buong akala ko talaga ay English ng Pamatasang Lungsod ng Maynila!

Kinse pesos lang may umuusok at hot-off-the-grill ka ng jumbo hotdog na pinaliguan ng mayo-ketchup at hot sauce. Isang kagat pa lang, alam kong nahanap ko na ang the one. Ito na yung substitute ko sa pangarap kong  Purefoods Hotdog na nag-jo-jogging sa thread mill sa mga sinehan sa mall na for the record ay hindi ako bumili kahit kailan dahil sobrang namamahalan talaga ako. Pero ngayong baka end of the world, baka subukan ko na ring bumili.

Sa gilid ng hotdog stand na yun ay may nagtitinda ng “chow fun”, no joke. Yun talaga ang spelling. Itanong mo pa sa mga estudyante ng UDM also known as PLM. Nawala ang amats ko at yun na nga ang lagi kong kinakain sa mga susunod na pagkakataong pumasok ako sa PNU. Hindi ko natapos ang MA ko ng English Lit sa PNU. Buti na lang. Baka elitista na rin ako ngayon. Joke!

So ayun nga, simula nun, lagi na akong bumibili ng hotdog sa kariton tapos yung madalas na drinks na kasama nun ay Sunday’s Melon. Paano ko nalaman na Sunday’s Melon? Yun kasi ang halo sa timplang GiMeNes ni pareng Raul. Gin, Melon, Nescafe Brown. May ilang pagkakataon pa nga na kapag umaalis kami ni Mam Anshe, may baon akong kanin kasi wala akong pera tapos bibili akong hotdog sa kanto. May isang pagkakataon pa na yung binaon ko ang kinain namin sa foodcourt sa Robinsons tapos may libreng tubig. Haha. Ngayon, kahit papaano, naman upgraded na. May Milktea nang kasama. Hehe.

Nitong kailan lang, umoreder ako ng dalawang kilong hungarian sausage sa kaibigan ko, kay Mil. Isa talaga sa pangarap ko yung makaluto sa bahay ng sausage. Hindi hotdog ha. Sausage. Sabi ng seaman na tito ni Anshe, kapag sausage, british. Kapag Franks, German. Kaya si Frank Sinatra, German talaga siya. Hehe. Kapag American, hotdog. Eh Americanized naman tayo kaya hotdog din ang sa atin. Oooohh! Pero may version din naman tayo nito, yung longganisa na, aaaahhh! Paborito ko rin yan kaya sa ibang kuwento na lang yun.


Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Sarap na sarap talaga ako sa binili naming sausage na yun. Naiiyak ako sa sarap. Feel na feel ko yung paghiwa nito in pieces na napapanood ko lang sa TV. Masaya din ako na lahat naman sila dito ay nagustuhan ang sausage na yun. Binilihan ko rin sila mama, masarap nga talaga.

Totoo nga sabi ni mama, makakabili rin naman ako kapag may trabaho na ako ng kahit gaano karaming hotdog ang gusto ko. Pero yung pumapak ng isang kilong hotdog at para sa akin lang? Mukhang never ko talagang gagawin. Mas masarap talaga kumain pag may mga kasama ka, lalo kung mga mahal mo sa buhay. Doon din siguro talaga ako natuto sa pagtitipid sa ulam. Sabi ng ng isang kaklase ko dati kung galit ba daw ako sa ulam kasi nakaka-tatlong takal na ng kanin, sarsa pa lang ang nababawas.

Isa sa mga paborito kong natutuhan sa pagsulat ay ito, wala naman sa paramihan ng danas yan. Nasa kung paano mo dinanas ang isang karanasan. Ganun din siguro sa pagkain. Wala naman sa paramihan ng nakaing hotdog yan, nasa kung paano mo kinain ang hotdog, kahit one at a time lang.

Ha? Hotdog!

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...