Tuesday, February 9, 2021

Bahay na Pinagtibay

*Assignment ko rin ito kay Bob Ong. Ito yung pinaka-final output. Ito muna bago ako magsulat ulit ng bago. Hehe.*


Nung una kaming lumipat sa Ulingan, sabi ko sa sarili ko, hindi naman bahay ‘to eh. Silungan lang ‘to. Malayong-malayo sa dating bahay namin sa village na kahit hindi naman ganoon kalakihan, alam kong hindi hamak na sampung beses na matino kaysa dito. Bato ang bahay namin doon. Gawa sa semento at hollow blocks. Maliit. Pero sapat para sa amin. Kaya nga lang nagkaroon ng problema sa mga kamag-anak. At ang nanay ko ang tipo ng taong ayaw magkaroon ng utang na loob sa iba at ayaw nang nadadamay sa away. Lalo na sa away ng mga kamag-anak na isang beses ay bigla na lamang sumulpot sa buhay namin. Nakiusap kung pwede muna silang makitira doon hanggang sa sabihin na nilang sila ang may mas karapatan na tumira sa bahay na yun.

Nakabili sila ng lupa sa murang-murang halaga lang. Limang libong piso. Kapirasong lupa sa isang depressed area sa CAA, Las Pinas. Naging isa kami sa libo-libong mamamayan ng Pilipinas na kung tawagin ay iskwater.

Gawa sa yero ang bahay namin na sinusuportahan ng dos por dos ang mga haligi. Parang lata ng sardinas. Mainit sa umaga, nagbabaga naman sa tanghali. Para kang nasa loob ng oven dahil sa nakapapasong yero. Kung masarap ang tulog ng iba kapag malakas ang ulan, sa amin nama’y hirap makatulog dahil parang may nagbubuhos ng mga turnilyo at graba sa bubong dahil nga walang kisame. At ang mga butas sa bubong na parami nang parami. Mas marami pa sa maaari naming pangsalo sa mga patak.

Unang beses na bumagyo sa bago naming tirahan. Takot na takot ako na baka magising na lang akong walang bubong sa aming ulunan. Kaso mali ako, nagising akong nababasa ang aking paa dahil pinasok ng rumaragasang baha ang bahay namin. At naroon kaming magkakapatid, nakahiga sa kawayang papag na bahagya lamang nakaangat sa tubig. Para kaming nasa ibabaw ng balsa sa tsokolateng ilog at ang tanging dahilan kung bakit hindi tuluyang naaabot ng tubig ang aming papag ay dahil sa walang tigil na pag-aawas nila mama at papa ng tubig-baha palabas sa pintuan.

“O, matulog ka lang.” Sabi ni mama nang nakita akong nakaupo. Humiga ako ulit at tahimik silang pinanood. Mali ako. Hindi ito basta silungan lang. Isa rin itong tahanan.

Lahat ng pag-aalala na mayroon ako nang gabing iyon, nawala. Alam na alam ko kasi na kahit anong malakas na bagyo pa ang dumating, basta nandyan ang mga magulang ko, alam kong hindi nila kami pababayaan.

Unti-unti ko ring tiningnan hindi bilang basura kundi bahagi ng bahay namin, ang mga tagpi-tagping lata ng mantika, yero at mga plywood na pinag-ipunang bilhin ng aking mga magulang. Sako ang pangtakip para sa mga bahaging hindi na inabot ng perang pambili. Kesa masilip ng aming kapitbahay na noodles na naman ang ulam namin, mabuti pang takpan. Kahit ang totoo niyan, halos pare-parehas lang naman kaming magkakapitbahay ng mga ulam sa araw-araw.

Pero ngayong umaga, walang mainit na noodles sa lamesa. Walang makalabas ng bahay dahil sa malakas na bagyong binabayo ang Maynila. Bagyong Milenyo na naibalita na ng ilang beses. Ilang beses din naman na nagbigay ng babala tungkol sa lakas nito. Na dapat maghanda. Pero sa isang pamilya gaya namin na isang kahig, isang tuka. Kung walang biyahe si papa, wala rin kaming kakainin. Yung panic buying, pang may pera lang talaga yun. Sa amin, panic lang ang meron. Wala yung buying.

Buti na lang at natambakan na ang sahig kaya tumaas ito ng kaunti bago sinementuhan kaya hindi na kami pinapasok ng tubig. Hindi na kami binabaha kahit gaano pa kalakas ang mga nagdaang bagyo. Dagdag pa diyan ay ang paglalagay ng taas ng bahay. Gawa pa rin sa yero. Higaan lang talaga namin yun sa taas. Walang kuwarto. Walang division. Tabi-tabi pa rin kami matulog kahit hanggang mag-college na ako. Nakahiwalay nga lang ako ng kutson. Doon ako naka-puwesto malapit sa bintana na tinutukuran ko ng kawayan kapag bubuksan.

Noong bata ako, ang tingin ko sa bahay kapag may second floor, mayaman. Ganun kasi ang mga kapitbahay namin sa village noon. Pangarap ko yun. Tatambay ako sa terrace lalo pag gabi. Ngayon, mga bubong na may gulong at hollow blocks ang nakikita ko kapag titingin ako sa bintana. Ibig sabihin nun ay kinulang sila sa pambili ng pako. Libre pa rin naman maningala sa mga bitwin, nakaharang nga lang sa view ang mga sala-salabat na jumper na linya ng kuryente. Isa kami sa mga naka-jumper.

Akala ko mapipigtal ang mga kable ng kuryente. Mukhang bibigay na ang gawa-gawang poste ng mga taga-Ulingan dahil sa bigat ng mga kable at sa lakas ng hangin. At napatunayan kong hindi sapat ang bigat ng hollow blocks at ilang gulong para hindi kumalas ang mga bubong ng mga kapit-bahay namin sa lakas ng hangin ng bagyong Milenyo.

Abala si papa na hawakan ang haligi ng aming bahay. Yun ang pinakamatibay na bahagi ng bahay namin. Hindi buhos ang haligi namin na gawa sa mga bakal at semento. Sa puntong ito, nagsilbi talagang literal na haligi ng bahay si papa.

Ako at si kuya naman ay nasa taas ng aming bahay. Nangungunyapit kaming dalawa na hawakan ang mga kahoy na kinakapitan ng mga yero. Rinig na rinig ko ang paghigop at paglusob ng hangin sa amin. Sa isip ko, ganito tumawa ang demonyo. Para kaming pinaglalaruan. Parang gusto niya kaming hubaran at ibuyangyang ang estado ng pamilya na parang hindi pa namin alam kung ano kami dito. Gusto kong maiyak at maawa sa sarili ko at sa amin. Heto kami, yakap-yakap ang bahay namin para hindi tangayin. Sa isip ko, kinakausap ko siya. Kaya mo yan! Huwag kang bibitaw! Huwag mo kaming iiwan!

Yung bahay namin dati, kahit maliit, gawa naman sa bato at may matibay na bubong. Kapag may bagyo at walang pasok, nagluluto si mama ng champorado o kaya arroz caldo. Gutom na gutom na rin ako. Hindi kami nakapag-almusal dahil sa bagyong ito dahil baka isang saglit lang na bumitaw ako, kasama akong tatangayin ng hangin. Nagdadasal na rin ako. Mataimtim. Ito lang naman talaga ang pinagdarasal ko, ayaw kong mabalita kami sa tv na isa mga nawasakan ng bahay. Ayokong lumabas sa tv at makita ng mga kakilala na mukhang basang sisiw habang naghahanap ng mga gamit sa sira-sirang bahay.

Ganito pala ang kapalaran ng mga maralitang walaang maayos na bahay. ‘Di ba dapat bahay ang nag-iingat sa mga nakatira sa kanya? Sa amin kasi baliktad. Kaming mga nakatira ang nag-iingat sa mahihina naming bahay.

Sa labas naman nagliliparan na ang mga yero. Hinahati ang ulan at hangin. Hahatiin ang ulong haharang. Basag ang salamin ng traysikel ni kuya Jude nang tamaan ng yero. Nakadungaw pa rin ako sa bintana hapang nakakapit sa mga kahoy. Kung bibitaw ako, mahuhubaran ang bahay. Mababasa ang aming tulugan. Tatambad sa kapitbahay ang aming mga damit na walang tukador na mapagtataguan. Nakasalansan lamang sa plastik ng SM sa isang sulok ng aming kwarto.

Mababasa ang aming lamesang di tupi na mas matanda pa sa akin gaya ng laging kwento ni mama. Ang mga bilog na mantsa ng kapeng malabnaw sa lamesang hindi pa napupunasan. Ang sunog sa lamesa nung nakalimutan kong lagyan ng basahan bago ipatong ang kalderong may bagong saing na kanin.

Mababasa ang aming kalan-de-uling na biyak na ang gilid dahil sa labis na paggamit at init. Walang malulutuan pagkatapos ng ulan. Mababasa ang tig-sampung pisong uling na binili mula sa baryang hinagilap pa sa ilalim ng kama ni mama, sa sapatusan, sa likod ng pintuan namin hindi nakakabit sa pader.

Nakanganga ang aming lumang stove, umaaasang magamit muli. Halos ilang taon na nung huling nakatikim ng gas. Mahal na ang isang tangke ng gas.

Nabili lamang ni papa ang pinto namin sa isang junk shop. Binubuhat namin ito at pang-takip lamang sa aming walang harang na pinto. Parang malaking batong ginugulong sa kweba ni Kristo.

“Mapalad ang mga mahihirap, mamanahin nila ang lupa ng Diyos.” Ngunit ang lupa ng Diyos ay sa langit, at dito sa ulingan, puro usok. Puro uling, walang lupa. Walang bahay na matibay. Ang lahat ay pawang lasing na bahay, pasuray-suray sa bawat bugso ng hangin.

Kitang-kita ko kung paanong tuluyang isinuka ng ilang bahay ang mga gamit na nasa loob nila. Kung paanong dinaig ng sabay-sabay na sigaw at iyak ang halakhak ng hangin ng warakin nito ang bubong ng mga bahay. Basang-basa na rin kami ni kuya dahil sa natuklap na bahagi ng bubong. Hindi ko alam kung umiiyak siya o kung basa lang talaga ang mukha niya. Sa ibaba, tig-isang haligi na ang kinakapitan nila mama at papa.

At sa tingin kong walang katapusang eksena na ito sa buhay namin, dahan-dahang humina ang hangin. Dahan-dahan din kaming kumalas sa pagkakadikit namin sa yero. Sinusubok kung kaya nang bitawan. Bumaba kami ni kuya. Nakapagpalit na ng damit sila mama at papa. Sumunod na rin kami. Iginala ko ang paningin ko sa loob ng bahay, may mga nilipad palang sako at plywood sa ibaba. Sa labas naman, nagkalat ang mga dahon at sari-saring basura na isinaboy ng langit. Pero gaya ng kahit anong nagdaang bagyo, parang mas maaliwalas ang paligid. 

Tiningnan ko ang tagpi-tagpi naming barung-barong. Napangiti ako. May tarpaulin ni Mayor Aguilar sa itaas malapit sa kuwarto ko na kumalas, isang bahagi na lang ang nakakabit. Hinahangin-hangin. Kumakaway sa akin.



No comments:

Post a Comment

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...