Bigla na lang nagyayang tumakbo tuwing umaga si Anshe. Niyaya niya rin yung mga kapatid niya. Dati binibiro ko siya, kapag umaabot kami ng ala-sais ng umaga at gising pa kami. “Tara jogging na tayo.” At matatawa lang kami kasi alam naming hindi namin gagawin yun.
Although nag-wo-workout naman talaga si Anshe regularly.
Ako, mga limang beses lang tapos tumigil na. Hehe. Hindi ko makita yung point
sa pag-wo-workout na mismong yun lang ang gagawin eh. Dati kasi naglalaro
talaga ako ng basketball. Alam mo yung naglalaro ako pero at the same time may
purpose naman akong na-a-achieve at secondary na lang yung papawis. Which is
hindi ko naman talaga iniisip kasi gusto ko lang maglaro.
Pero nung niyaya niya akong mag-jogging. Aba! Gusto ko yan!
Mahilig din talaga ako sa walk trip eh. Natatawa nga sa akin mga tropa ko kasi
pag papunta sa kanila hindi ako nag-ta-traysikel. Lakad lang. Paano, hindi ko
alam street at number ng bahay nila kasi nga nasanay ako sa paglalakad.
Bihirang-bihira lang naman akong sumasakay ng trike at sidecar liban na lang
kung talagang kailangang-kailangan.
Tsaka mas nakakapag-isip ako kapag naglalakad eh. Yun nga,
umalis kami ng 530 ng madaling araw. Lakad, takbo ginawa namin. Dito kami
malapit sa Paliparan. Bago umabot doon, may mahabang stretch ng bakanteng lupa
at kalsadang hindi masyadong dinadaanan kasi maraming dumadaan sa kabila.
Sabi nila sa akin, doon daw sila nag-jo-jogging kahit noong
bata pa sila. Sa lugar na yun din nanghuhuli ng gagamba tatay tsaka mga tito
nila. Puro talahiban at puno. Ngayon, malawak na kapatagan na lang na may
mangilan-ngilang nakatayong ulilalng puno na may nakapakong private property.
May mga truck din at heavy machineries na naglatag ng kalsada na magkokonekta
daw ng Palipara sa Imus. At syempre, may nakatayong malaking All Home doon.
Hindi ka totoong Pilipino kung hindi mo kilala ang pamilya na nagmamay-ari
niyan kasama na ang Camella Subdivision.
Pagdating sa Paliparan, lakad-lakad lang kami doon dahil yun
ang pinakaabalang lugar sa bahaging ito ng Dasma. May palengke, fast food
chains at terminal ng mga sasakyan. Ito ang sailing point papunta sa Maynila,
Alabang o iba pang bahagi ng Cavite.
Mga ilang lakad pa, isang mahabang stretch ulit ng kalsada.
Yung gilid niya bakante. Sa hula ko, dating palayan. Mini-rice terraces pa nga.
Ngayon puro damo na lang at ang nag-iisang baka at maraming-maraming basura.
Ang ganda pa naman ng pagka-green ng lugar sa tabi ng semantadong kalsada.
Hindi ba nakikita ito ng mga tauhan ng munisipyo? Ang ganda ng mga tanim tapos
may bunga ng pinapaputok sa taeng diaper, balat ng chichirya at mga bote ng
toyo, suka at patis? Hindi ba ito nadadaanan ni governor? O ni Mayor? Halatang
hindi sila napapadaan sa lugar ng mga ordinaryong mamamayan.
Nakarating kami sa pakay namin, ang Island Park. Hindi ako
pamilyar kung village ba ito o subdivision. Maganda mag-jogging sa loob nito
kasi talagang nature trip men. May mga bahay syempre pero parang un-touched ang
beauty of nature dito. Dito kami dumadaan kapag naka-sasakyan kasi shortcut ito
na ang labas ay malapit na sa SM Dasma.
Paglapit namin sa gate, tinanong kami ng guard kung saan
kami papunta, kako mag-jogging lang sa loob. Sabi ni kuya guard wala na daw
kasing pinapayagan dito, puro taga-residente na lang. Pero! Pwede niya daw kami
payagan. Hehe. Quiet na lang daw. So ayun nga. Tuloy ang ligaya at pagdurusa ng
aking mga namimitig nang binti dahil ngayon lang nakapaglakad talaga nang
mahaba-mahaba ulit.
Nakaka-mesmerize sa loob. Ngayon na lang ulit ako nakakita
ng hamog! Nang marating namin ang dulo, umikot kami pabalik. Mga isang oras
ding lakaran. Nakita ulit si kuya guard at nagpasalamat.
Kinbabukasan, doon ulit ang target namin. Mas maaga kaming
umalis kasi mainit na nung pabalik na kami. Pagdating namin sa Island, iba ang
guard. Hindi kami pinayagan. Sabi ko naman, kahapon ayos lang. Sabi ng payat na
Arnold Swashanegro na naka-shades at flat top ang gupit. Iba daw siya. Wag
pagkumparahin. Kaya daw sila napapagalitan dahil sa guard na pinayagan kaming pumasok.
Atras kami, dumiretso na lang kami at ingat na ingat sa
paggilid sa kalsada at baka mahagip ng mga paparating na sasakyan. Hindi
syempre sariwa ang hangin dahil maalikabok at puro pa bahay at establishments.
Maliit na lang ang kalsada. Alangan namang kalsada ang mag-adjust sa tao?
May mga pagkakataon ding nilalamon ng road widening ang side
walks kaya pagilid na lang kami ng paligid. Hindi na kami tumatakbo, umiiwas na
lang kami para hindi maaksindente.
Ang sarap maging mayaman. May sariling espasyo para tumakbo.
Yun ang nagagawa ng pera. Nabili nila pati ang kalikasan. Ang sariwang hangin.
Ang huni ng mga ibon. Ang kaligtasan. Peace of mind. At higit sa lahat,
espasyo. Ito para sa akin ang pinakamatinding kayang blihin ng pera. At ang
gobyeno naman natin, walang pag-aalinlangang tutulungan ang mga mayayaman para
mas lumawak ang espasyo na mayroon na sila.
Sa totoo lang, wala naman talaga dapat nagmamay-ari ng ganun
kalaking lupa. Aanhin ba yun ng kakaunting tao na nasa loob ng village? Heto
kami, kasama ang ilan pang ordinaryong mamamayan. Ang iba papunta sa trabaho o
sa palengke at may mga katulad namin na gusto lang maglakad-lakad at lumanghap
sana ng hangin na hindi galing sa tambutso. Lahat kami, dadaan na lang sa mas
mahabang daan dahil yung shortcut, nabili na ng mayayaman.
Sasabihin nila,
binili naman nila yun. Lugar naman nila yun. Kaya nga bawal tayo doon at sa iba
pang mga exclusive villages. Aalog-alog sila sa malalawak na subdivision at
magkakasya na lang tayo sa kung anong espasyong matitira sa atin. Eh sa may
pambili sila, anong magagawa natin? Naisip ko tuloy, sa mga ganitong
pagkakataon, parang mas ayos pa yung ninakaw kaysa binili.
Walang masama sa nakaw na sandali. Nakaw na pagtingin. Kahit
ang nakaw na paghalik, tunog naughty lang. Pero palitan mo ng nakaw ang mga
yan, mag-iiba ang kahulugan. Nagawa mo kasi binili mo. Na lahat ng bagay may
katumbas na presyo. Binili nila yung lupa. Pero kanino naman kaya? Sino ba
nagmamay-ari ng lupa? Kailangan kaya nila maiisip na ibalik ang mga yun sa mga
tao. Sa mas nakararaming tao. May mas okay pala sa nakaw sa ganitong usapan.
Pagbawi. Paano kaya natin babawiin ang lahat ng ito sa kanila?
Gusto lang naman naming tumakbo, sa kapirasong lupa na
inaapakan naman nating lahat.
Sabi nga sa kanta ni Joey Ayala, karaniwang tao saan ka tatakbo?
No comments:
Post a Comment