Saturday, February 20, 2021

Bigat ng Barya sa Blusa


Kinaadikan ko talaga ang play station noong nasa elementary ako. Pati na piso-3-minutes na mga "bidyu" games. Bago pa ako mag-aral, yung kapitbahay naming mayaman at tanging kalaro namin ng kuya ko sa street namin ang nag-introduce sa akin sa game boy. Pinapahiram niya ako pag na-de-dead siya sa Super Mario at Zelda. Pero nung nagka-family computer na siya sabay na kami naglalaro. Solong anak kasi siya tapos ang laki-laki ng bahay nila. Ang kuya ko, hindi mahilig sa mga video games. Mas gusto niyang maglaro sa labas. Sa mga bata na taga-ilalim ng tulay sa loob ng village namin. Iskwater ang tawag sa kanila ng mga home owners. O kaya mas gusto niyang sumama sa biyahe ni papa sa jeep.
Ako? Mas gusto kong magbabad sa de-aircon na kuwarto ng kapitbahay namin kahit na minsan audience lang ako sa mga laro niya. One player lang kasi sa mga adventure at role playing games lalo nang nagka-SEGA Genesis siya. Nadadamay pa ako sa sosyal na meryenda at tanghalian kung minsan na nakakahiya daw sabi ni mama.


Naalala ko pa, inutusan akong bumili ni mama sa Uniwide sa Parañaque na wala na ngayon. Eh may tirang sukli, iniwan ko ang bike ko sa labas ng arcade. Sabi ko isang laro lang. King of Fighters. Paglabas ko, para akong sinuper ni Bogart sa dibdib. Nawawala ang bike. K. O. ako kay mama pag-uwi. Sermong umaatikabo na may kasamang palo.


Grade 5 ako, kasagsagan talaga ng PS1 nun. Nagbabad ako sa mga rentahan ng PS. Nagtitipid ako sa baon ko. Hindi ako nag-ta-traysikel pauwi. Nagpapabayad ako pag maghuhugas ng pinggan. Piso bawat puting buhok ni mama. At ilang mga kupit sa kahon ng barya ni papa. Sobrang humaling ko, yung natitira kong tatlong piso pauwi sa jeep at dos sa traysikel, pinang-eextend ko pa. Tapos hihintayin ko na lang dumaan ang jeep ni papa at sasabay pauwi.


Isang beses na ginawa ko yun, na hindi ako nagtira ng pamasahe pang-uwi, ang lakas-lakas ng ulan paglabas ko ng kompyuteran. Ang tagal din dumating ni papa. Kaya nagpasya akong maglakad. Mula La Huerta hanggang Greenheights Villlage. Nagawa ko na dati. Mga higit trenta minutos na lakaran. Pero dahil nga malakas ang ulan, at dahil siguro rin sa lamig. Hindi na ako nakatiis at ginawa ang pinagbabawal na teknik. Ang 1-2-3.


Sa dulo ako ng jeep umupo. Panay ang iwas ko sa tingin ng drayber. Kabado dahil perstaym. Bahala na. Biglaan, sa gilid ng mata ko, automatic na nag-rehistro ang jeep na minamaneho ni papa. Viva Sto. Niño ang pangalan. Mabilis akong bumaba nang huminto saglit at tinakbo ko ang jeep ni papa. Umupo agad ako sa likod niya. Dinahilan ko na lang na nag-praktis kami kay hinapon ng uwi at nag-meryenda ako kaya wala na akong pamasahe.


"Pre! Yang batang yan, hindi nagbayad."
Parang pinasok ng kulog ang tenga ko. Parang inabot ako ng kidlat. Nag-init ang buong mukha ko at nakayuko lang ako. Bahagya kong nakita sa salamin na dumukot si papa ng barya sa kahon niya at inabot sa kapwa niya drayber.


"Sagot ko na 'to pare. Pasensya na. " sabi ni papa.


Tila nag-isip saglit ang drayber saka nagsalita. "Ay. Anak mo ba yan? Wag na. Wag na." Saka siya bumaling sa akin "Utoy. Pwede ka namang magsabi na lang eh. Okay na pre."


Saka sila sabay na umabante na parang walang nangyari samantalang ako, naiwan lang ako sa kahihiyan at pagpapanggap ko. Sa sarili kong paraan ng pagtakas sa kahirapan. Walang sinabi sa akin si papa. O kahit masamang tingin man lang. Kumain pa kami sa bulalohan bago niya ako ibaba sa amin saka bumiyahe ulit.


Kinabukasan, dinagdagan ni papa ang baon ko ng sampung piso. Hindi ako nagtanong kung bakit. Pero nung araw na yun, buong araw kong tinimbang-timbang sa kamay ko ang bigat ng mga barya sa bulsa ko.

No comments:

Post a Comment

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...