Monday, February 8, 2021

Pangakong Food Club!

May pinangako ako kay Anshe pagkapasang-pagkapasa ko ng mga kuwento ko sa isang contest noon, kapag panalo kakain kami sa Food Club.

Kinuwento ko sa kanya yung dalawang naisip ko. Tuwang-tuwa siya. Ipasa ko daw. Sa totoo lang, wala akong confidence na magpasa sa mga workshops, call for submissions at contests. Pero tiwala siya sa mga gawa ko. Tiwala rin naman ako sa mga sinasabi niya. Eh di inupuan ko ang mga ipapasa ko at nai-submit naman. Sa mismong araw ng deadline.

Sure win daw ako sabi niya. Lalo yung isa kong kuwento. Kaya tuwing dumadaan kami sa Food Club, lagi niyang pinapaalala sa akin. At hindi ko rin naman nakakalimutan yun.

Sa totoo lang hindi pa naman ako nakakakain sa mga sosyal na buffet. Mga Vikings ganyan. Oh di ba yun lang ang alam kong pangalan ng buffet. Hehe. Pang-samgyupsal lang ako tapos yung medyo cheap version. Hindi yung pang-malakihan talaga.

Naalala ko noon, pumunta si Anshe sa bahay namin. Kakatanggal ko lang sa dati kong eskwelahan kaya wala akong trabaho ng bakasyon. Ang pinameryenda ko sa kanya, inutang na Pop Cola at Fita sa tindahan na matagal pa ata bago ko nabayaran. Hehe.

Eh nanalo. Hindi lang isa, kundi dalawang kuwento. First at second. Excited ako, ang naisip ko agad yung pangako ko. Naniniwala pa naman ako sa pamahiin. Baka hindi maulit kapag hindi tumupad sa usapan. Kaso ang tagal bago ko nakuha ang pera. Nung nakuha ko naman ang cash prize, pinambili namin ng gamit sa bahay.

After ng mas matagal pang panahon, isang magandang balita! Release na daw ang cheke para sa publication. Limot na ni Anshe ang tungkol sa Food Club, pero para sa akin utang yun na kailangang bayaran. Para sa tiwala at lakas ng loob na binigay niya. Ang sabi ko nga panalo natin yun, hindi akin lang.

"Ay sir, wala na yung Food Club dito. Nilipat na." Sabi sa akin ng guard kasi hindi namin mahanap kung nasaan yun. Natawa kami na nabad-trip kasi ang init-init nung lakad namin na yun.

Nag-joke pa kasi ako na baka wala na yun dun pagpunta namin. Napagod na sa paghihintay. Ayun nga wala na. Pero lumipat naman daw sila sa malapit na lugar na mahirap nga lang puntahan kung ordinaryo kang mamamayan. Sa Ayala Mall sa likod ng City of Dreams, pang-may kotse lang talaga. Sa iba na nga lang daw kami kumain. Pero sabi ko nga andun na kami. Ang pangako ay pangako. Bale mula sa Blue Bay Walk, pumara na lang kami ng taxi para makarating doon. Mabilis lang naman. 

Nakarating kami 4pm tapos 530pm ang opening. Hintay ulit kami. Grabe. Namangha talaga ako sa nakita ko sa loob. Ngayon lang ako nakakita ng ganun karaming pagkain. Food Club indeed! Personal favorite namin ang hot pot. Shet. Sobrang lupet nun! Sabog yung taste buds ko. Panalo yung dimsum section nila. Ang daming pagkaing hindi ko mabanggit ang pangalan. At sa experience ko, yung mga pagkaing hirap i-pronounce ng dila, doon siya nasasarapan. Haha.

Approachable ang lahat mula sa guards hanggang sa mga nag-se-serve. Kahit na mukha akong dukha at ignorante sa mga ganitong kainan, hindi naman nila ipinaramdam na others ako sa establishment na ito. Hindi nakakahiyang magtanong kung ano yung pagkain na nasa harap ko na ngayon ko lang nakita o sa tv ko lang nakikita. Haha.

May healthy bar din sila. Pipili ka ng fresh fruits tapos sila ang mag-shake nun para sa'yo. 

Watermelon shake! Walang asukal pero matamis!

Ang ending, umuwi kaming busog na busog. Mission accomplished. Ignorante lang talaga ako sa mga ganung lugar pero sinigurado kong sinulit ko. Hehe. At syempre masaya akong kahit sa ganitong paraan nakakabawi ako sa kanya. Kahit sa ganito lang siguro muna.

Pastry section!

May pinuntahan kaming seminar noon, parehas kaming walang pera kasi ang layo pa ng suweldo. Kaya ang dinner date namin ay isang umuusok na mami sa kariton, isang baso ng fishball at kikiam saka naghati kami sa isang bote ng pepsi. Naisip ko, ganun pa rin naman kami kahit saan pa kami kumain.

Kasi tulad ng dati, nagkukuwentuhan kami habang kumakain. Nagtatawanan. At umuwi kaming busog sa pagmamahal. 


Sulit sa Food Club


Sunday, February 7, 2021

Seasoning for all-Seasons!

Si Anshe, siya na siguro yung pinaka-honest na taong nagsasabi kung ano talaga ang lasa ng luto ko. Dati nga, sumasama pa ang loob ko pag may comment siyang hindi ko masyadong trip. Kapag gulang sa ganito, kulang talaga. Kapag over cooked, sasabihin niya talaga. At kapag ayaw niya, hindi niya talaga kakainin.  Madalas, yung sinabi niya sa luto ko, napansin ko na yun. In denial lang ako. Hehe. Syempre, kumbaga, ako yung nagluluto sa ating dalawa, mas alam ko ang ginagawang ko. Mga ganung pantangang shit na pag-iisip. Haha.

Nasanay kasi akong sa bahay namin, lalo kay mama, lahat ng ginagawa ko masarap. Kaya siguro lumaki ulo ko eh. Na kahit alam kong sa sarili kong may kulang, eh puta sabi ng nanay ko masarap eh. Napaniwala naman ako. Kaso nanay nga eh. Ganun talaga. Pro tip lang ano. It's one thing to feel good when you recieve complements pero wag lang ibagsak lahat sa ulo. Hehe.

On the contrary, Kapag sinabi niyang masarap, masarap talaga! At doon naman ako minsan hindi nararamdaman na satisfied ako sa gawa ko. Inuulit-ulit ko pa nga yung tanong ko sa kanya. Kasi para naman sa akin, parang may kulang o sobra sa ginawa ko.

Ma-ba-badtrip siya kapag sa susunod na ginawa ko yung dish na yun dahil request niya at nagustuhan nga niya at may babaguhin ako sa recipe. Dadagdagan ko ng ganito o babawasan ko ng ganito kasi nga feeling ko, may kulang. On her end naman, tama na nga yung ginawa ko, bakit hindi ako makuntento doon eh masarap nga kaya ni-request niya. Yung saktong yun ang gusto niya. Ending, hindi niya kakainin yun.

May point eh di ba? Sa tingin ko, i am constantly over thinking din sa mga ginagawa ko. Hindi ko alam bakit ganun. Tangina naalala ko tuloy yung niluto ko noong shawarma, na may favorite din niya, pero nasobrahan ko sa asukal. As in sobrang tamis. Parang shawarma candy. Ganun. Haha. Iniisip ko kasi na parang kulang yung caramelization ng asukal kaya dinagdagan ko pa nang dinagdagan. Ayun nga ano. Isang kutsara na lang ng asukal, pwede nang panutsa at ilagay sa puto bumbong.

Kaya palagi niyang sinasabi sa akin kapag na-hit ko yung jackpot na lasa, ayan ha, tandaan mo na yan. At tinatandaan ko talaga. At kapag nagluluto na ako, lagi kong sinasabi sa sarili kong be satisfied.

Pero hindi pa rin laging ganun. Haha. Nagluluto nga eh. Kasama dyan yung pag-eexperiment. Syempre laging gusto kong sumubok o mag-try. So ang ginagawa ko na lang, hinihiwalay ko yung pag-eeksperimentuhan ko. Ipapatikim ko din sa kanya yun. Kapag okay, i-a-update ko ang recipe. Kapag hindi, balik sa original.

Hindi lang sa pagluluto, kasama na diyan yung ugali ko. Medyo madali akong ma-offend. Minsan hindi medyo. Hindi ko rin maintindihan yung sarili ko eh. Yung madalas na ikagalit ng maraming tao, hindi ako nagagalit. Pero yung madalas na ewan ko, minor lang, minsan doon pa ako galit na galit. Pero natutuhan ko rin, at natututo pa rin paano titimplahin yung emosyon ko kapag nakakatanggap ng puna. Hindi naman ako feeling perfect. Malayo yun sa ugali ko. Mas malaking percent ng pagkatao ko, hindi madaling ma-offend. Pero parang may 1% sa akin na wag mo nang puntahan dahil sasabog talaga ako.

So masasabi kong si Anshe ang pambalanse ko. In effect, siya yung seasoning sa pagkatao ko. Tipong okay naman ako, ata. Pero dahil sa kanya, mas nabubuo. Sa ganun niya ako binabago. Kasi siya mismo nagsabi, okay naman daw ako. Kaunting sprinkle lang ng kasipagan. A dash of pagiging malinis sa sarili. A pinch of discipline. A zest of motivation. A little kick of direksyon sa buhay. Ayos na.



Saturday, February 6, 2021

Tanduay Tibay ng Loob Gig

Na-invite kami dati ni Anshe sa commercial ng Tanduay na magsulat at mag-perform. Hindi kami sumama kasi sagwa naman tingnan na teacher kami tapos nag-eendorso kami ng alak. Hehe.

Nito lang quarantine, nag-message yung Tanduay sa Lapis ArtCom, writing community namin. Spoken word daw na may temang quarantine. Ang pinagsulat namin yung mga bago at batang members para maka-experience naman silat at syempre, bayad yun. At syempre, maganda rin sa resume nila. Si Anshe na lang mag-edit ng mga ginawa nila. Give chance to others tsaka para na rin sila naman.

Eh ayun nga, okay naman ang ginawa nila. Si Anshe nagbigay ng tema. Kasi yung mga tito at tita niya, halos lahat sa barko nagta-trabaho eh nung nagka-covid, pinauwi silang lahat. Wala tuloy silang trabaho dito. Mula doon sa idea dinivelop nila yun.

Okay naman. Nabuo nila, kaso sabi nila dapat matanda yung magsasalita kasi tatay yung persona. Bakit naman ganun? Eh ako yung pinakamatanda sa grupo, ending, kasali pa rin ako. 

Parang ako pa tuloy sumalo ng mga gawa nila. Gusto ko pa naman sila yung ma-front. Kaso wala, boses ko na lang daw kasi pang-matanda. Ediwaw.

Nasa fb page pa rin ng Tanduay yun ngayon. Check niyo!


Ayos naman. Bayad yan eh. Haha.




Friday, February 5, 2021

Yosi Balasi

 

*Assignment ko ito sa klase ng Creative Nonfiction kay Bob Ong. Yes. Si legendary writer Bob Ong ang writer at yes hindi ko pa rin siya kilala dahil sa facebook thread lang siya nagkaklase. Tungkol ito sa unang pagyoyosi ko sa lugar namin kasi hindi ako nagpapakita sa kanila na nagsisigarilyo ako.*


“Pa, may hahanapin lang ako sa labas.”

Bisperas ng Pasko, umiinom na si papa sa labas kasama ang mga kapitbahay namin. Tumango lang siya saka bumuga ng usok pataas. Ang mga unang alaala ko ng pagkabata kay papa, nagyoyosi na siya. Pero kahit kailan, hindi siya nagyosi sa loob ng bahay. Kaya ito rin ang gagawin ko. Sa labas ako ng bahay magyoyosi. Pero hindi pwedeng sa labas lang, kung saan makikita ako ni papa at ng mga kapitbahay namin. Lalong-lalong hindi pwedeng makita ni mama.

Bakasyon eh. Perks ng pagiging teacher yung bakasyon ang mga kliyente ko, bakasyon din ako. Kaso yosing-yosi na din talaga ako. At ito ang unang yosi ko sa lugar namin.

Ilang buwan na rin siguro akong humihipak. Lahat ng tropa ko, smoker. Pero hindi naman nila ako naimpluwensyahan. Basta isang inuman, nag-decide na lang akong ubusin ang kalahating stick ng yosi na pinahawak sa akin ng tropa nung magpunta siya sa cr. Hinanap niya sa akin pagbalik niya pero ang naabutan na lang niya ay huling buga ng usok sa yosi niya. Tapos yun, nagtuloy-tuloy na.

Tatlong kanto na ang layo ko sa bahay. Sa totoo lang pwedeng-pwede na ako magsindi. Kaya nga lang, tuwing dudukutin ko na ang yuping kahon ng yosi, may makakasalubong akong kakilala. Hindi lang basta kakilala. Mga dating kasama sa simbahan. Hindi nga lang dating kasama sa simbahan, mga kasama sa gawain. Youth leader ako eh. Magpapastor nga sana ako.

Sa totoo lang, matagal na akong hindi nagsisimba. Dapat hindi ko na isipin ang iisipin pa nila. Kung bakit umalis ako sa simbahan na parang naging bahay ko na rin sa lumipas na limang taon ay mahaba-mahabang istorya. Mga ilang kaha ng yosi bago ko matapos. Sa ganun ko na rin sinusukat ang distansya o paghihintay sa mga bagay. Ang layo ng bahay namin hanggang sa labas, dalawa’t kalahating stick ng yosi yan. Ang Julie-Tear jerky ng Eraserheads, kalahating stick. Syempre sumasabay ako sa kanta.

Siguro ganito na lang, umalis lang ako sa simbahan pero hindi sa pananampalataya. Ayoko na sa rules na sila-sila lang din naman ang nag-set sa mga sarili nila. Lahat ng mga pekeng tao, nasa simbahan na. Eto ha, may kasama ako sa music ministry noon na nakita ng isa sa mga anak ni pastor na nagsisigarilyo sa labas, nang sumunod na linggo, na-pulpito na agad. Tangina di ba? Nag-yosi lang, hindi mo na mahal ang Diyos? Lahat naman ng tao, may kanya-kanyang trip. Pagalingan lang naman kaming magtago ng mga yun kasi erehe ang tingin nun sa simbahan namin.

Tawang-tawa ako sa reasoning ni pastor sa sermon niya nung araw na yun.

“Pinapasok mo na si Hesus sa puso mo. Naninirahan na ang Diyos sa katawan mo tapos pauusukan mo siya? Ano siya, manok?”

Pinipigilan ko lang tawa ko pero nakakatanga naman talaga. Alam ko namang hindi makitid ang utak ng Diyos.

Pero sa lugar namin, kasingdikit-dikit ng mga pader ang tainga ng magkakapitbahay. Dagdag mo pa diyan ang sasabihin nilang “teacher pa naman.” Bakit ano ba ang mga teacher? Living saints? Okay lang naman sa akin kung malalaman nila, pero huwag muna siguro ngayon. Ayokong mag-noche buena ng sermon galing kay mama at pangongosensya na kesyo hindi ko siya mahal dahil papatayin ko ang sarili sa bisyong ito na magiging dahilan ng matindi niyang kalungkutan.

 

Kapag nagyosi ka naman sa kung saan lang, titingnan ka pa ng ilang mga tao. Syempre, sino nga namang non-smoker ang gustong makalanghap ng usok na galing sa hininga mo? Mag magsasabi pa sa’yong, excuse me, hindi mo naman binili ang hangin na nilalanghap ko para dumihan mo. Mga galit na galit, gustong manakit.

Pero hindi naman sila makapagreklamo sa makakapal na usok ng mga pabrika na nagpapaitim sa langit at sumisira sa kalikasan. Kapag yung usok galing sa magagara nilang sasakyan na kahit sabihin nating puti yan, usok pa rin yan. Puta akala mo, ang babango ng mga utot. Excuse me, hindi mo binili ang hangin sa paligid ko kaya wala kang karapatan na ututan ito.

Ganun naman ang tao. Kaya niya lang punahin yung mga maliliit na nasa paligid niya.
Kaya niyang sigain yung kaya niya. Sarili ko naman ang pinapatay ko. Ang dinudumihan ko. Ang dumi-dumi na naman ng hangin sa Maynila, ano ba naman yung dagdagan ko pa para sa akin? At least yung usok na yun, choice kong ipasok sa sistema ko.

Naglakad ako nang naglakad palayo. Para makasigurado, tumawid na rin ako palabas ng baranggay namin at tumawid papasok sa tapat na subdivision.

Doon, sa kantong akala mo walang pasko dahil walang mga nag-iinuman sa labas at hindi abala, malayo sa mga matang mapanghusga. Nagsindi ako ng yosi gamit ang unang lighter na binili ko. Lucky Strike na pula ang unang brand ko ng yosi. Malalim ang hithit ko, sa sobrang lalim nahithit ko pati ang christmas spirit. Malamig. Parang menthol sa bibig. Saka sinabay ko ang isang mabigat na buntonghinga at pinakawalan ang isang makapal na ulap na namuo sa dibdib ko ng ilang araw. Whoooo..

“Merry Christmas.”

Bago ako humithit, panay lang ang lingon ko sa paligid. Baka kasi may kakilala akong dumating. Tangina no? Hindi ko talaga na-enjoy. Para lang akong gago na alalang-alala sa sasabihin ng iba. Para yosi lang eh.

“Anong kayang ginagawa mo sakaling datnan mo ang second coming ni Hesus?” Madalas na tanong ni pastor sa amin.

Hindi pa ba dumadating si Hesus? Para sa akin, matagal na siyang nakababa ulit. Baka nga isa na siya sa mga dumaan sa kalsadang ito. At kung lalapitan niya mismo ako, hindi ako magdadalawang-isip na abutan siya ng isang stick ng yosi. Sisindihan ko rin yun para sa kanya parang isang tunay na boss ng isang mafia na libong taon nang tumatakbo dito sa mundo. Pagkukuwentuhan namin ang mga kakupalan ng mga anak niya dito sa lupa. Ikukuwento ko rin sa kanya na minsang sinabi ng pastor namin noon na nakakausap niya raw ang diyos at naririnig ang boses nito. Pagtatawanan namin sila. Pagtatawanan namin ang mga ginawa nila alang-alang sa pangalan niya.

Tapos yayain ko siyang magpainom kasi birthday naman niya.


Ganito pa mga inaattendan kong seminar dati. Haha. 2010.

Thursday, February 4, 2021

Inasal Lang dapat Sapat na


Finish product na agad. Hehe.

First time ko gumawa ng inasal. Tagal ko na rin gustong subukan eh. Hassle kapag de uling pero pwede naman sa oven. Pero syempre iba pa rin kapag inihaw sa uling. Yung may sunog. Yung nakaka-cancer. Yun nga nagpapasarap dun eh. Next time, subukan ko yung sa uling. 


Mas okay kapag ganitong hiwa. Parang mang inasal talaga. Toyo, suka, brown sugar, bawang, luya, tanglad kaunting tubig. Nasa sa'yo na kung gusto mo lagyan ng vetsin. O ng magic sarap. Wag lang sabay baka mamatay ka agad. 3 hrs ko minarinate. Mas okay kung overnight.

2005 nagkaroon ng Mang Inasal sa Maynila. First year college ako niyan. Ang alam ko, unang kain ko diyan kasama mga tropa ko. Panahong may part-time job na ako bilang all-around tutor at yaya ng mga koreano sa kung tawagin nila ay academy. Tangina, ito yung mga panahon na feeling ko butas yung tiyan ko. Walang katapusan at mahirap punuim. Lagi akong gutom. Syempre growing kid. Pitong cups of rice ang record ko sa Mang Inasal. Sa tokyo-tokyo 11 kasi mas maliit ang scoop doon. Sa karate kid naman, sampu. 

Ganun lang talaga trip ko. Gusto ko kasi kapag kumakain ako, yung sulit. Hindi ko naman pinipili kung masasarapan ako. Doon ako sa mabubusog ako. Parang pag bibili ako ng tinapay sa bakery. Ang pinipili ko talaga yung mabigat sa tiyan. Pucha, sa panahon ngayon, mas praktikal pang kumain sa fastfood kaysa karinderya. May softdrinks ka na. Aircon pa. Aba'y feeling boss ka pa dahil may mga nagsisilbi sa'yo.

Kanin is life talaga eh. Tangina pinakamatindi naming ginawa nung nagdala kami ng kaldero sa jollibee.
Ako, si Eds at si Onins. 2015.

Hindi ko na kayang gawin yun ngayon. Hanggang dalawa na lang nabubusog na ako. Tsaka nabubusog na rin ako sa meryenda. 

Iba yung lasa ng mang inasal sa lasa ng ordinaryong barbecue eh no. Iba din yung lasa ng mang inasal sa iba pang inasal gaya halimbawa ng chicken bacolod na paborito ng ninang ko pero para sa akin ay walang kabuhay-buhay.

Isang oras at mga 15 mins. Pahid-pahiran mo lang ng annato oil para makuha mo yung kulay.

Mang Inasal din ang nagpauso ng chicken oil. Isa sa magagandang regalo ng diyos sa sangkatauhan. At kahit pa alam na alam naman nating knorr lang ang sabaw ng mang inasal. Makikipagpatayan tayo diyan parang si anshe na talaga namang kumakain lang sa inasal dahil sa sabaw. 

Chicken oil mula sa fat at skin trimmings.

Chicken oil na may dinurog na crispy skin at crispy garlic para mamatay na agad tayong lahat. Joke lang. May garlic naman eh. Napulot ko yan kay Ninong Ry.

Nami-miss ko bang kumain sa labas? Hindi masyado. Lalo na nang mas dumami yung alam kong luto. Kung may namimiss man ako, eto yung feeling na may kasama kang kumain sa labas syempre may ibang dating yun eh. 

Dati, simple lang naman gusto ko. Mabusog sa kinakain ko. Kaunting ulam, maraming kanin. Bonus na kung may malamig na softdrinks. Ngayon, parang lahat ng gusto kong kainin, natikman ko na ata. Kung ang goal lang naman ng tao ay kumain at malamnan ang tiyan, mas hindi siguro ang mundo. Kaso parang yung mga mayayaman pa ang patay gutom eh. Meron na nga sila, tangina gusto nila sa lahat sa kanila.

Sana ano, mang inasal at unli-rice lang ang pupuno sa pagkatao natin. Kaso hindi eh.

Tamang pabebe lang bago kainin.


 

Tuesday, February 2, 2021

Japan! Japan! Sagot sa Kahirapan!

Kanina pa ako tingin-tingin ng mga job postings na para sa teacher sa Japan. Biruan namin ni Anshe yun noon. Na magtrabaho na lang sa Japan. May nakita kasi kaming dumaan sa facebook na scholarship sa Masters sa Japan.

Tinanong ko siya dati, kung anong bansa ang pangarap niyang puntahan. Sabi niya wala naman daw siyang naiisip. Pero sa aming dalawa, siya yung mahilig umalis-alis. Mag-travel. Pangarap niya malibot ang Pilipinas. Kabaliktaran ko. Ang pag-alis ang isa sa mga bagay na hindi ko gustong gawin. Gusto ko yung napipirmi lang ako sa isang lugar. Oo umaalis ako ng bahay. Pero hanggang sa tropa lang naman ang destinasyon ng mga lakad ko.

Umalis kami noon ni Anshe. Unang alis namin sa malayo. Sa Ilocos. Tuwang-tuwa ako nun. Naintindihan ko kung bakit iba pala yun sa pakiramdam. Nasundan yun ng marami pang pag-alis. At ako mismo, looking forward sa mga yun.

“Ako gusto kong pumunta sa Japan.” Sabi ko sa kanya. Yun lang ang bansang naiisip kong gusto kong puntahan. Siguro kasi bata pa lang ako mahilig na talaga ako sa mga anime o kaya sa mga sentai na palabas. Hindi hentai ha! Sentai! Sila Bioman. Jetman. Ganun. Dadgdag mo na sila Ultraman, Masked Rider, Shaider at Machine Man.

Pero hindi ko naman naisip na gusto kong umalis ng Pilipinas dahil gusto kong magtrabaho sa ibang bansa. Gusto ko lang pumunta sa Japan para ma-experience ang kultura nila. At madalaw ang libingan nila Ace at Whitebeard.

Desperado na ata talaga ako. Paano ba ako humantong sa ganito? Pati mga youtube channel ng mga karanasan ng mga Pinoy teachers sa Japan, pinapanood ko na rin. Nag-message pa nga ako sa ibang page at nag-mental checking ng mga requirements na meron ako at wala.

Para kasing kailangan ko na talagang magkapera. Dati naman hindi ko naiisip yan. Pera ang pinaka-boring na topic para sa akin. Sunod dito ay kotse at gadgets. Wala lang talaga akong hilig. Pero ngayong nakikita ko na ang mga bayarin. At mas nakikita ako ang kalagayan ni mama. Parang ang naiisip ko na lang ngayon, magkaroon ng maraming pera.

Nag-resign ako sa pagiging teacher ko noon. Kasi feeling ko hindi na ako masaya. Nag-call center ako. After two months, bumalik din ako sa pagtuturo. Reason? Hindi ako masaya. Ang babaw pala ng problema ko. Kaso yung kabawawan ko yun ay hindi ko pala dapat pinapairal kasi may mga taong umaasa sa akin. Dadating pala ako sa puntong ang dahilan kung bakit kailangan kong gawin ang isang bagay ay dahil sa pera.

Wala naman daw kasing yumayaman na teacher. Sabi ng mga mayayamang teacher, nasa tao yan. Pwede kasing, may sarili silang bahay. Hindi bread wiiner. O mag-asawa ng seaman. Ayokong ikumpara yung sarili ko sa kanila. Nagsisisi ba ako na hindi nag-ipon? Pero paano ako makakapag-ipon kung halos buong suweldo ko noon, pantulong ko sa pamilya ko. Hindi ko rin sila sinisisisi. O yung pagiging sugarol ni papa. Wala namang magagawa kung magsisisi ako.

Don’t get me wrong. Kaya nilang mabuhay kahit wala ako. Pero yung naiisip kong kulang yung naibibigay ko. Doon ako kinakain ng guilt ko. Kala ko hindi ako tatablan ng kapag nakikita ko ang mga kababata ko o kaklase sa social media na umasenso sa buhay. Hindi naman ako inggit sa meron sila. Naiinggit ako kung paano nila naibibigay sa pamilya nila yung ganun. At sa security na mayroon sila. Kung anong kaya nilang ibigay sa mga partners o sa asawa nila. Hindi naman nanghihingi o nag-dedemand yung mga tao sa paligid ko. Pero mas doon ako nilalamon.

Kaso ano lang ba kaya kong gawin? Nasubukan ko na ang corporate. Hindi ako bagay doon. Maski na tiisin ko. Papalpak ako doon. Bobo ako sa structures eh. Mapapahiya lang ako sa mga boss at sa sarili ko kung ipipilit ko yun. Ang bobo ko nga makipag-usap sa mga customers pero sa totoo lang marunong naman akong makipag-usap ewan anong nangyari sa akin sa call center.

Dalawa lang ang skill set na mayroon ako para mabuhay. Maging teacher at maging writer. Yung pagiging writer na hindi naman ako palaging may project. Yung pagiging teacher ko na hanggang ngayon, hindi pa rin ako regular at may suweldong hindi kalakihan.

Buti pa yung mga ibang teacher na kasabayan ko o kaklase ko. Parang mga wala nang problema sa buhay. Pwede bang ibalik na lang sa nakaraan? Kaso hindi rin naman pwede. At alam kongkung babalik lang ako sa nakaraan, mas malaki ang problema ng pamilya namin. Hindi ko lang ramdam dahil si mama ang sumasalo nun. Hindi naman ako.

O baka nga gusto ko lang talagang tumakas. Gusto ko lang pumunta sa Japan to live in a dream world na punong-puno ng anime. Baka naman iniisip ko na ililigtas din ako nila Bioman sa mga kaaway. Pero walang ganun sa totoong buhay eh. Ikaw ang sarili mong bida at kontrabida sa buhay na ito.

Baka part of growing-up lang ito. Tang ina, 32 na! Part of growing-up pa rin! Kung iisipin ko, wala naman talaga akong mabibigat na problema. Baka ako lang ‘to. Pwede ring all this time, ang sinasabi ko lang sa sarili ko ay “baka ako lang ‘to.” Kaya hanggang ngayon, heto pa rin ako. Ako lang ‘to.

Sabi sa akin ni sir Robert dati, nag-iinuman kami nun, itatapon ko raw ang mga paniniwala at ideals ko balang araw. Masyado daw akong idealistic. Ito na ba yun sir? Ayaw niya daw talagang umalis sa Pilipinas, si Sir Robert. Pero anong magagawa niya? Yun daw ang dikta ni misis. Nakikita ko siya sa facebook. Sa tingin ko, mas nakabuti yun para sa kanya. Pero ano kaya talagang nararamdaman niya? Mas masaya nga siya doon? Rak en roll pa naman yung taong yun. 

Hirap kasing maging teacher sa bayang mas pinaniniwalaan pa ang mga influencers kesa sa'yo. Mas pakikinggan pa sila Banat By at Mocha. Hirap maging teacher sa bansang hindi pinahahalagahan ang edukasyon. Hirap maging teacher kapag mababa ang sweldo. 

Ready to leave the Philippines na ako! Wala na akong pakialam sa mga sasabihin niyong nilunok ko lahat ng sinasabi ko noon. Lalo sa mga pangaral ko sa mga estudyante ko na manatili sa Pilipinas. Haha. Para namang nakinabang ako sa mga suweldo niyo ngayon. Hypocrite na kung hypocrite. Nag-subscribe na ako sa online learning para mag-Nihonggo. Nag-review na ako ng do's and dont's sa Japan. Sayonara motherfuckers! Sayonara duterte! Sayonara mga bobong opisyal ng gobyerno! 

Sa dulo ng thread na nabasa ko tungkol sa pag-a-apply sa Japan, nabasa kong bawal ang may tattoo. At naalala kong alam ko yun dahil mahilig akong manood ng mga docu sa Japan. Nawala lang sa isip ko. Napatingin ako sa mga tattoo ko. Sablay. Tangina.


 


A Journey of a Footlong Starts with a Hotdog


Maaga akong nakatulog kanina kaya maaga rin akong nagising. Si Anshe, nagsusulat paggising ko. Tinanong kung may pagkain ba daw na pwedeng lutuin, nag-check ako sa ref. May hotdog pa. Kakaubos lang ng tangke kagabi kaya sa electric grill na lang namin niluto. Yung ginagamit namin pang-samgyupsal. Lakas maka-sosyal!

Nagluto ako ng tatlong hotdog. Tender Juicy Cheese Dog. Doon na rin namin pinrito ang itlog tsaka nag-grill, naks, ng tasty na pinahiran ng star garlic margarine. Nung dinner, hotdog din ang inulam namin pero yung chicken franks. Saka ako naglagay ng kape sa coffee maker. Sarap ng almusal namin, alas-tres ng madaling araw.

Salit-salit ako sa pagkagat sa tostadong tinapay, paghiwa ng itlog, higop sa kape at upak sa hotdog. Hindi ko namalayan na isa’t kalahati na pala ang nakakain ko sa jumbo hotdog. Huminto na ako kasi baka maubusan ko si Anshe. Saka ko lang naalala, paborito ko pala talaga ang hotdog. Naalala ko rin si Patrick, yung besprend ni Pepito Manaloto. Napangiti ako. Bigla kong nakita yung batang ako na easyng-easy lang na pagkasyahin ang isang regular sized hotdog sa gabundok na kanin.

May panahon sa buhay ko noon, na parang kasalanan ang magpapak ng hotdog at luho ang pag-uulam ng dalawang hotdog sa isang kainan.

Jeepney drayber si papa. Hindi naman kami ganun siguro kasadlak sa hirap. Pero ito yung tipo ng isang kahig, isang tuka. Kapag walang biyahe, wala talagang kakainin. Paminsan-minsan nakakaranas din naman kami mag-grocery. At lagi kong pinapaalala kay mama na kumuha ng hotdog. Hindi ko makakalimutan ang mga araw na namimili kami sa dating Liana’s Supermarket sa Parañaque kung saan naka-scotch tape sa noodles ang plato o bowl ng Maggi. O kaya naman mga baso ng Milo. Café Puro na babasagin ang lalagyan at gagawing baso pagkatapos. At syempre ang mga freebies ng Mighty Meaty Hotdogs na pencil stubs. Hindi pa uso ang Avengers, na-kumpleto ko na sila noon dahil dito. Ang una ko pa nga noong nakuha, si Captain America, the first Avenger.

Yung Tender Juicy, alam naman siguro ito ng lahat, masarap talaga ito kahit kailan at kahit saang anggulo mo pa ito tingnan. Sobrang sarap kung bagong luto, masarap pa rin kahit lumamig na. At lagi kong naa-associate dito si Alvin Patrimonio dahil sa PBA Team niya at sa isang pelikula niya kung saan kumain siya ng sandamakmak na TJ Hotdogs sa almusal. Ito yung may magic na bola na nagiging tao.

Pero may espesyal na lugar sa puso ko ang Mighty Meaty Hotdog, bukod sa mga freebies nito na madalas nga ay pencil stubs, parang mas marami talaga akong nakakaing kanin pag ito ang ulam. Mga lamang ng isang cup. Hehe. Hindi siya ganun ka-firm di tulad ng TJ, pero bumabawi naman sa juiciness na kumakatas kapag hinihiwa mo. Mas malinamnam din ito sa panlasa ko pero hindi ganun kaalat. Medyo pale din ang pagka-pula nito. Kahit sa corned beef, mas gusto ko rin yung hindi ganun ka-pula. Kaya naman ang paborito ko noon ay yung Rodeo Corned Beef na akala ko may factory din sa Parañaque bago dumating sa BF kung papunta kang Sucat. Doon din makikita yung payat na baka at kabayo, at tupang walang buhok na nasa loob ng compound nila na nanginginain ng damo. Matagal ko bago nalaman na hindi pala yun factory ng Rodeo Corned Beef kundi pagawaan ng lubid! Paano naman kasi, yung logo ng corned beef na yun ay inispelling na Rodeo gamit ang lubid. Dagdag mo pa ang mga hayop na nakikita ko doon.

May dalawa akong sistema ng pagkain ng hotdog noong bata pa ako. Minsan, inuuna kong kainin yung balat. Yun muna ang inuulam ko hanggang sa tuluyan itong maging skinless saka ko uunti-untiin ang naiwang laman. Kabaligtaran at mas kumplikado yung pangalawa. Yung una kong kagat, walang kanin. Ito yung parang alay sa demonyo kung sa inuman. Nanamnamin ko muna yung hotdog in all its pure form and essence. Kapag naikalat ko na ang lasa ng hotdog sa limang taste regions ng dila ko, saka ko maingat na kukunin ang laman ng hotdog. Pwede ba yun? Yes po, pwede. Maingat na maingat kong ginagawa yun at kapag hindi na maabot ng kutsara ang mababaw na laman nito, pinipisil ko naman palabas ang laman nito gaya ng paninimot sa tube ng toothpaste pero dapat magaan lang ang pagpisil dahil baka mapunit ang balat nito. Sayang lang ang effort. Hanggang sa matira na lang ay ang lupaypay at kuluntoy na balat ng hotdog. Nothing but an empty shell and a reminder of its former self. Sunod kong gagawin, unti-unti kong papasakan ng kanin ang balat ng hotdog. Gentle lang ulit, hanggang sa mabusog ko ito at medyo bumalik sa dati. Parang isang mahusay na taxidermist na nilalagyang ng palamang bulak ang isang patay na ahas. Ito siguro yung version ko ng Paksiw na Ayungin ni Pete Lacaba.

Tapos, pipiruthin ko ulit ang hotdog na may lamang kanin sa mahinang apoy. Dito asar na asar si mama. Una sayang sa gas. Panglawa, ang daming arte bakit hindi na lang kainin. Naka-budget lang kasi talaga ang ulam namin. Isang hotdog lang talaga sa bawat kain. Kuwento pa ni mama, sa bahay daw ng lolo nila sa probinsya, kinakadena at pinapadlock ang ref para hindi sila makapuslit ng pagkain. Kaya pag may mga birthdayan akong napupuntahan sinusulit ko talaga ang mga hotdog na hindi ko alam kung anong kasalan ng piña at bakit siya ang napiling saksakan ng mga ito. Kapag nasa ihawan sa labas o kainan sa hi-way dahil sumama ako sa biyahe sa jeep at medyo galante si papa dahil nanalo sa sabong, bukod sa bulalo o barbeque, oorder din ako ng inihaw na hotdog.

 Sa bahay, lalo nang mag-birthday ang kapatid naming babae dahil sa kanya na lang talaga naghahanda noon, nagpakabundat ako sa mga hotdog na nakatusok sa katawan ng saging! Iniiwan ko yung marshmallow kasi hindi naman ako mahilig sa matamis. Ay! Minsan pala nakaka-tatlong hotdog din kami, pero kapag yung cocktail hotdogs. Yung mga unano. Parang mga pulang minions.

May napanood akong palabas, pinoy horror ata yun o japanese, basta pang-gabing palabas at nagbabago ng featured story every week. Hindi ko na matandaan. Basta ang naaalala ko, yung bata, biglang nagising sa gitna ng gabi. Nagtungo sa ref, saka kumuha ng hotdog at kinain ito straight out of the freezer! At ang naisip ko, hala! Pwede pala yun! At isang gabi nga na tulog na ang lahat, yun ang ginawa ko. Nakakangilo ang tigas at lamig ng hotdog galing sa freezer. Hindi ako natuwa. Pero inubos ko pa rin para walang ebidensya. Sumunod na sabado, ang pagpapatuloy ng palabas na nasimulan. Ang walanghiyang bata na nag-inspire sa akin na kumain ng hilaw na hotdog, sleep walker pala! Pwe!

Third year hayskul naman ako nung na-encouter ko yung sizzling hotdog sa bahay nila Arby pagkatapos namin mag-basketball, yung isang tropa namin na nakatira noon sa Calcutta St. sa Moonwalk. Sa pagkakaalala ko, opening din yun ng liga na sinalihan namin pero hindi kami nakalaro kasi mas marami pang hatak kaysa villager, actually siya talaga ang taga-doon. Kaya ayun, naglaro na lang kami sa ibang court. Nakita pa namin si JC de Vera sa kabilang team. Ang pogi. Siya yung tipo na tumayo pa lang sa bench, titilian na ng audience kahit na kukuha lang naman talaga siya ng tubig sa cooler.

Ibang tirada sa hotdog ang nakahain sa bahay nila. May raw onions pa at may sauce. Parang steak ang datingan. Nilagyan lang daw ng toyo at ketchup saka hiniwa-hiwa. Nung sinubukan ko naman sa bahay, pagkaalat-alat ng ginawa ko! Ilang beses ko ring sinubukan kahit ngayong matanda na ako, hindi ko pa rin talaga makuha ang timpla. Kaya tinigilan ko na rin. Hanggang ngayon, yun pa rin ang pinakasamarap na sizzling hotdog na natikman ko.

Yung VIDA Hotdog, masarap lang siya sa ihawan. At kapag bagong luto. Yung pagkaangat na pagkaangat mo nito sa ihawan, kailangan mo nang isubo. Agad! Wala akong paki kung mapaso ka. Huwag mong pahahanginan at baka kasamang matangay ang lasa. Huwag mo na ring subukang prituhin kung hindi ka naman eksperto at walang gabay ng magulang dahil didikit lang ito sa kawali. Magmimistulang sabog-sabog na daliri dahil sa paputok lang ang VIDA Hotdog mo pagkatapos dahil sa 1% meat, 99% harina na compsition nito.

Isa sa nakakapagpawalang gana sa akin sa pagkain ng sphagetti noon ay ang malamang VIDA ang hotdog na ginamit nila. Kapag may iniaabot ang kapitbahay o nasa kainan sa labas, una kong tinitinidor ang hotdog. Kung hindi rin lang naman Purefoods, ayawan na. Sinong magsasabing walang taste ang mahihirap? Hindi totoo yan. Sa tingin ko, ang dila ay hindi naman nadidiktahan ng iyong socio-economic background. Ang dami kong kilalang dayukdok na hindi naman kumakain ng sardinas. Mas nanaisin pa nilang mag-ulam ng KISS o Dimples kesa sardinas o kaya naman ay magdildil ng asin. Kasi kanya-kanyang trip lang ng panlasa yan. May kaibigan ako, hindi kumakain ng kahit anong luto ng baka kasi maanggo daw. Pero kung magkatay sila ng baka sa probinsya nila para kainin, simple lang. Ha? Beef na yun ha. Pero wag ka, patay na patay siya sa corned beef.

Pero hindi na naman na ako ganun. Ngayon, basta pagkain, kainin. Sa totoo lang, wala naman talaga akong arte sa pagkain. Pa-epek ko lang din siguro yun nung bata pa ako na gusto ko Purefoods o Mighty Meaty lang ang hotdog. Dati kasi, doon ko lang nararamdaman na kahit papaano, hindi nalalayo ang buhay ko sa mga kaklase kong mas maalwan ang buhay dahil pareho naman kami ng brand ng kinakaing hotdog. Naaalala ko pa nga, medyo hinihiritan ko si pa si mama noon na kaya kong umubos ng isang kilong hotdog! Sabi niya, pag may trabaho na daw ako, pwede ko na gawing yun. 

Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Pero hindi ko naman ginawa yun. Ang sarap lang niyang isipin. Minsan natatanong ko pa rin yun sa sarili ko, kung kaya ko nga talagang umubos ng isang kilong hotdog sa isang upuan lang. O baka somewhere along the way, hindi na rin ako ganun ka-naging katakam dito. Mas maraming beses din akong bumili ng hotdog sa 7-11 kesa sa siopao. Ganun din sa Angel’s Burger, mas footlong kesa burger.

Lalo nung nauso yung mga Frabelle na hotdog kung saan-saan.

Una kong na-encounter yung murang ga-higanteng hotdog sa Maynila, noong mga panahong nagpapanggap pa akong MA student ng English Literature sa PNU kahit na lahat ng pasok ko nun ay kung hinid may hang-over ako ay literal na kagagaling ko talaga sa inuman at buhay na buhay pa ang alak sa sistema. Lunch break, naghahanap ako ng makakainan. Ayoko na sa mga karinderya sa likod ng Normal bukod sa laging may nasasagasaan ng truck sa  tawiran doon kaya napadpad ako kakahanap ng pagkain banda sa mga Universidad de Manila na buong akala ko talaga ay English ng Pamatasang Lungsod ng Maynila!

Kinse pesos lang may umuusok at hot-off-the-grill ka ng jumbo hotdog na pinaliguan ng mayo-ketchup at hot sauce. Isang kagat pa lang, alam kong nahanap ko na ang the one. Ito na yung substitute ko sa pangarap kong  Purefoods Hotdog na nag-jo-jogging sa thread mill sa mga sinehan sa mall na for the record ay hindi ako bumili kahit kailan dahil sobrang namamahalan talaga ako. Pero ngayong baka end of the world, baka subukan ko na ring bumili.

Sa gilid ng hotdog stand na yun ay may nagtitinda ng “chow fun”, no joke. Yun talaga ang spelling. Itanong mo pa sa mga estudyante ng UDM also known as PLM. Nawala ang amats ko at yun na nga ang lagi kong kinakain sa mga susunod na pagkakataong pumasok ako sa PNU. Hindi ko natapos ang MA ko ng English Lit sa PNU. Buti na lang. Baka elitista na rin ako ngayon. Joke!

So ayun nga, simula nun, lagi na akong bumibili ng hotdog sa kariton tapos yung madalas na drinks na kasama nun ay Sunday’s Melon. Paano ko nalaman na Sunday’s Melon? Yun kasi ang halo sa timplang GiMeNes ni pareng Raul. Gin, Melon, Nescafe Brown. May ilang pagkakataon pa nga na kapag umaalis kami ni Mam Anshe, may baon akong kanin kasi wala akong pera tapos bibili akong hotdog sa kanto. May isang pagkakataon pa na yung binaon ko ang kinain namin sa foodcourt sa Robinsons tapos may libreng tubig. Haha. Ngayon, kahit papaano, naman upgraded na. May Milktea nang kasama. Hehe.

Nitong kailan lang, umoreder ako ng dalawang kilong hungarian sausage sa kaibigan ko, kay Mil. Isa talaga sa pangarap ko yung makaluto sa bahay ng sausage. Hindi hotdog ha. Sausage. Sabi ng seaman na tito ni Anshe, kapag sausage, british. Kapag Franks, German. Kaya si Frank Sinatra, German talaga siya. Hehe. Kapag American, hotdog. Eh Americanized naman tayo kaya hotdog din ang sa atin. Oooohh! Pero may version din naman tayo nito, yung longganisa na, aaaahhh! Paborito ko rin yan kaya sa ibang kuwento na lang yun.


Maaaring makuha ang sausage ng kaibigan ko sa https://www.facebook.com/themeatlabers/

Sarap na sarap talaga ako sa binili naming sausage na yun. Naiiyak ako sa sarap. Feel na feel ko yung paghiwa nito in pieces na napapanood ko lang sa TV. Masaya din ako na lahat naman sila dito ay nagustuhan ang sausage na yun. Binilihan ko rin sila mama, masarap nga talaga.

Totoo nga sabi ni mama, makakabili rin naman ako kapag may trabaho na ako ng kahit gaano karaming hotdog ang gusto ko. Pero yung pumapak ng isang kilong hotdog at para sa akin lang? Mukhang never ko talagang gagawin. Mas masarap talaga kumain pag may mga kasama ka, lalo kung mga mahal mo sa buhay. Doon din siguro talaga ako natuto sa pagtitipid sa ulam. Sabi ng ng isang kaklase ko dati kung galit ba daw ako sa ulam kasi nakaka-tatlong takal na ng kanin, sarsa pa lang ang nababawas.

Isa sa mga paborito kong natutuhan sa pagsulat ay ito, wala naman sa paramihan ng danas yan. Nasa kung paano mo dinanas ang isang karanasan. Ganun din siguro sa pagkain. Wala naman sa paramihan ng nakaing hotdog yan, nasa kung paano mo kinain ang hotdog, kahit one at a time lang.

Ha? Hotdog!

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...