Tuesday, February 2, 2021

A Journey of a Footlong Starts with a Hotdog


Maaga akong nakatulog kanina kaya maaga rin akong nagising. Si Anshe, nagsusulat paggising ko. Tinanong kung may pagkain ba daw na pwedeng lutuin, nag-check ako sa ref. May hotdog pa. Kakaubos lang ng tangke kagabi kaya sa electric grill na lang namin niluto. Yung ginagamit namin pang-samgyupsal. Lakas maka-sosyal!

Nagluto ako ng tatlong hotdog. Tender Juicy Cheese Dog. Doon na rin namin pinrito ang itlog tsaka nag-grill, naks, ng tasty na pinahiran ng star garlic margarine. Nung dinner, hotdog din ang inulam namin pero yung chicken franks. Saka ako naglagay ng kape sa coffee maker. Sarap ng almusal namin, alas-tres ng madaling araw.

Salit-salit ako sa pagkagat sa tostadong tinapay, paghiwa ng itlog, higop sa kape at upak sa hotdog. Hindi ko namalayan na isa’t kalahati na pala ang nakakain ko sa jumbo hotdog. Huminto na ako kasi baka maubusan ko si Anshe. Saka ko lang naalala, paborito ko pala talaga ang hotdog. Naalala ko rin si Patrick, yung besprend ni Pepito Manaloto. Napangiti ako. Bigla kong nakita yung batang ako na easyng-easy lang na pagkasyahin ang isang regular sized hotdog sa gabundok na kanin.

May panahon sa buhay ko noon, na parang kasalanan ang magpapak ng hotdog at luho ang pag-uulam ng dalawang hotdog sa isang kainan.

Jeepney drayber si papa. Hindi naman kami ganun siguro kasadlak sa hirap. Pero ito yung tipo ng isang kahig, isang tuka. Kapag walang biyahe, wala talagang kakainin. Paminsan-minsan nakakaranas din naman kami mag-grocery. At lagi kong pinapaalala kay mama na kumuha ng hotdog. Hindi ko makakalimutan ang mga araw na namimili kami sa dating Liana’s Supermarket sa Parañaque kung saan naka-scotch tape sa noodles ang plato o bowl ng Maggi. O kaya naman mga baso ng Milo. Café Puro na babasagin ang lalagyan at gagawing baso pagkatapos. At syempre ang mga freebies ng Mighty Meaty Hotdogs na pencil stubs. Hindi pa uso ang Avengers, na-kumpleto ko na sila noon dahil dito. Ang una ko pa nga noong nakuha, si Captain America, the first Avenger.

Yung Tender Juicy, alam naman siguro ito ng lahat, masarap talaga ito kahit kailan at kahit saang anggulo mo pa ito tingnan. Sobrang sarap kung bagong luto, masarap pa rin kahit lumamig na. At lagi kong naa-associate dito si Alvin Patrimonio dahil sa PBA Team niya at sa isang pelikula niya kung saan kumain siya ng sandamakmak na TJ Hotdogs sa almusal. Ito yung may magic na bola na nagiging tao.

Pero may espesyal na lugar sa puso ko ang Mighty Meaty Hotdog, bukod sa mga freebies nito na madalas nga ay pencil stubs, parang mas marami talaga akong nakakaing kanin pag ito ang ulam. Mga lamang ng isang cup. Hehe. Hindi siya ganun ka-firm di tulad ng TJ, pero bumabawi naman sa juiciness na kumakatas kapag hinihiwa mo. Mas malinamnam din ito sa panlasa ko pero hindi ganun kaalat. Medyo pale din ang pagka-pula nito. Kahit sa corned beef, mas gusto ko rin yung hindi ganun ka-pula. Kaya naman ang paborito ko noon ay yung Rodeo Corned Beef na akala ko may factory din sa Parañaque bago dumating sa BF kung papunta kang Sucat. Doon din makikita yung payat na baka at kabayo, at tupang walang buhok na nasa loob ng compound nila na nanginginain ng damo. Matagal ko bago nalaman na hindi pala yun factory ng Rodeo Corned Beef kundi pagawaan ng lubid! Paano naman kasi, yung logo ng corned beef na yun ay inispelling na Rodeo gamit ang lubid. Dagdag mo pa ang mga hayop na nakikita ko doon.

May dalawa akong sistema ng pagkain ng hotdog noong bata pa ako. Minsan, inuuna kong kainin yung balat. Yun muna ang inuulam ko hanggang sa tuluyan itong maging skinless saka ko uunti-untiin ang naiwang laman. Kabaligtaran at mas kumplikado yung pangalawa. Yung una kong kagat, walang kanin. Ito yung parang alay sa demonyo kung sa inuman. Nanamnamin ko muna yung hotdog in all its pure form and essence. Kapag naikalat ko na ang lasa ng hotdog sa limang taste regions ng dila ko, saka ko maingat na kukunin ang laman ng hotdog. Pwede ba yun? Yes po, pwede. Maingat na maingat kong ginagawa yun at kapag hindi na maabot ng kutsara ang mababaw na laman nito, pinipisil ko naman palabas ang laman nito gaya ng paninimot sa tube ng toothpaste pero dapat magaan lang ang pagpisil dahil baka mapunit ang balat nito. Sayang lang ang effort. Hanggang sa matira na lang ay ang lupaypay at kuluntoy na balat ng hotdog. Nothing but an empty shell and a reminder of its former self. Sunod kong gagawin, unti-unti kong papasakan ng kanin ang balat ng hotdog. Gentle lang ulit, hanggang sa mabusog ko ito at medyo bumalik sa dati. Parang isang mahusay na taxidermist na nilalagyang ng palamang bulak ang isang patay na ahas. Ito siguro yung version ko ng Paksiw na Ayungin ni Pete Lacaba.

Tapos, pipiruthin ko ulit ang hotdog na may lamang kanin sa mahinang apoy. Dito asar na asar si mama. Una sayang sa gas. Panglawa, ang daming arte bakit hindi na lang kainin. Naka-budget lang kasi talaga ang ulam namin. Isang hotdog lang talaga sa bawat kain. Kuwento pa ni mama, sa bahay daw ng lolo nila sa probinsya, kinakadena at pinapadlock ang ref para hindi sila makapuslit ng pagkain. Kaya pag may mga birthdayan akong napupuntahan sinusulit ko talaga ang mga hotdog na hindi ko alam kung anong kasalan ng piña at bakit siya ang napiling saksakan ng mga ito. Kapag nasa ihawan sa labas o kainan sa hi-way dahil sumama ako sa biyahe sa jeep at medyo galante si papa dahil nanalo sa sabong, bukod sa bulalo o barbeque, oorder din ako ng inihaw na hotdog.

 Sa bahay, lalo nang mag-birthday ang kapatid naming babae dahil sa kanya na lang talaga naghahanda noon, nagpakabundat ako sa mga hotdog na nakatusok sa katawan ng saging! Iniiwan ko yung marshmallow kasi hindi naman ako mahilig sa matamis. Ay! Minsan pala nakaka-tatlong hotdog din kami, pero kapag yung cocktail hotdogs. Yung mga unano. Parang mga pulang minions.

May napanood akong palabas, pinoy horror ata yun o japanese, basta pang-gabing palabas at nagbabago ng featured story every week. Hindi ko na matandaan. Basta ang naaalala ko, yung bata, biglang nagising sa gitna ng gabi. Nagtungo sa ref, saka kumuha ng hotdog at kinain ito straight out of the freezer! At ang naisip ko, hala! Pwede pala yun! At isang gabi nga na tulog na ang lahat, yun ang ginawa ko. Nakakangilo ang tigas at lamig ng hotdog galing sa freezer. Hindi ako natuwa. Pero inubos ko pa rin para walang ebidensya. Sumunod na sabado, ang pagpapatuloy ng palabas na nasimulan. Ang walanghiyang bata na nag-inspire sa akin na kumain ng hilaw na hotdog, sleep walker pala! Pwe!

Third year hayskul naman ako nung na-encouter ko yung sizzling hotdog sa bahay nila Arby pagkatapos namin mag-basketball, yung isang tropa namin na nakatira noon sa Calcutta St. sa Moonwalk. Sa pagkakaalala ko, opening din yun ng liga na sinalihan namin pero hindi kami nakalaro kasi mas marami pang hatak kaysa villager, actually siya talaga ang taga-doon. Kaya ayun, naglaro na lang kami sa ibang court. Nakita pa namin si JC de Vera sa kabilang team. Ang pogi. Siya yung tipo na tumayo pa lang sa bench, titilian na ng audience kahit na kukuha lang naman talaga siya ng tubig sa cooler.

Ibang tirada sa hotdog ang nakahain sa bahay nila. May raw onions pa at may sauce. Parang steak ang datingan. Nilagyan lang daw ng toyo at ketchup saka hiniwa-hiwa. Nung sinubukan ko naman sa bahay, pagkaalat-alat ng ginawa ko! Ilang beses ko ring sinubukan kahit ngayong matanda na ako, hindi ko pa rin talaga makuha ang timpla. Kaya tinigilan ko na rin. Hanggang ngayon, yun pa rin ang pinakasamarap na sizzling hotdog na natikman ko.

Yung VIDA Hotdog, masarap lang siya sa ihawan. At kapag bagong luto. Yung pagkaangat na pagkaangat mo nito sa ihawan, kailangan mo nang isubo. Agad! Wala akong paki kung mapaso ka. Huwag mong pahahanginan at baka kasamang matangay ang lasa. Huwag mo na ring subukang prituhin kung hindi ka naman eksperto at walang gabay ng magulang dahil didikit lang ito sa kawali. Magmimistulang sabog-sabog na daliri dahil sa paputok lang ang VIDA Hotdog mo pagkatapos dahil sa 1% meat, 99% harina na compsition nito.

Isa sa nakakapagpawalang gana sa akin sa pagkain ng sphagetti noon ay ang malamang VIDA ang hotdog na ginamit nila. Kapag may iniaabot ang kapitbahay o nasa kainan sa labas, una kong tinitinidor ang hotdog. Kung hindi rin lang naman Purefoods, ayawan na. Sinong magsasabing walang taste ang mahihirap? Hindi totoo yan. Sa tingin ko, ang dila ay hindi naman nadidiktahan ng iyong socio-economic background. Ang dami kong kilalang dayukdok na hindi naman kumakain ng sardinas. Mas nanaisin pa nilang mag-ulam ng KISS o Dimples kesa sardinas o kaya naman ay magdildil ng asin. Kasi kanya-kanyang trip lang ng panlasa yan. May kaibigan ako, hindi kumakain ng kahit anong luto ng baka kasi maanggo daw. Pero kung magkatay sila ng baka sa probinsya nila para kainin, simple lang. Ha? Beef na yun ha. Pero wag ka, patay na patay siya sa corned beef.

Pero hindi na naman na ako ganun. Ngayon, basta pagkain, kainin. Sa totoo lang, wala naman talaga akong arte sa pagkain. Pa-epek ko lang din siguro yun nung bata pa ako na gusto ko Purefoods o Mighty Meaty lang ang hotdog. Dati kasi, doon ko lang nararamdaman na kahit papaano, hindi nalalayo ang buhay ko sa mga kaklase kong mas maalwan ang buhay dahil pareho naman kami ng brand ng kinakaing hotdog. Naaalala ko pa nga, medyo hinihiritan ko si pa si mama noon na kaya kong umubos ng isang kilong hotdog! Sabi niya, pag may trabaho na daw ako, pwede ko na gawing yun. 

Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Pero hindi ko naman ginawa yun. Ang sarap lang niyang isipin. Minsan natatanong ko pa rin yun sa sarili ko, kung kaya ko nga talagang umubos ng isang kilong hotdog sa isang upuan lang. O baka somewhere along the way, hindi na rin ako ganun ka-naging katakam dito. Mas maraming beses din akong bumili ng hotdog sa 7-11 kesa sa siopao. Ganun din sa Angel’s Burger, mas footlong kesa burger.

Lalo nung nauso yung mga Frabelle na hotdog kung saan-saan.

Una kong na-encounter yung murang ga-higanteng hotdog sa Maynila, noong mga panahong nagpapanggap pa akong MA student ng English Literature sa PNU kahit na lahat ng pasok ko nun ay kung hinid may hang-over ako ay literal na kagagaling ko talaga sa inuman at buhay na buhay pa ang alak sa sistema. Lunch break, naghahanap ako ng makakainan. Ayoko na sa mga karinderya sa likod ng Normal bukod sa laging may nasasagasaan ng truck sa  tawiran doon kaya napadpad ako kakahanap ng pagkain banda sa mga Universidad de Manila na buong akala ko talaga ay English ng Pamatasang Lungsod ng Maynila!

Kinse pesos lang may umuusok at hot-off-the-grill ka ng jumbo hotdog na pinaliguan ng mayo-ketchup at hot sauce. Isang kagat pa lang, alam kong nahanap ko na ang the one. Ito na yung substitute ko sa pangarap kong  Purefoods Hotdog na nag-jo-jogging sa thread mill sa mga sinehan sa mall na for the record ay hindi ako bumili kahit kailan dahil sobrang namamahalan talaga ako. Pero ngayong baka end of the world, baka subukan ko na ring bumili.

Sa gilid ng hotdog stand na yun ay may nagtitinda ng “chow fun”, no joke. Yun talaga ang spelling. Itanong mo pa sa mga estudyante ng UDM also known as PLM. Nawala ang amats ko at yun na nga ang lagi kong kinakain sa mga susunod na pagkakataong pumasok ako sa PNU. Hindi ko natapos ang MA ko ng English Lit sa PNU. Buti na lang. Baka elitista na rin ako ngayon. Joke!

So ayun nga, simula nun, lagi na akong bumibili ng hotdog sa kariton tapos yung madalas na drinks na kasama nun ay Sunday’s Melon. Paano ko nalaman na Sunday’s Melon? Yun kasi ang halo sa timplang GiMeNes ni pareng Raul. Gin, Melon, Nescafe Brown. May ilang pagkakataon pa nga na kapag umaalis kami ni Mam Anshe, may baon akong kanin kasi wala akong pera tapos bibili akong hotdog sa kanto. May isang pagkakataon pa na yung binaon ko ang kinain namin sa foodcourt sa Robinsons tapos may libreng tubig. Haha. Ngayon, kahit papaano, naman upgraded na. May Milktea nang kasama. Hehe.

Nitong kailan lang, umoreder ako ng dalawang kilong hungarian sausage sa kaibigan ko, kay Mil. Isa talaga sa pangarap ko yung makaluto sa bahay ng sausage. Hindi hotdog ha. Sausage. Sabi ng seaman na tito ni Anshe, kapag sausage, british. Kapag Franks, German. Kaya si Frank Sinatra, German talaga siya. Hehe. Kapag American, hotdog. Eh Americanized naman tayo kaya hotdog din ang sa atin. Oooohh! Pero may version din naman tayo nito, yung longganisa na, aaaahhh! Paborito ko rin yan kaya sa ibang kuwento na lang yun.


Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Sarap na sarap talaga ako sa binili naming sausage na yun. Naiiyak ako sa sarap. Feel na feel ko yung paghiwa nito in pieces na napapanood ko lang sa TV. Masaya din ako na lahat naman sila dito ay nagustuhan ang sausage na yun. Binilihan ko rin sila mama, masarap nga talaga.

Totoo nga sabi ni mama, makakabili rin naman ako kapag may trabaho na ako ng kahit gaano karaming hotdog ang gusto ko. Pero yung pumapak ng isang kilong hotdog at para sa akin lang? Mukhang never ko talagang gagawin. Mas masarap talaga kumain pag may mga kasama ka, lalo kung mga mahal mo sa buhay. Doon din siguro talaga ako natuto sa pagtitipid sa ulam. Sabi ng ng isang kaklase ko dati kung galit ba daw ako sa ulam kasi nakaka-tatlong takal na ng kanin, sarsa pa lang ang nababawas.

Isa sa mga paborito kong natutuhan sa pagsulat ay ito, wala naman sa paramihan ng danas yan. Nasa kung paano mo dinanas ang isang karanasan. Ganun din siguro sa pagkain. Wala naman sa paramihan ng nakaing hotdog yan, nasa kung paano mo kinain ang hotdog, kahit one at a time lang.

Ha? Hotdog!

No comments:

Post a Comment

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...