May pinangako ako kay Anshe pagkapasang-pagkapasa ko ng mga
kuwento ko sa isang contest noon, kapag panalo kakain kami sa Food Club.
Kinuwento ko sa kanya yung dalawang naisip ko. Tuwang-tuwa
siya. Ipasa ko daw. Sa totoo lang, wala akong confidence na magpasa sa mga
workshops, call for submissions at contests. Pero tiwala siya sa mga gawa ko.
Tiwala rin naman ako sa mga sinasabi niya. Eh di inupuan ko ang mga ipapasa ko
at nai-submit naman. Sa mismong araw ng deadline.
Sure win daw ako sabi niya. Lalo yung isa kong kuwento. Kaya
tuwing dumadaan kami sa Food Club, lagi niyang pinapaalala sa akin. At hindi ko
rin naman nakakalimutan yun.
Sa totoo lang hindi pa naman ako nakakakain sa mga sosyal na
buffet. Mga Vikings ganyan. Oh di ba yun lang ang alam kong pangalan ng buffet.
Hehe. Pang-samgyupsal lang ako tapos yung medyo cheap version. Hindi yung
pang-malakihan talaga.
Naalala ko noon, pumunta si Anshe sa bahay namin.
Kakatanggal ko lang sa dati kong eskwelahan kaya wala akong trabaho ng
bakasyon. Ang pinameryenda ko sa kanya, inutang na Pop Cola at Fita sa tindahan
na matagal pa ata bago ko nabayaran. Hehe.
Eh nanalo. Hindi lang isa, kundi dalawang kuwento. First at
second. Excited ako, ang naisip ko agad yung pangako ko. Naniniwala pa naman
ako sa pamahiin. Baka hindi maulit kapag hindi tumupad sa usapan. Kaso ang
tagal bago ko nakuha ang pera. Nung nakuha ko naman ang cash prize, pinambili
namin ng gamit sa bahay.
After ng mas matagal pang panahon, isang magandang balita!
Release na daw ang cheke para sa publication. Limot na ni Anshe ang tungkol sa
Food Club, pero para sa akin utang yun na kailangang bayaran. Para sa tiwala at
lakas ng loob na binigay niya. Ang sabi ko nga panalo natin yun, hindi akin
lang.
"Ay sir, wala na yung Food Club dito. Nilipat na."
Sabi sa akin ng guard kasi hindi namin mahanap kung nasaan yun. Natawa kami na
nabad-trip kasi ang init-init nung lakad namin na yun.
Nag-joke pa kasi ako na baka wala na yun dun pagpunta namin. Napagod na sa paghihintay. Ayun nga wala na. Pero lumipat naman daw sila sa malapit na lugar na mahirap nga lang puntahan kung ordinaryo kang mamamayan. Sa Ayala Mall sa likod ng City of Dreams, pang-may kotse lang talaga. Sa iba na nga lang daw kami kumain. Pero sabi ko nga andun na kami. Ang pangako ay pangako. Bale mula sa Blue Bay Walk, pumara na lang kami ng taxi para makarating doon. Mabilis lang naman.
Nakarating kami 4pm tapos 530pm ang opening. Hintay ulit kami. Grabe. Namangha talaga ako sa nakita ko sa loob. Ngayon lang ako nakakita ng ganun karaming pagkain. Food Club indeed! Personal favorite namin ang hot pot. Shet. Sobrang lupet nun! Sabog yung taste buds ko. Panalo yung dimsum section nila. Ang daming pagkaing hindi ko mabanggit ang pangalan. At sa experience ko, yung mga pagkaing hirap i-pronounce ng dila, doon siya nasasarapan. Haha.
Approachable ang lahat mula sa guards hanggang sa mga nag-se-serve. Kahit na mukha akong dukha at ignorante sa mga ganitong kainan, hindi naman nila ipinaramdam na others ako sa establishment na ito. Hindi nakakahiyang magtanong kung ano yung pagkain na nasa harap ko na ngayon ko lang nakita o sa tv ko lang nakikita. Haha.
May healthy bar din sila. Pipili ka ng fresh fruits tapos sila ang mag-shake nun para sa'yo.
Watermelon shake! Walang asukal pero matamis! |
Ang ending, umuwi kaming busog na busog. Mission accomplished. Ignorante lang talaga ako sa mga ganung lugar pero sinigurado kong sinulit ko. Hehe. At syempre masaya akong kahit sa ganitong paraan nakakabawi ako sa kanya. Kahit sa ganito lang siguro muna.
Pastry section! |
May pinuntahan kaming seminar noon, parehas kaming walang pera kasi ang layo pa ng suweldo. Kaya ang dinner date namin ay isang umuusok na mami sa kariton, isang baso ng fishball at kikiam saka naghati kami sa isang bote ng pepsi. Naisip ko, ganun pa rin naman kami kahit saan pa kami kumain.
Kasi tulad ng dati, nagkukuwentuhan kami habang kumakain. Nagtatawanan. At umuwi kaming busog sa pagmamahal.
Sulit sa Food Club! |
No comments:
Post a Comment