Kanina pa ako tingin-tingin ng mga job postings na para sa teacher sa Japan. Biruan namin ni Anshe yun noon. Na magtrabaho na lang sa Japan. May nakita kasi kaming dumaan sa facebook na scholarship sa Masters sa Japan.
Tinanong ko siya dati, kung anong bansa ang pangarap niyang
puntahan. Sabi niya wala naman daw siyang naiisip. Pero sa aming dalawa, siya
yung mahilig umalis-alis. Mag-travel. Pangarap niya malibot ang Pilipinas.
Kabaliktaran ko. Ang pag-alis ang isa sa mga bagay na hindi ko gustong gawin.
Gusto ko yung napipirmi lang ako sa isang lugar. Oo umaalis ako ng bahay. Pero
hanggang sa tropa lang naman ang destinasyon ng mga lakad ko.
Umalis kami noon ni Anshe. Unang alis namin sa malayo. Sa Ilocos.
Tuwang-tuwa ako nun. Naintindihan ko kung bakit iba pala yun sa pakiramdam.
Nasundan yun ng marami pang pag-alis. At ako mismo, looking forward sa mga yun.
“Ako gusto kong pumunta sa Japan.” Sabi ko sa kanya. Yun lang ang bansang naiisip kong gusto kong puntahan. Siguro kasi bata pa lang ako mahilig na talaga ako sa mga anime o kaya sa mga sentai na palabas. Hindi hentai ha! Sentai! Sila Bioman. Jetman. Ganun. Dadgdag mo na sila Ultraman, Masked Rider, Shaider at Machine Man.
Pero hindi ko naman naisip na gusto kong umalis ng Pilipinas dahil gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Gusto ko lang pumunta sa Japan para ma-experience ang kultura nila. At madalaw ang libingan nila Ace at Whitebeard.
Desperado na ata talaga ako. Paano ba ako humantong sa
ganito? Pati mga youtube channel ng mga karanasan ng mga Pinoy teachers sa
Japan, pinapanood ko na rin. Nag-message pa nga ako sa ibang page at nag-mental
checking ng mga requirements na meron ako at wala.
Para kasing kailangan ko na talagang magkapera. Dati naman
hindi ko naiisip yan. Pera ang pinaka-boring na topic para sa akin. Sunod dito
ay kotse at gadgets. Wala lang talaga akong hilig. Pero ngayong nakikita ko na
ang mga bayarin. At mas nakikita ako ang kalagayan ni mama. Parang ang naiisip
ko na lang ngayon, magkaroon ng maraming pera.
Nag-resign ako sa pagiging teacher ko noon. Kasi feeling ko
hindi na ako masaya. Nag-call center ako. After two months, bumalik din ako sa
pagtuturo. Reason? Hindi ako masaya. Ang babaw pala ng problema ko. Kaso yung
kabawawan ko yun ay hindi ko pala dapat pinapairal kasi may mga taong umaasa sa
akin. Dadating pala ako sa puntong ang dahilan kung bakit kailangan kong gawin
ang isang bagay ay dahil sa pera.
Wala naman daw kasing yumayaman na teacher. Sabi ng mga
mayayamang teacher, nasa tao yan. Pwede kasing, may sarili silang bahay. Hindi
bread wiiner. O mag-asawa ng seaman. Ayokong ikumpara yung sarili ko sa kanila.
Nagsisisi ba ako na hindi nag-ipon? Pero paano ako makakapag-ipon kung halos
buong suweldo ko noon, pantulong ko sa pamilya ko. Hindi ko rin sila
sinisisisi. O yung pagiging sugarol ni papa. Wala namang magagawa kung
magsisisi ako.
Don’t get me wrong. Kaya nilang mabuhay kahit wala ako. Pero
yung naiisip kong kulang yung naibibigay ko. Doon ako kinakain ng guilt ko.
Kala ko hindi ako tatablan ng kapag nakikita ko ang mga kababata ko o kaklase
sa social media na umasenso sa buhay. Hindi naman ako inggit sa meron sila.
Naiinggit ako kung paano nila naibibigay sa pamilya nila yung ganun. At sa
security na mayroon sila. Kung anong kaya nilang ibigay sa mga partners o sa
asawa nila. Hindi naman nanghihingi o nag-dedemand yung mga tao sa paligid ko.
Pero mas doon ako nilalamon.
Kaso ano lang ba kaya kong gawin? Nasubukan ko na ang
corporate. Hindi ako bagay doon. Maski na tiisin ko. Papalpak ako doon. Bobo
ako sa structures eh. Mapapahiya lang ako sa mga boss at sa sarili ko kung
ipipilit ko yun. Ang bobo ko nga makipag-usap sa mga customers pero sa totoo
lang marunong naman akong makipag-usap ewan anong nangyari sa akin sa call
center.
Dalawa lang ang skill set na mayroon ako para mabuhay.
Maging teacher at maging writer. Yung pagiging writer na hindi naman ako
palaging may project. Yung pagiging teacher ko na hanggang ngayon, hindi pa rin
ako regular at may suweldong hindi kalakihan.
Buti pa yung mga ibang teacher na kasabayan ko o kaklase ko.
Parang mga wala nang problema sa buhay. Pwede bang ibalik na lang sa nakaraan?
Kaso hindi rin naman pwede. At alam kongkung babalik lang ako sa nakaraan, mas
malaki ang problema ng pamilya namin. Hindi ko lang ramdam dahil si mama ang
sumasalo nun. Hindi naman ako.
O baka nga gusto ko lang talagang tumakas. Gusto ko lang pumunta sa Japan to live in a dream world na punong-puno ng anime. Baka naman iniisip ko na ililigtas din ako nila Bioman sa mga kaaway. Pero walang ganun sa totoong buhay eh. Ikaw ang sarili mong bida at kontrabida sa buhay na ito.
Baka part of growing-up lang ito. Tang ina, 32 na! Part of
growing-up pa rin! Kung iisipin ko, wala naman talaga akong mabibigat na
problema. Baka ako lang ‘to. Pwede ring all this time, ang sinasabi ko lang sa
sarili ko ay “baka ako lang ‘to.” Kaya hanggang ngayon, heto pa rin ako. Ako
lang ‘to.
Sabi sa akin ni sir Robert dati, nag-iinuman kami nun, itatapon ko raw ang mga paniniwala at ideals ko balang araw. Masyado daw akong idealistic. Ito na ba yun sir? Ayaw niya daw talagang umalis sa Pilipinas, si Sir Robert. Pero anong magagawa niya? Yun daw ang dikta ni misis. Nakikita ko siya sa facebook. Sa tingin ko, mas nakabuti yun para sa kanya. Pero ano kaya talagang nararamdaman niya? Mas masaya nga siya doon? Rak en roll pa naman yung taong yun.
Hirap kasing maging teacher sa bayang mas pinaniniwalaan pa ang mga influencers kesa sa'yo. Mas pakikinggan pa sila Banat By at Mocha. Hirap maging teacher sa bansang hindi pinahahalagahan ang edukasyon. Hirap maging teacher kapag mababa ang sweldo.
Ready to leave the Philippines na ako! Wala na akong pakialam sa mga sasabihin niyong nilunok ko lahat ng sinasabi ko noon. Lalo sa mga pangaral ko sa mga estudyante ko na manatili sa Pilipinas. Haha. Para namang nakinabang ako sa mga suweldo niyo ngayon. Hypocrite na kung hypocrite. Nag-subscribe na ako sa online learning para mag-Nihonggo. Nag-review na ako ng do's and dont's sa Japan. Sayonara motherfuckers! Sayonara duterte! Sayonara mga bobong opisyal ng gobyerno!
Sa dulo ng thread na nabasa ko tungkol sa pag-a-apply sa Japan, nabasa kong bawal ang may tattoo. At naalala kong alam ko yun dahil mahilig akong manood ng mga docu sa Japan. Nawala lang sa isip ko. Napatingin ako sa mga tattoo ko. Sablay. Tangina.
No comments:
Post a Comment