Showing posts with label angst. Show all posts
Showing posts with label angst. Show all posts

Friday, February 26, 2021

Nakakapagod din pala maging ako (pasintabi sa Esremborak)

Nakakasawa kapag nagkakamali ka. Pakiramdam ko, bahagi na yun ng sarili ko na hindi matanggal-tanggal. Parang sumpa o imbisibol na balat sa puwet. Mas nag-iingat ako. Mas prone to mistakes. Nakakaiyak din talaga. Kaso wala naman akong magawa. Hindi ko naman ginusto. Pero sobrang gasgsas na sa akin yung linyang hindi ko naman sinasadya kahit na totoo, oo naman, bakit ko sasadyain magkamali?

Mula sa pinakamalaking pagkakamali hanggang sa pinakamaliliit. Pero alam mo, alam ko naman na talaga yun. That I am bound to make a mistake. Kasi kahit dati pa naman, alam kong failure na ako. Swerte ko nga na may mga natyatyaga sa akin at nagtitiwala pa rin. Pero sila rin yung mga taong binigo ko. Higit sa lahat, paulit-ulit kong binibigo ang sarili ko.

Ang iniisip ko na nga lang talaga sa araw-araw bago matulog, sana wala akong gawing mali bukas. Kapag wala, shet, sobrang saya ko. Accomplishment yun. Kapag meron, naiinis ako kasi bakit napalamapas ko yun.

Halimbawa, noong college ako, sanay na sanay na akong makatanggap ng singko o ng INC. One time, nakatanggap ako ng malinis na summary of grades. Nagtaka talaga ako. Parang may mali. Di ba dapat may nagawa na naman akong mali?

Kapag enrollment namin sa college, imposibleng wala akong makakalimutang dalhin. Regi card, ID. Parang tanga lang talaga. Tapos uuwi na naman ako. Papagurin ko ang sarili ko.

Sa lahat ng pinasukan kong school, may record ako na pinatawag ako sa office. Maling computation sa grades, late sa submissions, nawawalang documents at kung ano-ano pa. Ironic. Ako kasi yung tao na ayokong napapansin sa work place. Low profile lang ako eh. Pero dahil sa mga pagkakamaling yan, malaki man o maliit. Napapansin talaga ako.

Sino bang guston nagkakamali? There must be a pattern. Alam mo yun. Kapag nagiging confident ako na maayos ang takbo ng lahat, doon humihina yung pag-check ko sa mga maaari kong mamali. Ayun. Oo nga. Kapag nagiging kumportable ako masyado. Doon ako mas nagkakamali talaga. Kasi kapag binusisi ko talaga ang isang bagay o gawain. Okay naman eh.

Lagi akong back to square one mga kaibigan. Yung iba nakausad na rin. Samantalang ako, one step forward, ten steps backward. Tanginang yan. Hindi na tuloy ako maniwala sa mga quote o kuwento na kanya-kanyang panahon lang yan sa buhay. Na hindi naman karera ang buhay. Pero putangina, kahit na hindi karera ito, gusto ko namang sumabay kahit papaano.

In short, ayoko nang magkamali nang paulit-ulit. Please lang. May gamot sa pagiging tanga?

Naalala ko tuloy yung eksena bago ako gumraduate. Nasa tren ako nun. Magdidilim na. Hinahabol ko ang opisina ng PUP Taguig. Galing pa akong PUP Sta. Mesa. Hindi kasi ako makakasabay sa Octoberian dahil sa isang summer grade ko. Pinagpipilitan kasi ng mga tao sa registrar na ang nakalagay daw sa grade ko sa Sosyolohiya, Lipunan at Pagpapamilya ay 2.15. Sabi ko, 2.75 po yan. Eh kung seven daw bakit tuwid? Sabi ko, wala naman pong grade na 2.15 di ba? So malamang, 2.75 yan. Puta ayaw maniwala. Hindi kumbinsido. Bumalik daw ako sa prof ko sa main. Papirmahan at ipa-korek yung grade.

Tangina may magagawa ba ako? Umabsent ako sa trabaho ko nun. Tutor sa korean students. Malaman-laman kong wala daw yung prof ko. Nagbakasyon daw. Sabi ko, kailangan ko talaga siya para maihabol ko yung grades ko kasi nga deadline na kasi ang tagal ko nang sinubmit yun sa office, ngayon lang sinabi sa akin. Kung kailan deadline na di ba?

Dinaan ko naman sila sa diplomasya at maayos na pakikipag-usap, sa madaling salita, nagpaawa ako. Hehe. Kesyo, ako lang ang inaasahan sa bahay. Na request ng nanay kong makita man lang akong gumraduate. Mga ganun.

So hinarap nila ako sa vice president for academics affairs. Nakalimutan ko na kung anong pangalan niya kasi hindi naman talaga ako taga-Sta. Mesa. Tinanong niya kung ano ba ang problema ko. Kinuwento ko. Pinakita ko yung grade ko na 2.75 pero 2.15 daw sabi sa registrar. Hinarap niya ako , mata sa mata saka tinanong.

“Ganito na lang. May natutuhan ka ba sa klase niya?”

“Yes mam.” Sagot ko. Pero hindi ko rin sure. Hehe.

“Ma-a-apply mo yan sa buhay mo?”

“Sana po.”

Tapos kinuha niya yung papel ko.

“Kahit ano namang grade ilagay ng teacher mo dito kung may natutuhan ka sa klase niya kahit kaunti lang, ikaw pa rin ang nakalamang. Anong gusto mong grade? Palitan ko ito ng uno?”

Sabi ko, “Hindi po mam, yung tama lang sana.”

Pinirmahan niya yung certification saka binalik sa akin yung papel.

“Babalik ka pa sa Taguig niyan? Pasensya ka na. Isang guhit lang sa number yung mali, muntik ka pa di gumraduate.” Sabi niya bago ako lumabas.

Sa tren pabalik, paulit-ulit kong sinisisi ang sarili ko kung bakit ako nahihirapan ngayon. Kung bakit hindi ko inayos kaya nag-summer pa ako. At kahit na naghahabol ako sa oras, hindi naman kami parehas ng schedule ng takbo ng tren. Hindi ko yun mapapabilis ayon sa gusto ko.

Kailan kaya ako makakababa sa tren na yun?

 

Saturday, February 20, 2021

Bigat ng Barya sa Blusa


Kinaadikan ko talaga ang play station noong nasa elementary ako. Pati na piso-3-minutes na mga "bidyu" games. Bago pa ako mag-aral, yung kapitbahay naming mayaman at tanging kalaro namin ng kuya ko sa street namin ang nag-introduce sa akin sa game boy. Pinapahiram niya ako pag na-de-dead siya sa Super Mario at Zelda. Pero nung nagka-family computer na siya sabay na kami naglalaro. Solong anak kasi siya tapos ang laki-laki ng bahay nila. Ang kuya ko, hindi mahilig sa mga video games. Mas gusto niyang maglaro sa labas. Sa mga bata na taga-ilalim ng tulay sa loob ng village namin. Iskwater ang tawag sa kanila ng mga home owners. O kaya mas gusto niyang sumama sa biyahe ni papa sa jeep.
Ako? Mas gusto kong magbabad sa de-aircon na kuwarto ng kapitbahay namin kahit na minsan audience lang ako sa mga laro niya. One player lang kasi sa mga adventure at role playing games lalo nang nagka-SEGA Genesis siya. Nadadamay pa ako sa sosyal na meryenda at tanghalian kung minsan na nakakahiya daw sabi ni mama.


Naalala ko pa, inutusan akong bumili ni mama sa Uniwide sa Parañaque na wala na ngayon. Eh may tirang sukli, iniwan ko ang bike ko sa labas ng arcade. Sabi ko isang laro lang. King of Fighters. Paglabas ko, para akong sinuper ni Bogart sa dibdib. Nawawala ang bike. K. O. ako kay mama pag-uwi. Sermong umaatikabo na may kasamang palo.


Grade 5 ako, kasagsagan talaga ng PS1 nun. Nagbabad ako sa mga rentahan ng PS. Nagtitipid ako sa baon ko. Hindi ako nag-ta-traysikel pauwi. Nagpapabayad ako pag maghuhugas ng pinggan. Piso bawat puting buhok ni mama. At ilang mga kupit sa kahon ng barya ni papa. Sobrang humaling ko, yung natitira kong tatlong piso pauwi sa jeep at dos sa traysikel, pinang-eextend ko pa. Tapos hihintayin ko na lang dumaan ang jeep ni papa at sasabay pauwi.


Isang beses na ginawa ko yun, na hindi ako nagtira ng pamasahe pang-uwi, ang lakas-lakas ng ulan paglabas ko ng kompyuteran. Ang tagal din dumating ni papa. Kaya nagpasya akong maglakad. Mula La Huerta hanggang Greenheights Villlage. Nagawa ko na dati. Mga higit trenta minutos na lakaran. Pero dahil nga malakas ang ulan, at dahil siguro rin sa lamig. Hindi na ako nakatiis at ginawa ang pinagbabawal na teknik. Ang 1-2-3.


Sa dulo ako ng jeep umupo. Panay ang iwas ko sa tingin ng drayber. Kabado dahil perstaym. Bahala na. Biglaan, sa gilid ng mata ko, automatic na nag-rehistro ang jeep na minamaneho ni papa. Viva Sto. Niño ang pangalan. Mabilis akong bumaba nang huminto saglit at tinakbo ko ang jeep ni papa. Umupo agad ako sa likod niya. Dinahilan ko na lang na nag-praktis kami kay hinapon ng uwi at nag-meryenda ako kaya wala na akong pamasahe.


"Pre! Yang batang yan, hindi nagbayad."
Parang pinasok ng kulog ang tenga ko. Parang inabot ako ng kidlat. Nag-init ang buong mukha ko at nakayuko lang ako. Bahagya kong nakita sa salamin na dumukot si papa ng barya sa kahon niya at inabot sa kapwa niya drayber.


"Sagot ko na 'to pare. Pasensya na. " sabi ni papa.


Tila nag-isip saglit ang drayber saka nagsalita. "Ay. Anak mo ba yan? Wag na. Wag na." Saka siya bumaling sa akin "Utoy. Pwede ka namang magsabi na lang eh. Okay na pre."


Saka sila sabay na umabante na parang walang nangyari samantalang ako, naiwan lang ako sa kahihiyan at pagpapanggap ko. Sa sarili kong paraan ng pagtakas sa kahirapan. Walang sinabi sa akin si papa. O kahit masamang tingin man lang. Kumain pa kami sa bulalohan bago niya ako ibaba sa amin saka bumiyahe ulit.


Kinabukasan, dinagdagan ni papa ang baon ko ng sampung piso. Hindi ako nagtanong kung bakit. Pero nung araw na yun, buong araw kong tinimbang-timbang sa kamay ko ang bigat ng mga barya sa bulsa ko.

Tuesday, February 9, 2021

Bahay na Pinagtibay

*Assignment ko rin ito kay Bob Ong. Ito yung pinaka-final output. Ito muna bago ako magsulat ulit ng bago. Hehe.*


Nung una kaming lumipat sa Ulingan, sabi ko sa sarili ko, hindi naman bahay ‘to eh. Silungan lang ‘to. Malayong-malayo sa dating bahay namin sa village na kahit hindi naman ganoon kalakihan, alam kong hindi hamak na sampung beses na matino kaysa dito. Bato ang bahay namin doon. Gawa sa semento at hollow blocks. Maliit. Pero sapat para sa amin. Kaya nga lang nagkaroon ng problema sa mga kamag-anak. At ang nanay ko ang tipo ng taong ayaw magkaroon ng utang na loob sa iba at ayaw nang nadadamay sa away. Lalo na sa away ng mga kamag-anak na isang beses ay bigla na lamang sumulpot sa buhay namin. Nakiusap kung pwede muna silang makitira doon hanggang sa sabihin na nilang sila ang may mas karapatan na tumira sa bahay na yun.

Nakabili sila ng lupa sa murang-murang halaga lang. Limang libong piso. Kapirasong lupa sa isang depressed area sa CAA, Las Pinas. Naging isa kami sa libo-libong mamamayan ng Pilipinas na kung tawagin ay iskwater.

Gawa sa yero ang bahay namin na sinusuportahan ng dos por dos ang mga haligi. Parang lata ng sardinas. Mainit sa umaga, nagbabaga naman sa tanghali. Para kang nasa loob ng oven dahil sa nakapapasong yero. Kung masarap ang tulog ng iba kapag malakas ang ulan, sa amin nama’y hirap makatulog dahil parang may nagbubuhos ng mga turnilyo at graba sa bubong dahil nga walang kisame. At ang mga butas sa bubong na parami nang parami. Mas marami pa sa maaari naming pangsalo sa mga patak.

Unang beses na bumagyo sa bago naming tirahan. Takot na takot ako na baka magising na lang akong walang bubong sa aming ulunan. Kaso mali ako, nagising akong nababasa ang aking paa dahil pinasok ng rumaragasang baha ang bahay namin. At naroon kaming magkakapatid, nakahiga sa kawayang papag na bahagya lamang nakaangat sa tubig. Para kaming nasa ibabaw ng balsa sa tsokolateng ilog at ang tanging dahilan kung bakit hindi tuluyang naaabot ng tubig ang aming papag ay dahil sa walang tigil na pag-aawas nila mama at papa ng tubig-baha palabas sa pintuan.

“O, matulog ka lang.” Sabi ni mama nang nakita akong nakaupo. Humiga ako ulit at tahimik silang pinanood. Mali ako. Hindi ito basta silungan lang. Isa rin itong tahanan.

Lahat ng pag-aalala na mayroon ako nang gabing iyon, nawala. Alam na alam ko kasi na kahit anong malakas na bagyo pa ang dumating, basta nandyan ang mga magulang ko, alam kong hindi nila kami pababayaan.

Unti-unti ko ring tiningnan hindi bilang basura kundi bahagi ng bahay namin, ang mga tagpi-tagping lata ng mantika, yero at mga plywood na pinag-ipunang bilhin ng aking mga magulang. Sako ang pangtakip para sa mga bahaging hindi na inabot ng perang pambili. Kesa masilip ng aming kapitbahay na noodles na naman ang ulam namin, mabuti pang takpan. Kahit ang totoo niyan, halos pare-parehas lang naman kaming magkakapitbahay ng mga ulam sa araw-araw.

Pero ngayong umaga, walang mainit na noodles sa lamesa. Walang makalabas ng bahay dahil sa malakas na bagyong binabayo ang Maynila. Bagyong Milenyo na naibalita na ng ilang beses. Ilang beses din naman na nagbigay ng babala tungkol sa lakas nito. Na dapat maghanda. Pero sa isang pamilya gaya namin na isang kahig, isang tuka. Kung walang biyahe si papa, wala rin kaming kakainin. Yung panic buying, pang may pera lang talaga yun. Sa amin, panic lang ang meron. Wala yung buying.

Buti na lang at natambakan na ang sahig kaya tumaas ito ng kaunti bago sinementuhan kaya hindi na kami pinapasok ng tubig. Hindi na kami binabaha kahit gaano pa kalakas ang mga nagdaang bagyo. Dagdag pa diyan ay ang paglalagay ng taas ng bahay. Gawa pa rin sa yero. Higaan lang talaga namin yun sa taas. Walang kuwarto. Walang division. Tabi-tabi pa rin kami matulog kahit hanggang mag-college na ako. Nakahiwalay nga lang ako ng kutson. Doon ako naka-puwesto malapit sa bintana na tinutukuran ko ng kawayan kapag bubuksan.

Noong bata ako, ang tingin ko sa bahay kapag may second floor, mayaman. Ganun kasi ang mga kapitbahay namin sa village noon. Pangarap ko yun. Tatambay ako sa terrace lalo pag gabi. Ngayon, mga bubong na may gulong at hollow blocks ang nakikita ko kapag titingin ako sa bintana. Ibig sabihin nun ay kinulang sila sa pambili ng pako. Libre pa rin naman maningala sa mga bitwin, nakaharang nga lang sa view ang mga sala-salabat na jumper na linya ng kuryente. Isa kami sa mga naka-jumper.

Akala ko mapipigtal ang mga kable ng kuryente. Mukhang bibigay na ang gawa-gawang poste ng mga taga-Ulingan dahil sa bigat ng mga kable at sa lakas ng hangin. At napatunayan kong hindi sapat ang bigat ng hollow blocks at ilang gulong para hindi kumalas ang mga bubong ng mga kapit-bahay namin sa lakas ng hangin ng bagyong Milenyo.

Abala si papa na hawakan ang haligi ng aming bahay. Yun ang pinakamatibay na bahagi ng bahay namin. Hindi buhos ang haligi namin na gawa sa mga bakal at semento. Sa puntong ito, nagsilbi talagang literal na haligi ng bahay si papa.

Ako at si kuya naman ay nasa taas ng aming bahay. Nangungunyapit kaming dalawa na hawakan ang mga kahoy na kinakapitan ng mga yero. Rinig na rinig ko ang paghigop at paglusob ng hangin sa amin. Sa isip ko, ganito tumawa ang demonyo. Para kaming pinaglalaruan. Parang gusto niya kaming hubaran at ibuyangyang ang estado ng pamilya na parang hindi pa namin alam kung ano kami dito. Gusto kong maiyak at maawa sa sarili ko at sa amin. Heto kami, yakap-yakap ang bahay namin para hindi tangayin. Sa isip ko, kinakausap ko siya. Kaya mo yan! Huwag kang bibitaw! Huwag mo kaming iiwan!

Yung bahay namin dati, kahit maliit, gawa naman sa bato at may matibay na bubong. Kapag may bagyo at walang pasok, nagluluto si mama ng champorado o kaya arroz caldo. Gutom na gutom na rin ako. Hindi kami nakapag-almusal dahil sa bagyong ito dahil baka isang saglit lang na bumitaw ako, kasama akong tatangayin ng hangin. Nagdadasal na rin ako. Mataimtim. Ito lang naman talaga ang pinagdarasal ko, ayaw kong mabalita kami sa tv na isa mga nawasakan ng bahay. Ayokong lumabas sa tv at makita ng mga kakilala na mukhang basang sisiw habang naghahanap ng mga gamit sa sira-sirang bahay.

Ganito pala ang kapalaran ng mga maralitang walaang maayos na bahay. ‘Di ba dapat bahay ang nag-iingat sa mga nakatira sa kanya? Sa amin kasi baliktad. Kaming mga nakatira ang nag-iingat sa mahihina naming bahay.

Sa labas naman nagliliparan na ang mga yero. Hinahati ang ulan at hangin. Hahatiin ang ulong haharang. Basag ang salamin ng traysikel ni kuya Jude nang tamaan ng yero. Nakadungaw pa rin ako sa bintana hapang nakakapit sa mga kahoy. Kung bibitaw ako, mahuhubaran ang bahay. Mababasa ang aming tulugan. Tatambad sa kapitbahay ang aming mga damit na walang tukador na mapagtataguan. Nakasalansan lamang sa plastik ng SM sa isang sulok ng aming kwarto.

Mababasa ang aming lamesang di tupi na mas matanda pa sa akin gaya ng laging kwento ni mama. Ang mga bilog na mantsa ng kapeng malabnaw sa lamesang hindi pa napupunasan. Ang sunog sa lamesa nung nakalimutan kong lagyan ng basahan bago ipatong ang kalderong may bagong saing na kanin.

Mababasa ang aming kalan-de-uling na biyak na ang gilid dahil sa labis na paggamit at init. Walang malulutuan pagkatapos ng ulan. Mababasa ang tig-sampung pisong uling na binili mula sa baryang hinagilap pa sa ilalim ng kama ni mama, sa sapatusan, sa likod ng pintuan namin hindi nakakabit sa pader.

Nakanganga ang aming lumang stove, umaaasang magamit muli. Halos ilang taon na nung huling nakatikim ng gas. Mahal na ang isang tangke ng gas.

Nabili lamang ni papa ang pinto namin sa isang junk shop. Binubuhat namin ito at pang-takip lamang sa aming walang harang na pinto. Parang malaking batong ginugulong sa kweba ni Kristo.

“Mapalad ang mga mahihirap, mamanahin nila ang lupa ng Diyos.” Ngunit ang lupa ng Diyos ay sa langit, at dito sa ulingan, puro usok. Puro uling, walang lupa. Walang bahay na matibay. Ang lahat ay pawang lasing na bahay, pasuray-suray sa bawat bugso ng hangin.

Kitang-kita ko kung paanong tuluyang isinuka ng ilang bahay ang mga gamit na nasa loob nila. Kung paanong dinaig ng sabay-sabay na sigaw at iyak ang halakhak ng hangin ng warakin nito ang bubong ng mga bahay. Basang-basa na rin kami ni kuya dahil sa natuklap na bahagi ng bubong. Hindi ko alam kung umiiyak siya o kung basa lang talaga ang mukha niya. Sa ibaba, tig-isang haligi na ang kinakapitan nila mama at papa.

At sa tingin kong walang katapusang eksena na ito sa buhay namin, dahan-dahang humina ang hangin. Dahan-dahan din kaming kumalas sa pagkakadikit namin sa yero. Sinusubok kung kaya nang bitawan. Bumaba kami ni kuya. Nakapagpalit na ng damit sila mama at papa. Sumunod na rin kami. Iginala ko ang paningin ko sa loob ng bahay, may mga nilipad palang sako at plywood sa ibaba. Sa labas naman, nagkalat ang mga dahon at sari-saring basura na isinaboy ng langit. Pero gaya ng kahit anong nagdaang bagyo, parang mas maaliwalas ang paligid. 

Tiningnan ko ang tagpi-tagpi naming barung-barong. Napangiti ako. May tarpaulin ni Mayor Aguilar sa itaas malapit sa kuwarto ko na kumalas, isang bahagi na lang ang nakakabit. Hinahangin-hangin. Kumakaway sa akin.



Friday, February 5, 2021

Yosi Balasi

 

*Assignment ko ito sa klase ng Creative Nonfiction kay Bob Ong. Yes. Si legendary writer Bob Ong ang writer at yes hindi ko pa rin siya kilala dahil sa facebook thread lang siya nagkaklase. Tungkol ito sa unang pagyoyosi ko sa lugar namin kasi hindi ako nagpapakita sa kanila na nagsisigarilyo ako.*


“Pa, may hahanapin lang ako sa labas.”

Bisperas ng Pasko, umiinom na si papa sa labas kasama ang mga kapitbahay namin. Tumango lang siya saka bumuga ng usok pataas. Ang mga unang alaala ko ng pagkabata kay papa, nagyoyosi na siya. Pero kahit kailan, hindi siya nagyosi sa loob ng bahay. Kaya ito rin ang gagawin ko. Sa labas ako ng bahay magyoyosi. Pero hindi pwedeng sa labas lang, kung saan makikita ako ni papa at ng mga kapitbahay namin. Lalong-lalong hindi pwedeng makita ni mama.

Bakasyon eh. Perks ng pagiging teacher yung bakasyon ang mga kliyente ko, bakasyon din ako. Kaso yosing-yosi na din talaga ako. At ito ang unang yosi ko sa lugar namin.

Ilang buwan na rin siguro akong humihipak. Lahat ng tropa ko, smoker. Pero hindi naman nila ako naimpluwensyahan. Basta isang inuman, nag-decide na lang akong ubusin ang kalahating stick ng yosi na pinahawak sa akin ng tropa nung magpunta siya sa cr. Hinanap niya sa akin pagbalik niya pero ang naabutan na lang niya ay huling buga ng usok sa yosi niya. Tapos yun, nagtuloy-tuloy na.

Tatlong kanto na ang layo ko sa bahay. Sa totoo lang pwedeng-pwede na ako magsindi. Kaya nga lang, tuwing dudukutin ko na ang yuping kahon ng yosi, may makakasalubong akong kakilala. Hindi lang basta kakilala. Mga dating kasama sa simbahan. Hindi nga lang dating kasama sa simbahan, mga kasama sa gawain. Youth leader ako eh. Magpapastor nga sana ako.

Sa totoo lang, matagal na akong hindi nagsisimba. Dapat hindi ko na isipin ang iisipin pa nila. Kung bakit umalis ako sa simbahan na parang naging bahay ko na rin sa lumipas na limang taon ay mahaba-mahabang istorya. Mga ilang kaha ng yosi bago ko matapos. Sa ganun ko na rin sinusukat ang distansya o paghihintay sa mga bagay. Ang layo ng bahay namin hanggang sa labas, dalawa’t kalahating stick ng yosi yan. Ang Julie-Tear jerky ng Eraserheads, kalahating stick. Syempre sumasabay ako sa kanta.

Siguro ganito na lang, umalis lang ako sa simbahan pero hindi sa pananampalataya. Ayoko na sa rules na sila-sila lang din naman ang nag-set sa mga sarili nila. Lahat ng mga pekeng tao, nasa simbahan na. Eto ha, may kasama ako sa music ministry noon na nakita ng isa sa mga anak ni pastor na nagsisigarilyo sa labas, nang sumunod na linggo, na-pulpito na agad. Tangina di ba? Nag-yosi lang, hindi mo na mahal ang Diyos? Lahat naman ng tao, may kanya-kanyang trip. Pagalingan lang naman kaming magtago ng mga yun kasi erehe ang tingin nun sa simbahan namin.

Tawang-tawa ako sa reasoning ni pastor sa sermon niya nung araw na yun.

“Pinapasok mo na si Hesus sa puso mo. Naninirahan na ang Diyos sa katawan mo tapos pauusukan mo siya? Ano siya, manok?”

Pinipigilan ko lang tawa ko pero nakakatanga naman talaga. Alam ko namang hindi makitid ang utak ng Diyos.

Pero sa lugar namin, kasingdikit-dikit ng mga pader ang tainga ng magkakapitbahay. Dagdag mo pa diyan ang sasabihin nilang “teacher pa naman.” Bakit ano ba ang mga teacher? Living saints? Okay lang naman sa akin kung malalaman nila, pero huwag muna siguro ngayon. Ayokong mag-noche buena ng sermon galing kay mama at pangongosensya na kesyo hindi ko siya mahal dahil papatayin ko ang sarili sa bisyong ito na magiging dahilan ng matindi niyang kalungkutan.

 

Kapag nagyosi ka naman sa kung saan lang, titingnan ka pa ng ilang mga tao. Syempre, sino nga namang non-smoker ang gustong makalanghap ng usok na galing sa hininga mo? Mag magsasabi pa sa’yong, excuse me, hindi mo naman binili ang hangin na nilalanghap ko para dumihan mo. Mga galit na galit, gustong manakit.

Pero hindi naman sila makapagreklamo sa makakapal na usok ng mga pabrika na nagpapaitim sa langit at sumisira sa kalikasan. Kapag yung usok galing sa magagara nilang sasakyan na kahit sabihin nating puti yan, usok pa rin yan. Puta akala mo, ang babango ng mga utot. Excuse me, hindi mo binili ang hangin sa paligid ko kaya wala kang karapatan na ututan ito.

Ganun naman ang tao. Kaya niya lang punahin yung mga maliliit na nasa paligid niya.
Kaya niyang sigain yung kaya niya. Sarili ko naman ang pinapatay ko. Ang dinudumihan ko. Ang dumi-dumi na naman ng hangin sa Maynila, ano ba naman yung dagdagan ko pa para sa akin? At least yung usok na yun, choice kong ipasok sa sistema ko.

Naglakad ako nang naglakad palayo. Para makasigurado, tumawid na rin ako palabas ng baranggay namin at tumawid papasok sa tapat na subdivision.

Doon, sa kantong akala mo walang pasko dahil walang mga nag-iinuman sa labas at hindi abala, malayo sa mga matang mapanghusga. Nagsindi ako ng yosi gamit ang unang lighter na binili ko. Lucky Strike na pula ang unang brand ko ng yosi. Malalim ang hithit ko, sa sobrang lalim nahithit ko pati ang christmas spirit. Malamig. Parang menthol sa bibig. Saka sinabay ko ang isang mabigat na buntonghinga at pinakawalan ang isang makapal na ulap na namuo sa dibdib ko ng ilang araw. Whoooo..

“Merry Christmas.”

Bago ako humithit, panay lang ang lingon ko sa paligid. Baka kasi may kakilala akong dumating. Tangina no? Hindi ko talaga na-enjoy. Para lang akong gago na alalang-alala sa sasabihin ng iba. Para yosi lang eh.

“Anong kayang ginagawa mo sakaling datnan mo ang second coming ni Hesus?” Madalas na tanong ni pastor sa amin.

Hindi pa ba dumadating si Hesus? Para sa akin, matagal na siyang nakababa ulit. Baka nga isa na siya sa mga dumaan sa kalsadang ito. At kung lalapitan niya mismo ako, hindi ako magdadalawang-isip na abutan siya ng isang stick ng yosi. Sisindihan ko rin yun para sa kanya parang isang tunay na boss ng isang mafia na libong taon nang tumatakbo dito sa mundo. Pagkukuwentuhan namin ang mga kakupalan ng mga anak niya dito sa lupa. Ikukuwento ko rin sa kanya na minsang sinabi ng pastor namin noon na nakakausap niya raw ang diyos at naririnig ang boses nito. Pagtatawanan namin sila. Pagtatawanan namin ang mga ginawa nila alang-alang sa pangalan niya.

Tapos yayain ko siyang magpainom kasi birthday naman niya.


Ganito pa mga inaattendan kong seminar dati. Haha. 2010.

Tuesday, February 2, 2021

Japan! Japan! Sagot sa Kahirapan!

Kanina pa ako tingin-tingin ng mga job postings na para sa teacher sa Japan. Biruan namin ni Anshe yun noon. Na magtrabaho na lang sa Japan. May nakita kasi kaming dumaan sa facebook na scholarship sa Masters sa Japan.

Tinanong ko siya dati, kung anong bansa ang pangarap niyang puntahan. Sabi niya wala naman daw siyang naiisip. Pero sa aming dalawa, siya yung mahilig umalis-alis. Mag-travel. Pangarap niya malibot ang Pilipinas. Kabaliktaran ko. Ang pag-alis ang isa sa mga bagay na hindi ko gustong gawin. Gusto ko yung napipirmi lang ako sa isang lugar. Oo umaalis ako ng bahay. Pero hanggang sa tropa lang naman ang destinasyon ng mga lakad ko.

Umalis kami noon ni Anshe. Unang alis namin sa malayo. Sa Ilocos. Tuwang-tuwa ako nun. Naintindihan ko kung bakit iba pala yun sa pakiramdam. Nasundan yun ng marami pang pag-alis. At ako mismo, looking forward sa mga yun.

“Ako gusto kong pumunta sa Japan.” Sabi ko sa kanya. Yun lang ang bansang naiisip kong gusto kong puntahan. Siguro kasi bata pa lang ako mahilig na talaga ako sa mga anime o kaya sa mga sentai na palabas. Hindi hentai ha! Sentai! Sila Bioman. Jetman. Ganun. Dadgdag mo na sila Ultraman, Masked Rider, Shaider at Machine Man.

Pero hindi ko naman naisip na gusto kong umalis ng Pilipinas dahil gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Gusto ko lang pumunta sa Japan para ma-experience ang kultura nila. At madalaw ang libingan nila Ace at Whitebeard.

Desperado na ata talaga ako. Paano ba ako humantong sa ganito? Pati mga youtube channel ng mga karanasan ng mga Pinoy teachers sa Japan, pinapanood ko na rin. Nag-message pa nga ako sa ibang page at nag-mental checking ng mga requirements na meron ako at wala.

Para kasing kailangan ko na talagang magkapera. Dati naman hindi ko naiisip yan. Pera ang pinaka-boring na topic para sa akin. Sunod dito ay kotse at gadgets. Wala lang talaga akong hilig. Pero ngayong nakikita ko na ang mga bayarin. At mas nakikita ako ang kalagayan ni mama. Parang ang naiisip ko na lang ngayon, magkaroon ng maraming pera.

Nag-resign ako sa pagiging teacher ko noon. Kasi feeling ko hindi na ako masaya. Nag-call center ako. After two months, bumalik din ako sa pagtuturo. Reason? Hindi ako masaya. Ang babaw pala ng problema ko. Kaso yung kabawawan ko yun ay hindi ko pala dapat pinapairal kasi may mga taong umaasa sa akin. Dadating pala ako sa puntong ang dahilan kung bakit kailangan kong gawin ang isang bagay ay dahil sa pera.

Wala naman daw kasing yumayaman na teacher. Sabi ng mga mayayamang teacher, nasa tao yan. Pwede kasing, may sarili silang bahay. Hindi bread wiiner. O mag-asawa ng seaman. Ayokong ikumpara yung sarili ko sa kanila. Nagsisisi ba ako na hindi nag-ipon? Pero paano ako makakapag-ipon kung halos buong suweldo ko noon, pantulong ko sa pamilya ko. Hindi ko rin sila sinisisisi. O yung pagiging sugarol ni papa. Wala namang magagawa kung magsisisi ako.

Don’t get me wrong. Kaya nilang mabuhay kahit wala ako. Pero yung naiisip kong kulang yung naibibigay ko. Doon ako kinakain ng guilt ko. Kala ko hindi ako tatablan ng kapag nakikita ko ang mga kababata ko o kaklase sa social media na umasenso sa buhay. Hindi naman ako inggit sa meron sila. Naiinggit ako kung paano nila naibibigay sa pamilya nila yung ganun. At sa security na mayroon sila. Kung anong kaya nilang ibigay sa mga partners o sa asawa nila. Hindi naman nanghihingi o nag-dedemand yung mga tao sa paligid ko. Pero mas doon ako nilalamon.

Kaso ano lang ba kaya kong gawin? Nasubukan ko na ang corporate. Hindi ako bagay doon. Maski na tiisin ko. Papalpak ako doon. Bobo ako sa structures eh. Mapapahiya lang ako sa mga boss at sa sarili ko kung ipipilit ko yun. Ang bobo ko nga makipag-usap sa mga customers pero sa totoo lang marunong naman akong makipag-usap ewan anong nangyari sa akin sa call center.

Dalawa lang ang skill set na mayroon ako para mabuhay. Maging teacher at maging writer. Yung pagiging writer na hindi naman ako palaging may project. Yung pagiging teacher ko na hanggang ngayon, hindi pa rin ako regular at may suweldong hindi kalakihan.

Buti pa yung mga ibang teacher na kasabayan ko o kaklase ko. Parang mga wala nang problema sa buhay. Pwede bang ibalik na lang sa nakaraan? Kaso hindi rin naman pwede. At alam kongkung babalik lang ako sa nakaraan, mas malaki ang problema ng pamilya namin. Hindi ko lang ramdam dahil si mama ang sumasalo nun. Hindi naman ako.

O baka nga gusto ko lang talagang tumakas. Gusto ko lang pumunta sa Japan to live in a dream world na punong-puno ng anime. Baka naman iniisip ko na ililigtas din ako nila Bioman sa mga kaaway. Pero walang ganun sa totoong buhay eh. Ikaw ang sarili mong bida at kontrabida sa buhay na ito.

Baka part of growing-up lang ito. Tang ina, 32 na! Part of growing-up pa rin! Kung iisipin ko, wala naman talaga akong mabibigat na problema. Baka ako lang ‘to. Pwede ring all this time, ang sinasabi ko lang sa sarili ko ay “baka ako lang ‘to.” Kaya hanggang ngayon, heto pa rin ako. Ako lang ‘to.

Sabi sa akin ni sir Robert dati, nag-iinuman kami nun, itatapon ko raw ang mga paniniwala at ideals ko balang araw. Masyado daw akong idealistic. Ito na ba yun sir? Ayaw niya daw talagang umalis sa Pilipinas, si Sir Robert. Pero anong magagawa niya? Yun daw ang dikta ni misis. Nakikita ko siya sa facebook. Sa tingin ko, mas nakabuti yun para sa kanya. Pero ano kaya talagang nararamdaman niya? Mas masaya nga siya doon? Rak en roll pa naman yung taong yun. 

Hirap kasing maging teacher sa bayang mas pinaniniwalaan pa ang mga influencers kesa sa'yo. Mas pakikinggan pa sila Banat By at Mocha. Hirap maging teacher sa bansang hindi pinahahalagahan ang edukasyon. Hirap maging teacher kapag mababa ang sweldo. 

Ready to leave the Philippines na ako! Wala na akong pakialam sa mga sasabihin niyong nilunok ko lahat ng sinasabi ko noon. Lalo sa mga pangaral ko sa mga estudyante ko na manatili sa Pilipinas. Haha. Para namang nakinabang ako sa mga suweldo niyo ngayon. Hypocrite na kung hypocrite. Nag-subscribe na ako sa online learning para mag-Nihonggo. Nag-review na ako ng do's and dont's sa Japan. Sayonara motherfuckers! Sayonara duterte! Sayonara mga bobong opisyal ng gobyerno! 

Sa dulo ng thread na nabasa ko tungkol sa pag-a-apply sa Japan, nabasa kong bawal ang may tattoo. At naalala kong alam ko yun dahil mahilig akong manood ng mga docu sa Japan. Nawala lang sa isip ko. Napatingin ako sa mga tattoo ko. Sablay. Tangina.


 


Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...