Monday, November 7, 2022

Kami’y mga Pasahero Lamang

 

“Mahal, gising na. Alas kuwatro na.”

Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasado alas-diyes na kasi nakauwi kahit na alas kuwatro lang ng hapon ang uwian. May programa kasi sa eskwelahan bukas at ang misis niya ang punong abala.

“Wala namang ibang gagawa niyan kundi ako. Syempre yung mga bagong teacher, tutulong naman sila. Pati na yung sa ibang department. Pero hindi ko naman sila basta pwedeng iwan lang dun.” Paliwanag ni Mam Sheena. Guro sa Filipino sa Mataas na Paaralan ng San Roque. 

Handa na ang almusal pagdating ni Mam Sheena sa hapag.

“Good moooooorning Mam Sheeeena.” Nakangiting bati ni Eric sa asawa.

“Para ka namang mga estudyante ko. Salamat daddy. Sorry ha.” Sagot ni Mam Sheena sa pagitan ng paghikab.

“Sige na kain na. Sa biyahe na tayo mag-usap. Kape ka muna mam.”

Saglit na tinitigan ni Mam Sheena ang kape. Hinawakan ang tainga nito, saka dahan-dahang pinaikot.

“Pass muna ako sa kape daddy.” Sabay ngiti nito sa kanya.

Drayber ng eskwelahan si Eric. Siya ang nagmamaneho sa mga bata kapag may contest ang mga ito sa ibang eskwelahan. Pero pirmi siyang drayber ng school principal sa lahat ng lakad nito kumbaga ginawa siyang private driver. Ang mga teachers tuloy kapag may seminar, walang magamit na sasakyan, kanya-kanyang commute. Kahit pa nga yung mga wala namang kinalaman sa eskwelahan, ginagamit ng principal ang sasakyan.

“Eric, favor naman. Yung pamangkin ko, uuwi dito sa’tin. Galing Canada. May meeting kasi ako sa division office. Pagkatapos mo ako ihatid, daanan mo pamangkin ko ha. Bigay ko number niya.”

Payag naman agad si Eric kasi akala niya saglit lang siya maghihintay. Halos apat na oras nakatanghod si Eric sa labas ng airport. Ni hindi man lang sinabi ng principal kung anong oras talaga ang dating ng kanyang pamangkin. Dagdag pa diyan ang matinding trapik pag-uwi. Ang nakadagdag pa sa kanyang inis ay asal amo ang pamangkin ng principal. Pinagbuhat na nga ng mga gamit ay pinadaan pa sa kung saan-saang lugar para mamili ng mga pasalubong na sa mall na lang binili. Kung makaasta akala mo binayarayan ang buong araw niya samantalang hindi man lang siya naabutan kahit isang lusaw na tsokolate.

Hindi naman nagsasalita si Eric sa mga ganitong bagay. Katwiran niya’y basta sa kanya lang ginagawa ay ayos lang. Kaya naman pagpasensyahan. Pinapauwi na nga ng principal ang sasakyan ng eskwelahan kay Eric. Para raw kapag may emergency na lakad, dire-diretso na. Pero ayaw ni Eric na may masabi sa kanya lalo na sa kanyang asawa. Teacher pa naman sa eskwelahan, mamaya niyan ay mapulaan pa at masabihang pinang-se-service niya ang sasakyan para sa asawa.

“Mamaya sa labas tayo kakain. Celebrate natin yang pagpapakadakila mo para sa buwan ng wika.” Nakatawang sabi ni Eric habang papasok sa faculty.

“Oo. Kailangan ko yun Daddy.”

Bumaba ang tingin ni Eric sa mga dala niyang papel ni Mam Sheena. Napakadami. Kaya naman pala sumasakit ang ulo nito. Noong nakaraan pa nga’y nasuka pa habang nag-tse-tsek ng mga papel.

“May lakad daw kayo ni principal?”

“Meron Mam. Meeting daw sa munisipyo.”

“Sige. Ingat ha. Love you daddy.”

“Enjoy Mam. Wag masyado magpagod. Love you too.”

Sabay halik sa pisngi ni Eric bago ilapag ang mga gamit ni Mam Sheena sa kanyang lamesa. Sa ilalim ng salamin sa lamesa ni Mam Sheena ay may nakaipit na kalendaryo, mga class picture ng kanyang mga estudyante. May kuha ni Eric nung unang pasok niya sa eskwelahan bilang drayber. At kuha nilang mag-asawa sa Tagaytay. School outing. Sa bandang baba ng teacher’s table, may cross stitch, Laya.

Si Dr. Ramirez ay larawan ng lahat ng imahen ng mga principal sa public school sa Pilipinas. Nasa singkwenta na ang edad. Terno lagi ang pangtaas at pangbaba. Sa lakad niya ngayon ay kulay violet ang suot nito. Naka-spray net pataas ang buhok. Laging may hawak na pamaypay. At may brooch  sa dibdib na orchids na may mga kumikinang na bato.

Innova ang dalang sasakyan ngayon ni Eric. Natatanong niya rin sa sarili kung bakit iba ang sasakyan na gamit kapag taga-admin ang gagamit. Kapag principal. Kapag naghahatid at nagsusundo ng mga district supervisor.

“Hindi pwede sa mahinang aircon isakay ang mga matatanda pare. Huhulas ang make-up.” Sagot sa kanya ng kaibigang drayber mula sa ibang eskwelahan.

“Walandyo yan si Dr. Tangco tol. Biruin mo tol, sustentado niya isang varsity namin sa basketball.”

“Baka kayo lang ang masama mag-isip, baka naman mabait lang talaga.” Kunwaring pagdedepensa ni Eric. Tatawa siya habang nginunguya ang meryendang banana cue.

“May nakakita pre, pinag-shopping pa nga at nanood ng sine. Gago pre, matindi daw pumili ng brief, parang jowa. Doktorado sa Pamimili ng Salawal! Holding hands pa!”

“Ay! Sumobra sa bait?” Hirit ng isa na sinabayan ng malakas na tawanan.

“Si Dr. Amante sa amin, naku! Nagrereklamo na yung mga taga-canteen sa amin eh. Libre na ang pagkain niya sa canteen, may hati pa siya sa kita. Kung di ba naman talaga masiba!”

“Kailangan niya talaga kumain nang marami tol. Mahirap kaya magpainit ng upuan sa opisina at tumunganga lang doon. Nag-iisip rin siguro paano uubusin ang sweldo ano?”

“Tarantado rin yang mga doktor na yan eh no. Samantalang itong si Misis ko, nagkakandapaos na nga’t lahat ni hindi man lang mataasan ng sweldo.” Hindi napigilan ni Eric ang taas ng kanyang boses.

“Hinay lang pards. May makarinig sa’yo mahirap na.”

Napalingon agad si Eric sa paligid. Natakot na baka nga may makarinig sa kanya.

Nagkatinginan lang ang mga drayber. Parang biglang nilamon ng mga salita ni Eric ang mga tawanan nila. Tinapik-tapik siya ng isang kasama sa balikat. Mabigat. Madiin.

“Wala tol eh. Sino ba naman tayo sa mga yan? Kung yung mga teacher nga nila, gaya ng misis mo na edukado, hindi nila pinakikinggan. Tayo pa kayang drayber lang nila?”

Napailing lang si Eric. Hindi  niya matanggap sa sarili ang lahat ng ito.

Kung nalalaman lang sana ni Sheena.

Maraming pagkakataon na gustong-gusto na sanang sabihin ni Eric lahat ng nalalaman niya na pinag-uusapan ng kanyang principal at mga kasama nito sa division office. Yung mga construction projects na hindi dumadaan sa tamang bidding.

Ang akala ata ng mga punyetang ito, hindi kami nag-uusap-usap dito. Ang akala ata nila, hindi namin naiintindihan ang mga pinag-uusapan nila.

Mabilis kumalat ang mga ganitong balita sa mga katulad nila. Nandyan ang mga ka-tropa nilang sekretarya sa loob ng division office. Ang mga janitor na nakakakita ng mga ginagabing meeting ng mga bossing. Kahit pa nga ang mga nagtitinda ng mga tanghalian at meryenda sa loob ng division office nakahahagip din ng balita.

“Naku ser, may bago na namang building sa San Roque? Asahan mo may renovation din bahay ng principal niyo.” Tsismis kanyang ng foreman na sa proyekto.

“Sabi nga ng tropang drayber sa DO, pinsan ni dok yung contractor.” Pagsang-ayon ni Eric.

Pati na rin ang hatian ng mga ito sa mga papel na ginagamit kapag may exam, may pera din doon. Basta may pera, nakasahod ang mga ito. May mga kuwento pa kung saan ang isang guro mula sa probinsya ay nagsangla ng kalabaw ng kanilang pamilya para bayaran ang isa sa mga superintendent. Bente mil. Malinis na yun para sa mga papel. Pasok ang guro sa ranking kahit na hindi dumaan sa tamang proseso. Maghihintay na lang ng plantilla.

Samantalang ang kanyang asawa, sa pagpapa-photocopy pa lang ng mga requirements na papel ay halos maubos na ang pera nito mula sa huling pinasukang private school. Pahirapan pa sa pagpila at katakot-takot na mga requirements. Parang ayaw nilang magpapasok ng bagong mga guro.

Inabot na ng hapon si Eric at ang kanyang mga kasamahan sa paghihintay sa kaniya-kaniyang mga principal. Ang siste pala ay kunyari lang ang meeting ng mg ito sa DO. May minutes of the meeting din na maitatala ang sekretarya. Pagkatapos ng kunwaring meeting tungkol sa isang kunwaring agenda. Mag-aaya ang mga nasa itaas ng isang lunch-out. Sama-sama silang lalabas sakay ang isang private na sasakyang ng isa sa mga heads. Sa labas pa lang magisismula ang totoong meeting. Mga projects na may kickback tulad ng pagpapatayo ng bagong building o bagong wishing well sa paaralan nila. Mga programang may pekeng mukha ng adbokasiya o kunyari ay fund-raising event. Pero kapag hahanapin mo na ang nalikom, hayun at napagparte-partehan na nila. Magkakamayan sila pagkatapos ng kanilang meeting saka babalik sa DO kung saan naghihintay ang kanya-kanyang mga sundo.

Alam ni Eric ang mga ganitong transakyon. Sa isip niya’y talagang walang pinipiling ahensya ang kurapsyon. Gustuhin niya mang magsalita, kanino naman siya lalalapit? At bakit naman pakikinggan ang isang katulad niya na hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral. Gaano lang ba kabigat ang boses ng isang drayber kumpara sa mga titulado ng masteral at doktoral?

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

Ito ang madalas na sabihin sa kanya ni Mam Sheena noong bago pa lang silang magkakilala. Aktibo sa hanay ng mga aktibistang guro si Mam Sheena. Ang jeep na pinapasada ni Eric ang naarkila ng kanilang kolektiba para sa isang rally noon sa Mendiola. Sakto namang sa unahan nakasakay si Sheena katabi ni Eric. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Eric ang mga ganitong rally. Nakikita niya ito kapag namamasada siya. Hangang-hanga si Eric sa pagsasalita ni Mam Sheena na noo’y bagong titser sa isang private school. Ang payat at mas matangkad si Eric sa kanya pero sa harapan ng dagat ng mga tao, napakalaki niyang tingnan.

“Alam mo mam, nagtataka din talaga ako sa ginagawa niyo eh.” Tanong ni Eric sa biyahe pagkatapos ng rally.

Hinahanap ni Mam Sheena ang kanyang panyo para magpunas ng pawis. Naisip niyang baka nalaglag niya ito kung saan. Napansin ito ni Eric at inabot kay Mam Sheena ang isang Good Morning towel. Nahihiya itong tinanggap ni Mam Sheena.

“Ekstra ko yan mam. Hindi pa po gamit. Amoy Downy pa po.”

Tumawa si Mam Sheena. Lumabas ang ngiti nito na. Ibang-iba sa imahe nitong mapaos-paos ang sigaw sa ilalim ng tirik ng araw.

“Anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin? Hindi ba ako malinaw magsalita kanina?” tanong ni Mam Sheena habang sige ang punas sa kanyang likod.

“Naku hindi mam. Galing niyo nga po eh.”

“Wala nang po. Kuya Eric di ba?”

“Wala na ring Kuya, maaaam?”

“Sheena na lang. Okay, anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin?” Nag-ayos ng upo si Mam Sheena paharap kay Eric. Bigla tuloy naalangan si Eric habang tinitingnan ang guro mula sa gilid ng kaniyang mata.

“Eh kasi mam. Ako halimbawa, kasama ako sa mga mahihirap na pinaglalaban niyo. Pero masaya naman ako. Okay naman ako kahit papaano sa pamamasada.” Red light. Huminto si Eric. Nagkambyo. Natamaan nang likod ng kamay ni Eric ang tuhod ni Mam Sheena na nakasuot ng shorts. Saka siya tumingin kay Mam Sheena.

“Hindi naman ata namin kailangan ng magsasalita para sa amin. Okay naman kami sa simpleng buhay lang. Tsaka wala namang makikinig sa mga tulad namin.”

Isang makabuluhang buntong-hininga ang pinakawalan ni Mam Sheena bago magsalita.

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

“Sino namang makikinig kapag nagsalita ako?”

“Kapag ikaw lang ang magsasalita, oo. Baka walang makinig. Pero kapag sama-sama, nagkakaroon ng halaga. Parang yung mga barya di ba? Mas mabigat kapag sama-sama.” Sabay abot ni Mam Sheena ng tuwalya pabalik kay Eric.

“Sa’yo na mam,” tanggi ni Eric, “lagay mo sa likod mo kapag may rally ulit kayo.” Sabay ngiti nito.

Simula nga noon ay lagi nang ang jeep ni Eric ang naaarkila nila Mam Sheena hanggang sa nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Patuloy pa rin sa pagsama si Mam Sheena sa benefit events, rally at picket kahit na hindi kasama si Eric at ayos lang sa kanya dahil tiwala naman siya sa asawa dahil kahit hindi pa naman sila ay gawain na ito ng guro. Kaya nga lang sa hindi inaaasahang pagkakataon, sa kabila ng pagsasabi ni Eric noon huwag na munang sumama dahil nagdadalang tao na si Mam Sheena, sumama pa rin ito sa rally ng mga Kilusang Mayo Uno. Ang sabi ni Mam Sheena ay sa likod lang naman siya pupuwesto at hindi popronta o magsasalita. Bumiyahe si Eric noon dahil ang-iipon na rin sila para sa darating na anak. Subalit nagkainitan ang mga rallyista at mga pulis. Ang payapang kilos protesta ay nauwi sa tulakan at batuhan at kahit nasa bandang likuran na si Mam Sheena, hindi sinasadyang naiutlak siya ng ilang mga kasama na pinaghahataw ng mga pulis ng kanilang batuta at shield. Mabuti na nga lang at nasalag ng kanyang kapwa guro ang  paparating na batuta kay Mam Sheena.

Nagmamadaling pinuntahan ni Eric ang asawa noon sa opsital. Doon niya na narinig ang masamang balita. Nakunan si Mam Sheena. Galit na galit si Eric. Sa mga pulis. Sa mga rallyista. Sa mga kasama ni Mam Sheena. Pati na rin mismo sa asawa. Ngunit kahit na gusto niyang sigawan ang asawa, hindi niya magawa. Dahil kapwa silang nawalan. Simula nga noon ay hindi na pinayagan ni Eric na sumama si Mam Sheena sa mga kilos protesta.

Akala ni Eric ay nasa bahay na ang asawa dahil ginabi siya nang uwi dahil sa paghihintay sa kanilang principal. Ngunit ang nadatnan niya ay isang madilim na bahay. Walang ilaw. Tahimik na tahimik na pumasok si Eric sa loob saka pabagsak na umupo. Nakatingala siya sa kisame. Nakasalampak siya’t hindi makagalaw dahil sa pagod at sa bigat na kanyang nararamdaman.

Kailan ba huling umingay sa bahay na ito?

Nagsipuntahan ang mga kamag-anak nila sa bahay noong ianunsyo nila na magkakaroon sila ng baby. Rumenta ng videoke ang tatay ni Eric na isang ring jeepney drayber. Magkatulong naman sa kusina ang nanay nila Eric at Mam Sheena na kapwa masaya at pinagkukuwentuhan ang mga tagpo noong manganak sa kanilang mga supling. Parang biglang may birthday dahil pati ang mg pamangkin ng mag-asawa ay magkakalaro ngayon sa sala at sa labas ay nag-iinuman ang kanilang mga kapatid. Punong-puno ng iba-ibang ingay, amoy, halakhakan ang buong paligid.

Hindi namamalayan ni Eric ang dahan-dahang pagguhit ng luha sa kanyang pisngi habang nakatulala sa kisame, animo’y doon niya pinanonood ang nakaraan. Napangiti pa siyang bahagya nang magtalo ang kanilang mga kapatid sa dapat ipangalan sa kanilang anak at kung sa kaninong pamilya ito magmamana. Ang hindi nila alam, nabigyan na nilang mag-asawa ang bata. Laya. Si Mam Sheena talaga ang nakaisip nito. Dahil wala daw pinipiling kasarian ang pagiging malaya.

Bumaha ng liwanag sa buong bahay. Agad na napapikit si Eric at iniharang ang mga palad sa mata dahil sa ilaw pala siya nakatitig. At para maitago ang luha. Pagtingin niya sa pinto, nakatayo si Mam Sheena. Nakakagat labi itong nakatitig sa asawa.

“Kanina ka pa nandyan? Sorry ha. Hindi ko pala nabuksan ang ilaw. Nakaidlip ako.” Pagdadahilan ni Eric sabay tayo nito para kuhain ang mga gamit ng asawa at humalik sa pisngi nito.

“Naghintay ako sa school daddy.”

Napatingin si Eric sa asawa. Naghahanap ng sagot. Wala siyang natatandaang pinaghintay niya ang asawa sa eskuwelahan. At dahil nakita ni Mam Sheena na wala ring matandaan si Eric, siya na rin ang nagsabi.

“Sabi mo sa akin, kakain tayo sa labas. Kaya akala ko dadaanan mo ako.”

Bumigat ang mga balikat ni Eric. Inilapag ang mga gamit ni Mam Sheena saka sinapo ang mukha. Napakamot ng noo. Panay ang punas sa mukha gamit ang palad. Hindi niya malaman ang kanyang gagawin o sasabihin. Nakatitig lang siya sa kanyang asawa.

“Sorry.”

Tumango-tango si Mam Sheena. “May problema ba?”

Hindi nagsalita si Eric. Hindi niya rin alam kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin. Na naiinis siya sa sarili niya dahil wala naman siyang masabi sa mga alam niyang kalakaran ng mga nasa posisyon? Na naiinis siya kung paano siya ituring na mga ito na pwedeng mag-usap lang ng kahit anong anomalya sa harap niya dahil alam nilang wala rin naman siyang magagawa?

Pakiramdam niya’y isa siyang pampasaherong jeep na walang laman. Biyahe lang ng biyahe na walang patutunguhan. O baka malungkot lang talaga siya at napapaisip kung para saan ba ang kanilang pinagpapaguran gayong umuuwi lang naman sila sa isang bahay na walang laman? Minsan naiisip rin ni Eric kung napatawad niya na nga ba talaga ang asawa sa pagkamatay ng kanilang anak. Na hindi na nasundan ulit. Pero bakit nga naman niya sisishin ang asawa? Hindi ba’t ginagawa lamang ng asawa ang tama sa paraang alam nito? Hindi ba dapat ang sisihin niya ang sistemang nagluluwal ng mga gurong ina na kailangan pang mag-protesta?

Sa dami ng nag-uunahang tanong sa isip ni Eric, wala siyang nasabi kahit isa. Isang makabuluhang buntong-hininga laman ang kanyang pinakawalan.

Sa puntong iyon ay si Mam Sheena na ang bumasag sa katahimikan. Nagtapat siya sa asawang hindi lahat ng ginagabi siya sa pag-uwi ay dahil sa mga meeting ng programa nila para sa buwan ng wika.

“Nagkakaroon kami ng mga pagpupulong para sa darating na kilos protesta. Sobra na kasi talaga ang kagawaran.” Diretso lang ang pagkakasabi ni Mam Sheena. Inaaral ni Eric ang mukha ng asawa. Parang guro na sinabihan siyang bagsak siya at kailangan niyang ulitin ang subject sa bakasyon. Parang pinagpraktisan.

“Sorry kung hindi ko nasabi sa’yo daddy.”

Niyakap ni Eric ang asawa. Silang dalawa lang naman talaga ang magkaramay. Silang dalawa lang ang magkakampi. Naalala ni Eric noon, tinanong niya si Mam Sheena kung bakit ba sumasali pa rin siya sa mga kilos protesta kahit na may disente na naman silang mga trabaho at hindi naman nagkukulang sa mga pangangailangan. Ngumiti si Mam Sheena saka itinuro ang umbok sa kanyang tiyan.

“Ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunang walang pananagutan ang tao sa isa’t isa. Kasi ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunan walang puwang ang boses ng mga maliliit.”

At ngayon nga, alam na alam na ni Eric kung ano ang itatanong niya ulit sa asawa bago niya ito payagan na muling sumama sa pag-oorganisa.

“Mahal, may drayber na ba kayo?”




No comments:

Post a Comment

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...