Monday, November 7, 2022

Kami’y mga Pasahero Lamang

 

“Mahal, gising na. Alas kuwatro na.”

Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasado alas-diyes na kasi nakauwi kahit na alas kuwatro lang ng hapon ang uwian. May programa kasi sa eskwelahan bukas at ang misis niya ang punong abala.

“Wala namang ibang gagawa niyan kundi ako. Syempre yung mga bagong teacher, tutulong naman sila. Pati na yung sa ibang department. Pero hindi ko naman sila basta pwedeng iwan lang dun.” Paliwanag ni Mam Sheena. Guro sa Filipino sa Mataas na Paaralan ng San Roque. 

Handa na ang almusal pagdating ni Mam Sheena sa hapag.

“Good moooooorning Mam Sheeeena.” Nakangiting bati ni Eric sa asawa.

“Para ka namang mga estudyante ko. Salamat daddy. Sorry ha.” Sagot ni Mam Sheena sa pagitan ng paghikab.

“Sige na kain na. Sa biyahe na tayo mag-usap. Kape ka muna mam.”

Saglit na tinitigan ni Mam Sheena ang kape. Hinawakan ang tainga nito, saka dahan-dahang pinaikot.

“Pass muna ako sa kape daddy.” Sabay ngiti nito sa kanya.

Drayber ng eskwelahan si Eric. Siya ang nagmamaneho sa mga bata kapag may contest ang mga ito sa ibang eskwelahan. Pero pirmi siyang drayber ng school principal sa lahat ng lakad nito kumbaga ginawa siyang private driver. Ang mga teachers tuloy kapag may seminar, walang magamit na sasakyan, kanya-kanyang commute. Kahit pa nga yung mga wala namang kinalaman sa eskwelahan, ginagamit ng principal ang sasakyan.

“Eric, favor naman. Yung pamangkin ko, uuwi dito sa’tin. Galing Canada. May meeting kasi ako sa division office. Pagkatapos mo ako ihatid, daanan mo pamangkin ko ha. Bigay ko number niya.”

Payag naman agad si Eric kasi akala niya saglit lang siya maghihintay. Halos apat na oras nakatanghod si Eric sa labas ng airport. Ni hindi man lang sinabi ng principal kung anong oras talaga ang dating ng kanyang pamangkin. Dagdag pa diyan ang matinding trapik pag-uwi. Ang nakadagdag pa sa kanyang inis ay asal amo ang pamangkin ng principal. Pinagbuhat na nga ng mga gamit ay pinadaan pa sa kung saan-saang lugar para mamili ng mga pasalubong na sa mall na lang binili. Kung makaasta akala mo binayarayan ang buong araw niya samantalang hindi man lang siya naabutan kahit isang lusaw na tsokolate.

Hindi naman nagsasalita si Eric sa mga ganitong bagay. Katwiran niya’y basta sa kanya lang ginagawa ay ayos lang. Kaya naman pagpasensyahan. Pinapauwi na nga ng principal ang sasakyan ng eskwelahan kay Eric. Para raw kapag may emergency na lakad, dire-diretso na. Pero ayaw ni Eric na may masabi sa kanya lalo na sa kanyang asawa. Teacher pa naman sa eskwelahan, mamaya niyan ay mapulaan pa at masabihang pinang-se-service niya ang sasakyan para sa asawa.

“Mamaya sa labas tayo kakain. Celebrate natin yang pagpapakadakila mo para sa buwan ng wika.” Nakatawang sabi ni Eric habang papasok sa faculty.

“Oo. Kailangan ko yun Daddy.”

Bumaba ang tingin ni Eric sa mga dala niyang papel ni Mam Sheena. Napakadami. Kaya naman pala sumasakit ang ulo nito. Noong nakaraan pa nga’y nasuka pa habang nag-tse-tsek ng mga papel.

“May lakad daw kayo ni principal?”

“Meron Mam. Meeting daw sa munisipyo.”

“Sige. Ingat ha. Love you daddy.”

“Enjoy Mam. Wag masyado magpagod. Love you too.”

Sabay halik sa pisngi ni Eric bago ilapag ang mga gamit ni Mam Sheena sa kanyang lamesa. Sa ilalim ng salamin sa lamesa ni Mam Sheena ay may nakaipit na kalendaryo, mga class picture ng kanyang mga estudyante. May kuha ni Eric nung unang pasok niya sa eskwelahan bilang drayber. At kuha nilang mag-asawa sa Tagaytay. School outing. Sa bandang baba ng teacher’s table, may cross stitch, Laya.

Si Dr. Ramirez ay larawan ng lahat ng imahen ng mga principal sa public school sa Pilipinas. Nasa singkwenta na ang edad. Terno lagi ang pangtaas at pangbaba. Sa lakad niya ngayon ay kulay violet ang suot nito. Naka-spray net pataas ang buhok. Laging may hawak na pamaypay. At may brooch  sa dibdib na orchids na may mga kumikinang na bato.

Innova ang dalang sasakyan ngayon ni Eric. Natatanong niya rin sa sarili kung bakit iba ang sasakyan na gamit kapag taga-admin ang gagamit. Kapag principal. Kapag naghahatid at nagsusundo ng mga district supervisor.

“Hindi pwede sa mahinang aircon isakay ang mga matatanda pare. Huhulas ang make-up.” Sagot sa kanya ng kaibigang drayber mula sa ibang eskwelahan.

“Walandyo yan si Dr. Tangco tol. Biruin mo tol, sustentado niya isang varsity namin sa basketball.”

“Baka kayo lang ang masama mag-isip, baka naman mabait lang talaga.” Kunwaring pagdedepensa ni Eric. Tatawa siya habang nginunguya ang meryendang banana cue.

“May nakakita pre, pinag-shopping pa nga at nanood ng sine. Gago pre, matindi daw pumili ng brief, parang jowa. Doktorado sa Pamimili ng Salawal! Holding hands pa!”

“Ay! Sumobra sa bait?” Hirit ng isa na sinabayan ng malakas na tawanan.

“Si Dr. Amante sa amin, naku! Nagrereklamo na yung mga taga-canteen sa amin eh. Libre na ang pagkain niya sa canteen, may hati pa siya sa kita. Kung di ba naman talaga masiba!”

“Kailangan niya talaga kumain nang marami tol. Mahirap kaya magpainit ng upuan sa opisina at tumunganga lang doon. Nag-iisip rin siguro paano uubusin ang sweldo ano?”

“Tarantado rin yang mga doktor na yan eh no. Samantalang itong si Misis ko, nagkakandapaos na nga’t lahat ni hindi man lang mataasan ng sweldo.” Hindi napigilan ni Eric ang taas ng kanyang boses.

“Hinay lang pards. May makarinig sa’yo mahirap na.”

Napalingon agad si Eric sa paligid. Natakot na baka nga may makarinig sa kanya.

Nagkatinginan lang ang mga drayber. Parang biglang nilamon ng mga salita ni Eric ang mga tawanan nila. Tinapik-tapik siya ng isang kasama sa balikat. Mabigat. Madiin.

“Wala tol eh. Sino ba naman tayo sa mga yan? Kung yung mga teacher nga nila, gaya ng misis mo na edukado, hindi nila pinakikinggan. Tayo pa kayang drayber lang nila?”

Napailing lang si Eric. Hindi  niya matanggap sa sarili ang lahat ng ito.

Kung nalalaman lang sana ni Sheena.

Maraming pagkakataon na gustong-gusto na sanang sabihin ni Eric lahat ng nalalaman niya na pinag-uusapan ng kanyang principal at mga kasama nito sa division office. Yung mga construction projects na hindi dumadaan sa tamang bidding.

Ang akala ata ng mga punyetang ito, hindi kami nag-uusap-usap dito. Ang akala ata nila, hindi namin naiintindihan ang mga pinag-uusapan nila.

Mabilis kumalat ang mga ganitong balita sa mga katulad nila. Nandyan ang mga ka-tropa nilang sekretarya sa loob ng division office. Ang mga janitor na nakakakita ng mga ginagabing meeting ng mga bossing. Kahit pa nga ang mga nagtitinda ng mga tanghalian at meryenda sa loob ng division office nakahahagip din ng balita.

“Naku ser, may bago na namang building sa San Roque? Asahan mo may renovation din bahay ng principal niyo.” Tsismis kanyang ng foreman na sa proyekto.

“Sabi nga ng tropang drayber sa DO, pinsan ni dok yung contractor.” Pagsang-ayon ni Eric.

Pati na rin ang hatian ng mga ito sa mga papel na ginagamit kapag may exam, may pera din doon. Basta may pera, nakasahod ang mga ito. May mga kuwento pa kung saan ang isang guro mula sa probinsya ay nagsangla ng kalabaw ng kanilang pamilya para bayaran ang isa sa mga superintendent. Bente mil. Malinis na yun para sa mga papel. Pasok ang guro sa ranking kahit na hindi dumaan sa tamang proseso. Maghihintay na lang ng plantilla.

Samantalang ang kanyang asawa, sa pagpapa-photocopy pa lang ng mga requirements na papel ay halos maubos na ang pera nito mula sa huling pinasukang private school. Pahirapan pa sa pagpila at katakot-takot na mga requirements. Parang ayaw nilang magpapasok ng bagong mga guro.

Inabot na ng hapon si Eric at ang kanyang mga kasamahan sa paghihintay sa kaniya-kaniyang mga principal. Ang siste pala ay kunyari lang ang meeting ng mg ito sa DO. May minutes of the meeting din na maitatala ang sekretarya. Pagkatapos ng kunwaring meeting tungkol sa isang kunwaring agenda. Mag-aaya ang mga nasa itaas ng isang lunch-out. Sama-sama silang lalabas sakay ang isang private na sasakyang ng isa sa mga heads. Sa labas pa lang magisismula ang totoong meeting. Mga projects na may kickback tulad ng pagpapatayo ng bagong building o bagong wishing well sa paaralan nila. Mga programang may pekeng mukha ng adbokasiya o kunyari ay fund-raising event. Pero kapag hahanapin mo na ang nalikom, hayun at napagparte-partehan na nila. Magkakamayan sila pagkatapos ng kanilang meeting saka babalik sa DO kung saan naghihintay ang kanya-kanyang mga sundo.

Alam ni Eric ang mga ganitong transakyon. Sa isip niya’y talagang walang pinipiling ahensya ang kurapsyon. Gustuhin niya mang magsalita, kanino naman siya lalalapit? At bakit naman pakikinggan ang isang katulad niya na hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral. Gaano lang ba kabigat ang boses ng isang drayber kumpara sa mga titulado ng masteral at doktoral?

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

Ito ang madalas na sabihin sa kanya ni Mam Sheena noong bago pa lang silang magkakilala. Aktibo sa hanay ng mga aktibistang guro si Mam Sheena. Ang jeep na pinapasada ni Eric ang naarkila ng kanilang kolektiba para sa isang rally noon sa Mendiola. Sakto namang sa unahan nakasakay si Sheena katabi ni Eric. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Eric ang mga ganitong rally. Nakikita niya ito kapag namamasada siya. Hangang-hanga si Eric sa pagsasalita ni Mam Sheena na noo’y bagong titser sa isang private school. Ang payat at mas matangkad si Eric sa kanya pero sa harapan ng dagat ng mga tao, napakalaki niyang tingnan.

“Alam mo mam, nagtataka din talaga ako sa ginagawa niyo eh.” Tanong ni Eric sa biyahe pagkatapos ng rally.

Hinahanap ni Mam Sheena ang kanyang panyo para magpunas ng pawis. Naisip niyang baka nalaglag niya ito kung saan. Napansin ito ni Eric at inabot kay Mam Sheena ang isang Good Morning towel. Nahihiya itong tinanggap ni Mam Sheena.

“Ekstra ko yan mam. Hindi pa po gamit. Amoy Downy pa po.”

Tumawa si Mam Sheena. Lumabas ang ngiti nito na. Ibang-iba sa imahe nitong mapaos-paos ang sigaw sa ilalim ng tirik ng araw.

“Anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin? Hindi ba ako malinaw magsalita kanina?” tanong ni Mam Sheena habang sige ang punas sa kanyang likod.

“Naku hindi mam. Galing niyo nga po eh.”

“Wala nang po. Kuya Eric di ba?”

“Wala na ring Kuya, maaaam?”

“Sheena na lang. Okay, anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin?” Nag-ayos ng upo si Mam Sheena paharap kay Eric. Bigla tuloy naalangan si Eric habang tinitingnan ang guro mula sa gilid ng kaniyang mata.

“Eh kasi mam. Ako halimbawa, kasama ako sa mga mahihirap na pinaglalaban niyo. Pero masaya naman ako. Okay naman ako kahit papaano sa pamamasada.” Red light. Huminto si Eric. Nagkambyo. Natamaan nang likod ng kamay ni Eric ang tuhod ni Mam Sheena na nakasuot ng shorts. Saka siya tumingin kay Mam Sheena.

“Hindi naman ata namin kailangan ng magsasalita para sa amin. Okay naman kami sa simpleng buhay lang. Tsaka wala namang makikinig sa mga tulad namin.”

Isang makabuluhang buntong-hininga ang pinakawalan ni Mam Sheena bago magsalita.

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

“Sino namang makikinig kapag nagsalita ako?”

“Kapag ikaw lang ang magsasalita, oo. Baka walang makinig. Pero kapag sama-sama, nagkakaroon ng halaga. Parang yung mga barya di ba? Mas mabigat kapag sama-sama.” Sabay abot ni Mam Sheena ng tuwalya pabalik kay Eric.

“Sa’yo na mam,” tanggi ni Eric, “lagay mo sa likod mo kapag may rally ulit kayo.” Sabay ngiti nito.

Simula nga noon ay lagi nang ang jeep ni Eric ang naaarkila nila Mam Sheena hanggang sa nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Patuloy pa rin sa pagsama si Mam Sheena sa benefit events, rally at picket kahit na hindi kasama si Eric at ayos lang sa kanya dahil tiwala naman siya sa asawa dahil kahit hindi pa naman sila ay gawain na ito ng guro. Kaya nga lang sa hindi inaaasahang pagkakataon, sa kabila ng pagsasabi ni Eric noon huwag na munang sumama dahil nagdadalang tao na si Mam Sheena, sumama pa rin ito sa rally ng mga Kilusang Mayo Uno. Ang sabi ni Mam Sheena ay sa likod lang naman siya pupuwesto at hindi popronta o magsasalita. Bumiyahe si Eric noon dahil ang-iipon na rin sila para sa darating na anak. Subalit nagkainitan ang mga rallyista at mga pulis. Ang payapang kilos protesta ay nauwi sa tulakan at batuhan at kahit nasa bandang likuran na si Mam Sheena, hindi sinasadyang naiutlak siya ng ilang mga kasama na pinaghahataw ng mga pulis ng kanilang batuta at shield. Mabuti na nga lang at nasalag ng kanyang kapwa guro ang  paparating na batuta kay Mam Sheena.

Nagmamadaling pinuntahan ni Eric ang asawa noon sa opsital. Doon niya na narinig ang masamang balita. Nakunan si Mam Sheena. Galit na galit si Eric. Sa mga pulis. Sa mga rallyista. Sa mga kasama ni Mam Sheena. Pati na rin mismo sa asawa. Ngunit kahit na gusto niyang sigawan ang asawa, hindi niya magawa. Dahil kapwa silang nawalan. Simula nga noon ay hindi na pinayagan ni Eric na sumama si Mam Sheena sa mga kilos protesta.

Akala ni Eric ay nasa bahay na ang asawa dahil ginabi siya nang uwi dahil sa paghihintay sa kanilang principal. Ngunit ang nadatnan niya ay isang madilim na bahay. Walang ilaw. Tahimik na tahimik na pumasok si Eric sa loob saka pabagsak na umupo. Nakatingala siya sa kisame. Nakasalampak siya’t hindi makagalaw dahil sa pagod at sa bigat na kanyang nararamdaman.

Kailan ba huling umingay sa bahay na ito?

Nagsipuntahan ang mga kamag-anak nila sa bahay noong ianunsyo nila na magkakaroon sila ng baby. Rumenta ng videoke ang tatay ni Eric na isang ring jeepney drayber. Magkatulong naman sa kusina ang nanay nila Eric at Mam Sheena na kapwa masaya at pinagkukuwentuhan ang mga tagpo noong manganak sa kanilang mga supling. Parang biglang may birthday dahil pati ang mg pamangkin ng mag-asawa ay magkakalaro ngayon sa sala at sa labas ay nag-iinuman ang kanilang mga kapatid. Punong-puno ng iba-ibang ingay, amoy, halakhakan ang buong paligid.

Hindi namamalayan ni Eric ang dahan-dahang pagguhit ng luha sa kanyang pisngi habang nakatulala sa kisame, animo’y doon niya pinanonood ang nakaraan. Napangiti pa siyang bahagya nang magtalo ang kanilang mga kapatid sa dapat ipangalan sa kanilang anak at kung sa kaninong pamilya ito magmamana. Ang hindi nila alam, nabigyan na nilang mag-asawa ang bata. Laya. Si Mam Sheena talaga ang nakaisip nito. Dahil wala daw pinipiling kasarian ang pagiging malaya.

Bumaha ng liwanag sa buong bahay. Agad na napapikit si Eric at iniharang ang mga palad sa mata dahil sa ilaw pala siya nakatitig. At para maitago ang luha. Pagtingin niya sa pinto, nakatayo si Mam Sheena. Nakakagat labi itong nakatitig sa asawa.

“Kanina ka pa nandyan? Sorry ha. Hindi ko pala nabuksan ang ilaw. Nakaidlip ako.” Pagdadahilan ni Eric sabay tayo nito para kuhain ang mga gamit ng asawa at humalik sa pisngi nito.

“Naghintay ako sa school daddy.”

Napatingin si Eric sa asawa. Naghahanap ng sagot. Wala siyang natatandaang pinaghintay niya ang asawa sa eskuwelahan. At dahil nakita ni Mam Sheena na wala ring matandaan si Eric, siya na rin ang nagsabi.

“Sabi mo sa akin, kakain tayo sa labas. Kaya akala ko dadaanan mo ako.”

Bumigat ang mga balikat ni Eric. Inilapag ang mga gamit ni Mam Sheena saka sinapo ang mukha. Napakamot ng noo. Panay ang punas sa mukha gamit ang palad. Hindi niya malaman ang kanyang gagawin o sasabihin. Nakatitig lang siya sa kanyang asawa.

“Sorry.”

Tumango-tango si Mam Sheena. “May problema ba?”

Hindi nagsalita si Eric. Hindi niya rin alam kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin. Na naiinis siya sa sarili niya dahil wala naman siyang masabi sa mga alam niyang kalakaran ng mga nasa posisyon? Na naiinis siya kung paano siya ituring na mga ito na pwedeng mag-usap lang ng kahit anong anomalya sa harap niya dahil alam nilang wala rin naman siyang magagawa?

Pakiramdam niya’y isa siyang pampasaherong jeep na walang laman. Biyahe lang ng biyahe na walang patutunguhan. O baka malungkot lang talaga siya at napapaisip kung para saan ba ang kanilang pinagpapaguran gayong umuuwi lang naman sila sa isang bahay na walang laman? Minsan naiisip rin ni Eric kung napatawad niya na nga ba talaga ang asawa sa pagkamatay ng kanilang anak. Na hindi na nasundan ulit. Pero bakit nga naman niya sisishin ang asawa? Hindi ba’t ginagawa lamang ng asawa ang tama sa paraang alam nito? Hindi ba dapat ang sisihin niya ang sistemang nagluluwal ng mga gurong ina na kailangan pang mag-protesta?

Sa dami ng nag-uunahang tanong sa isip ni Eric, wala siyang nasabi kahit isa. Isang makabuluhang buntong-hininga laman ang kanyang pinakawalan.

Sa puntong iyon ay si Mam Sheena na ang bumasag sa katahimikan. Nagtapat siya sa asawang hindi lahat ng ginagabi siya sa pag-uwi ay dahil sa mga meeting ng programa nila para sa buwan ng wika.

“Nagkakaroon kami ng mga pagpupulong para sa darating na kilos protesta. Sobra na kasi talaga ang kagawaran.” Diretso lang ang pagkakasabi ni Mam Sheena. Inaaral ni Eric ang mukha ng asawa. Parang guro na sinabihan siyang bagsak siya at kailangan niyang ulitin ang subject sa bakasyon. Parang pinagpraktisan.

“Sorry kung hindi ko nasabi sa’yo daddy.”

Niyakap ni Eric ang asawa. Silang dalawa lang naman talaga ang magkaramay. Silang dalawa lang ang magkakampi. Naalala ni Eric noon, tinanong niya si Mam Sheena kung bakit ba sumasali pa rin siya sa mga kilos protesta kahit na may disente na naman silang mga trabaho at hindi naman nagkukulang sa mga pangangailangan. Ngumiti si Mam Sheena saka itinuro ang umbok sa kanyang tiyan.

“Ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunang walang pananagutan ang tao sa isa’t isa. Kasi ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunan walang puwang ang boses ng mga maliliit.”

At ngayon nga, alam na alam na ni Eric kung ano ang itatanong niya ulit sa asawa bago niya ito payagan na muling sumama sa pag-oorganisa.

“Mahal, may drayber na ba kayo?”




Walang Sinasanto Niño


Bakasyon ng taong 2011, naging kidnapper ako.

Tulak lang din ng pangangailangan kaya ko nagawa. Gabi nang sinimulan ko ang operasyon, ilang araw ko ring pinalano at nang matiyak na tulog na ang lahat ng kasama sa bahay, lalo si mama, saka ko inaksyunan ang maitim kong balak.

Madali lang makuha ang target sa totoo lang, pinraktis ko rin ng ilang beses at pamilyar din siya sa akin, ganun din ako sa kanya kaya established na ang tiwala. Wala pang isang minuto, secured ko na agad ang package at mabilis na dinala sa mastermind at ang nag-utos sa akin. Hindi ako takot mahuli kasi alam kong malakas ang backer ko.

Buhay na buhay pa ang bahay ni boss ng dumating ako, alam niya rin kasing hindi ako aatras sa misyon. Kaya nang sinabi ko sa isa sa mga anak niya na naririto na ako, agad niya akong pinapanhik sa taas ng bahay nila. Nasa kalagitnaan siya ng paghigop ng kape na agad niya ring ibinababa nang makita ako. May mga kape pa na tumalisik pabalik sa tasa. Ngingisi-ngisi siyang lumapit sa akin saka ko inabot ang epektus.

“Ito na ba yun?” tanong niya.

“Opo pastor.”

At para makasigurado, pinakawalan niya mula sa pagkakabalot ang dinukot ko mula sa bahay namin. Bahagya kong nilihis ang mata para hindi ko makita ang batang hawak niya, ang Sto. Niño ni Mama.

April 21, 2009 ang aking spiritual birthday. Ibig sabihin, ito ang petsa na ipinanganak akong muli, in-short, na-born again. Kakakulit sa akin ng dalawang kaklase sa Educ, sumama ako sa youth summer camp ng kanilang simbahan. Sa dami ng niyaya nilang kaklase eh ako pa ang sumama, samantalang shiftee lang ako at galing sa Mechanical Engineerin. Nasa panahon siguro ako ng paghahanap sa sarili. Bagsak ako sa qualifying exam ng Mechanical Engineering, ibig sabihin hindi ako makakatuloy sa third year. Kaya ayun, sihft sa Education. Mula sa course ng mga macho, naging course na pang-muchacho dahil yun ang tingin ng halos lahat sa amin sa mga mag-te-teacher, magiging yaya sa mga estudyante.

Nagsisisi rin naman ako bakit hindi ako nakatuloy sa engineering. Syempre, nakakahiya rin kay mama kasi pinatawag pa siya sa school para kausapin noong na-on probation ako at 9 units lang ang pwede kong kunin sa isang sem kasi sunod-sunod ang bagsak ko. Kaya siguro nung panahon na nasumpungan ko ang Panginoon, vulnerable ako kaya madali kong niyakap ang pananampalataya. Wasak na wasak ako kasi pakiramdam ko isa akong disappointment. Ang laki pa naman ng inaasahan sa akin kasi ako daw ang pinakamatalino sa angkan namin tapos ganun lang ang kinahinatnan ko.

“May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita; may mga mata, ngunit hindi nakakakita. May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig; may ilong, ngunit hindi nakakaamoy. May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak; may mga paa, ngunit hindi nakakalakad, at kahit munting tinig ay wala kang marinig.” Salmo 115:5

Sabi ni pastor, malas daw ang mga rebulto sa bahay dahil contradicting ito sa katuruan ng Diyos. Malas talaga ang salitang ginamit niya kahit na wala naman talagang malas o swerte kapag kristyano ka kasi kapag sinabi mong malas o swerte, inaasa mo ang mga bagay sa tsamba o kapalaran na taliwas naman sa plano ng diyos.

Kaya naman nang ma-born again, yung Sto. Niño sa bahay ang una kong napagdiskitahang ma-evict sa bahay. Tatlo yun sila dati, estatwa ni Sto. Niño, estatwa ni Mama Mary at picture ni Jesus. Nakailang lipat kami ng bahay bago napadpad dito sa Ulingan, depressed area sa Las Piñas at kada lipat namin, nababawasan ang mga gamit namin kasi paliit nang paliit ang mga tinitrhan namin habang ang ibang gamit naman ay nawawala. Yung picture ni Jesus na laminated sa frame na kahoy ay nawala paglipat namin sa Tramo sa Parañaque kaya hindi na ito nakapunta sa Ulingan. Kung sino man ang napanggap na tumulong sa amin magbuhat ng gamit at kinuha si Jesus, tiyak akong nasa mabuti na siyang mga kamay.

Yung Mama Mary, eh, nasanggi ko yun dito sa bahay at nabasag, gawa lang pala sa  chalk. Magaan na magaan lang yun pero gaya ng Sto. Niño, kapwa nabili ni mama ang mga yun sa Baclaran noong wala pa silang anak ni Papa. Yun daw ang mga una nilang nakasama sa bahay. Abot-abot na pagalit at sermon at luha ang inabot ko nang mabasag ko ang Mama Mary ni mama. Kahit ako natakot sa kung anong pwedeng mangyari sa akin kasi nga, banal na gamit yun di ba tapos nabasag ko lang kasi natabig ko noong inayos ko ang antenna ng tv namin para mapanood ang isang episode ng yugi-oh!

Deboto ng Sto. Niño ang pamilya namin. Tuwing ikalawang linggo ng Enero, hindi pwedeng hindi kami makiki-piyesta sa Sto. Niño., lugar yun sa Parañaque. Lahat ng mga kapitbahay at unang nakilala ni mama noong mapadpad siya sa Maynila sa edad na 14 galing Bacolod dahil nag-istokwa kasi malupit daw ang madrasta nila, lahat sila nasa Sto. Niño. Ang mga unang residente ng lugar na iyon ay mula sa dinemolish na sitio na may parehas na pangalan ng santo kaya nang ma-relocate sila dinala nila ang pangalan. Sila mama at papa naman ay kinuha ng pinsan ni mama para tumira na sa village kung saan binigyan sila ng maliit sa puwesto sa likod ng bahay. Kaya pag pumupunta kami sa Sto. Niño, parang reunion nila. Naabutan ko pa ang dinemolish na lugar yun at may mga picture pa kami ng mga pinsan at tiyahin sa lugar na yun.

Kahit sabihin mong nasa siyudad ang Sto. Niño, mala-probinsya pa rin ang style doon kapag piyesta kasi puro matatanda ang mga tao. Pwede kang pumasok at makikain kahit saang bahay. Parang pasko nga rin ang pakiramdam kasi maraming namimigay ng mga pera sa mga bata. May mga liga, palaro, perya at paborito ko yung boksing ng mga bakla sa plaza. Tuwing piyesta lang din ako nakakakain ng lyanera na malapit ang hitsura at lasa sa embutido at ang especialty ng mga taga-Parañaque na morcon.

Palagi naming dala ang aming Sto. Niño at sinasali sa prusisyon na parehas naming paborito ni kuya. Mahabang lakaran pero enjoy ako dahil natutuwa ako sa mga Sto. Niño na iba-iba ang bihis. Maya naka-jersey ng basketball, naka-jacket na black na parang kontrabida sa pelikula, may naka-swimming attire at may salbabida pa sa bewang. Paborito ko yung nakasuot ng pang-mangingisda at may nakasabit na lambat sa balikat at nakasuot ng sambalilo, yung sumbrero ng mga mangingisda sa Parañaque. Si mama, kahit na ilang beses naming pinilit ni kuya, ayaw niyang baguhin ang damit ng aming Sto. Niño dahil hindi naman daw yun laruan at dapat igalang ang damit, kung ganun daw ang sa iba ay huwag na naming gayahin. Kulay pula ang tipikal na damit ng mga Sto. Niño at may hawak na bola na may krus habang naka-peace ang isang kamay.

Kahit ang pangalan ng jeep namin noon ay Viva Sto. Niño, matagal na rin itong naibenta bago pa kami lumipat sa Ulingan dahil na rin sa pagsusugal ni papa . Kaya naman alam kong hindi madaling negosasyon ito kapag sasabihin ko kay mama na oras nang mawala sa buhay namin ang Sto. Niño na iyon dahil sa isip ko, ito ang humahadlang kung bakit mahirap pa rin kami ngayon. Kung bakit hindi kami makaangat sa buhay at baka nga dahilan kung bakit mula sa maayos na bahay sa village ay naririto kami sa Ulingan.

Paliwanag ni pastor, may masamang espiritu sa mga estatwa na diyos-diyosan na lumilinlang sa mga tao. Ito raw ang humaharang sa mga pagpapala kasi ang mga estatwa ay hollow at walang laman, dahil walang laman, pwedeng tirhan ng elemento at bukod sa diyos, anong klaseng espiritu pa ba ang mananahan sa gawa ng tao? Mailalapit ko rin ang paliwanag ni pastor sa lohika ng haunted house na binabahayan ng bad spirits.

“Hindi kita pinakialaman nang mag-born again ka. Nagulat na lang ako pag-uwi mo sabi mo, iba na religion mo kahit na katoliko tayo.”

Yan ang sabi sa akin ni mama nang sabihin ko isang beses pagkatapos kain na nasabi ni pastor na hindi naman daw sumasamba ang mga tao sa mga estatwa. Na mali yun at wala sa bibliya at kung nasa bibiliya man, pinarusahan ang mga taong yun. Case in point, ang kwento ng mga Israelitang pinalaya ni Moses mula sa mga Egyptians. Nang mainip sila sa pagkawala ni Moses dahil kausap niya ang diyos sa bundok, tinunaw nila ang mg bakal at alahas nila para gumawa ng diyos-diyosang sinamba nila. Isa sa maraming dahilan bakit hindi nakapasok ang mga Israelita sa promised land. Sinabi ko rin kay mama na sinabi naman talaga sa sampung utos ng diyos na huwag sasamba sa kahit anong nilikha ng kamay ng tao, syempre ginagamitan ko si mama ng mga talata sa bibliya kasi alam kong naniniwala siya doon. Kumpleto nga rin pala kami ng Our Daily Bread sa bahay na si mama lang ang nagbabasa.

“Galawin mo na lahat sa bahay, huwag lang yang Sto. Niño.”

Hindi ko pa sinasabi sa kanya, natunugan niya nang ang tinutukoy ko ay yung natitira naming estatwa. Yun ang huling beses na pinag-usapan namin ang tungkol doon. Pero binabagabag ako na tuwing nababanggit ni pastor sa mga preachings ang tungkol doon, pakiramdam ko ay ako ang pinatutungkulan niya. Isang beses ay sinabi ko nga kay pastor ang dilemma ko na iyon, at yun nga ang pinayo niya, itakas ko sa bahay at ibigay sa kanya. Sabi pa niya na malakas na daw ang kapit ng Sto.Niño na yun sa isip ni mama at para naman daw sa pamilya ko ang gagawin ko. May kasama pa ngang pangongosensya kung bakit hindi ko pa raw naisasama sa simbahan si mama. Natatawa na lang ako sa isip ko kasi mas mauuna munang mawala ang mga kurap na pulitiko sa Pilipinas bago pa umalis sa katoliko si mama.

“Dalhin mo dito, akong bahala.” Sabi ni pastor na sinunod ko naman kaya nga kinagabihan ay agad kong dinala sa kanya ang Sto. Niño. Pagkatanggap ay sinabihan niya akong umuwi na rin kasi gabi na.

Kinabukasan ng linggo, gumising, nag-almusal ng luto ni mama, naligo at naghanda para pumunta sa simbahan. Parang walang nagbago sa bahay, siguro hindi niya pa napapansin. Sa simbahan matapos ang praise and worship na kantahan kung saan gitarista din ako, nagpaunang salita si pastor bago pa niya binigay ang preaching para sa araw na yun.

Kinwento niya sa pulpito at sa simbahan ang ginawa kong pangingidnap sa Sto. Niño ni mama. Yun talaga ang ginamit niyang salita, kidnap. Kasi nasabi ko ring binanggit ko na kay mama noon ang tungkol sa pagsamba sa mga diyos-diyosan pero ayaw niya pa rin maniwala kaya ang naging desisyon ko na lang ay kidnapin ito. Pagkasabi niya lahat sila nakatingin sa akin at nagpalakpakan na para bang may ginawa akong isang mahalagang-mahalagang bagay. Yun ang unang beses na pinalakpakan ako ng mga tao dahil aprubado para sa kanila ang ginawa ko.

“Pagkauwing-pagkauwi ni brother Mel, inakyat ko agad sa terrace ang diyos-diyosan at alam niyo ba, hirap na hirap akong buhatin yun. Ang bigat-bigat. Parang biglang ayaw magpabuhat pero tinatagan ko ang loob ko at nagdasal sa panginoon.” Pagpapatuloy ni Pastor.

“Nilapag ko sa mesa ang diyos-diyosan, at parang nanlilisik ang mata niya sa akin dahil alam niya ang gagawin ko sa kanya. Sumama yung panahon, ang lamig-lamig talaga ng hangin para akong magkakasakit. Kung hindi lang ako nangako kay brother Mel na palalayain ko ang bahay nila at nanay niya sa diyos-diyosang ito, sumuko na siguro ako. Kaya nilabas ko ang martilyo..”

Noong narinig ko ang salitang martilyo, hindi na naging malinaw sa akin ang mga sumunod niyang sinabi. Basta hindi niya raw natamaan agad, umiwas daw ang Sto. Niño. Pero nang tamaan at nabasag daw ay may lumukso daw sa kanyang itim na ulap na galing sa loob ng Sto. Niño at nakaiwas daw siya. Tapos nagpalakpakan ulit sila.

Tangina? Binasag? Minartilyo? Wala naman sa usapan yun ah. Akala ko naman itatabi niya lang. Buong akala ko naman itatambak lang sa bodega nila kasama ang ilang gamit na wala nang silbi para sa kanila. Nanlamig ang buong katawan ko. Yung notebook ko na sulatan ko ng mga notes kapag preaching hindi ko nasulatan kasi ang naiisip ko lang ay ano kaya ang magiging pakiramdam ni mama kapag nalaman niyang minartilyo ang kanyang Sto. Niño. Kasi kung ganun lang din naman, sana ako na lang nagtago. Sana hindi ko na kinuha sa bahay tapos hayaan ko na lang gaya ng sabi niya.

Lilipas ang ilang araw na hindi mapag-uusapan ang nawawalang Sto. Niño. Imposibleng hindi yun mapansin kasi yun na lang ang nag-iisang laman ng munti naming altar. Hinihintay ko ring tanungin ako ni mama pero hindi dumating ang pagkakataong yun. Pero dahil ako’y isang matuwid na kristyano at kinakain ako ng aking konsensya, ipinagtapat ko sa kanyang kinuha ko yun at binigay kay pastor. Hindi ko ata kayang sabihin sa kanya na minartilyo yung Sto. Niño. Alam mo kung anong sabi lang ni mama? Sabi niya, eh kung ganun talaga, wala naman akong magagawa.

Ito yung isang punto sa buhay ko na nanalo ako sa diskusyon kay mama pero pakiramdam ko natalo ako. Gusto kong mag-sorry pero hindi ko ginawa. Kasi nga ang nasa isip ko, tama lang ang ginawa ko. Para din naman sa amin yun. Para sa ikaluluwag ng buhay namin at pagliligtas sa kanya sa maling katuruan at ang pag-asang balang araw ay makakapagsimba kami ng magkasama. Kapag binabalikan ko ang alaalang yun, hindi ko maiwasang manghinayang at isiping baka nga nagpadalos-dalos ako sa ginawa ko.

Sabihin na nating masama ang diyos-diyosan, pero hindi ko man lang ginalang yung sariling pagmamay-ari ni mama. Hindi nga ako kumukupit ng pera sa kanya, pero iba ang kinuha ko sa kanya, yung simbolo ng pananampalataya niya. Ninakaw ko sa kanya yung tanging natitirang koneksyon niya sa mga tao sa kanyang nakaraan. Kasi simula noon, hindi na nagpunta si mama sa piyesta ng Sto. Ni؜ño. Hindi niya na nakita ang mga dating kaibigan at darating ang isang araw na mababalitaan na lang naming namatay na si Ate Dalen, ang naging nanay-nanayan ni mama sa lugar na yun. Doon lang ata siya ulit nakadalaw.

Sa tingin ko, habang tumatanda ka, doon mo pa lang talaga maiintindihan ang mga magulang mo. Buong buhay ni mama binigay niya sa amin, ultimo mga gawaing bahay hindi niya pinapagawa, basta mag-aral lang kaming mabuti. Kung tutuusin, pwede niyang gawin ang kahit anong gusto niyang gawin kasi siya ang may mas karapatang magsabi na minsan lang siya hihiling ng isang bagay, bakit hindi siya pagbigyan? Gaya na lamang ng sinabi niya sa aking pakialaman ko na ang lahat huwag lang ang Sto. Niño. Isa yun sa maraming utang ko sa kanya na hindi ko kayang bayaran sa lifetime na ito. Nanay ko ang No. 1 fan ko, sinuportahan niya ako sa lahat, kahit pa noong sinabi ko sa kanyang magpapastor ako. Pero nakakainis lang na hindi ko siya sinusuportahan sa maraming bagay, gaya na lamang ng simpleng hindi pangingialam sa mga gamit niya.

Matagal na akong hindi nagsisimba, nakikinig minsan ng mga preaching sa radyo at tv pero hindi pa rin ako naniniwala sa malas at swerte. Mas naniniwala ako sa sinabi sa bibliya, na ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na maganda sa sarili nitong panahon. May kanya-kanyang panahon ang lahat ng bagay gaya na lamang ng pagtatanim at pahanon ng anihan.

Kasi alam mo ba, yung nanay ko, born again na ngayon! Kapatid ko ang nagsama talaga sa kanya sa simbahan. Wala pala sa yan dami ng mga babasaging gamit mula sa nakaraan kung hindi ang dami ng relasyon at koneksyon na iyong bubuuin. Doon naman eksperto si Hesus di ba? Ang pagyakap sa atin kahit gaano karami ang mga lamat natin upang hindi tayo tuluyang mawasak.

Kahit na sa Naic, Cavite na nakatira si mama ay consistent ang attendance niya sa mga prayer meeting at worship service kahit pa sa Parañaque pa ang simbahan nila. Mas nauna pang matutong gumamit ng zoom at google meet sa akin si mama noong pandemic para lang matuloy ang prayer meeting nila ng mga nanay sa simbahan. Yun  nga lang baliktad na ngayon, ako na palagi ang niyayaya niyang sumama sa kanila. Linggo-linggo niya pinapaalalahanan na magsimba lalo na noong anniversary ng church nila. Syempre, ang lagi kong dahilan ay trabaho, kahit na totoo naman. Saka niya ako hihiritan ng, “ang ano mang bagay na inuuna mo sa Panginoon ay ang diyos-diyosan mo. Isang araw, sige ka, mawawala na lang yang laptop mo.”

Sabi niya nang may ngiting parang sa inosente at musmos na Santo Niño.   


SBA - Saranggola Blog Awards

Home - Cultural Center of the Philippines

Home - DMCI (dmcicorpsales.com)


Sunday, April 4, 2021

Bayan ng mga Palaka

May isang natatanging lugar noon na kung tawagin ay Palanyag, bayan ng mga palaka. Dito ay makikita mong palaka-lakad, patalon-talon ay palangoy-langoy ang maraming palaka. May dalawang uri ng palaka na naninirahan sa bayan na ito.

Nariyan ang mga palakantang palaka sa palayan. Kapatid na ng kanilang mga paa ang lupa at napakataas nilang tumalon! Ang bawat galaw nila sa pagsasaka ay may kasamang awit. Ano mang dumapong insekto sa kanilang tanim ay agad na SWWWWOPPP! Nilulundag nila sabay huli ng kanilang mahabang-habang dila!

Sa kabilang dako naman ng bayan ay ang mga palasayaw na palaka sa palaisdaan. Palaging yakap ng malamig na tubig ang kanilang katawan. Ang bawat pagsagwan nila ay tila isang mahinahon at misteryosong sayaw. Ano mang maliliit na isda na dadaan sa kanila ay agad na SHHLUURP! Nilulusong nila sabay huli ng kanilang mahabang-habang dila!

Pinaghaharian ang bayan ng isang palalong palaka sa palasyo. Bakit palalo? Dahil siya ang may pakana kung bakit magkahiwalay ang mga palaka sa palayan at mga palaka sa palaisdaan. Sa lahat ng palaka sa Palanyag, bayan ng mga palaka, tanging ang hari lamang ang kayang manirahan sa palayan at sa palaisdaan. Sinabi niyang isa itong kapangyarihan na para lamang sa isang hari.

Pinaniwala niya ang mga palaka sa palayan na hanggang sa lupa lang sila. “Malulunod kayo sa tubig. Hihilahin nito ang mga katawan niyo sa malalim na malalim na bahagi nito . Kokak!” Sabi ng palalong palaka sa palasyo.

“Kung hindi lang dahil sa akin, matagal nang pinaapaw ng mga palaka sa palaisdaan ang tubig para malunod kayo.” Ibibigay naman sa kanya ng mga taga-palayan ang malaking bahagi ng kanilang ani dahil ito raw ang hinihinging kapalit ng mga taga-palaisdaan.

 “Naku Kokak! Agad na matutuyo ang mga lalamunan niyo sa pag-apak sa palayan. Maninigas ang inyong mga paa pag-apak sa lupa at hindi na kayo makakalangoy pa!” Panakot naman ng palalong palaka sa palasyo sa mga taga-palaisdaan. “”Kung hindi lang dahil sa akin, matagal na nilang tinambakan ng lupa ang tubig para angkinin.” Ibibigay naman sa kanya ng mga taga-palaisdaan ang malaking bahagi ng kanilang huli dahil ito raw ang hinihinging kapalit ng mga taga-palayan.

Sa ganito nabuo ang galit at takot ng dalawang grupo ng mga palaka sa isa’t isa. Ang palalong hari ng mga palaka naman ay palangoy-langoy lamang sa palaisdaan kapag naiinitan. Makikita rin siyang palakad-lakad sa palayan kapag nais magpaaraw. Magkasamang hanga at inggit naman ang nararamdaman ng mga palaka. “Mabuti pa ang hari, malayang mamili kung saan niya nais mamalagi.”

Dumating ang araw na hindi inaasahan ng mga taga-Palanyag. Umuwing walang huli ang mga palaka sa palaisdaan dahil nagdamot ang tubig. Umuwing walang ani ang mga palaka sa palayan dahil na-peste ang kanilang mga pananim. Rinig na rinig sa buong  bayan ang kumakalam na tiyan ng mga palaka. Maliban na lamang sa palasyo ng palalong palaka. Kabaliktaran ng mesa ng hari ang mesa ng kanyang nasasakupan.

Sa panahon ng matinding sakuna, hindi makita ng kahit sino ang hari ng mga palaka. Hintay sila nang hintay na maglalakad ito sa palayan o lalangoy sa palaisdaan. Pero kahit mahinang kokak nito ay hindi nila masumpungan. Dito na napagpasyahan ng mga tumatayong pinuno ng dalawang grupo ng mga palaka na magkita. Mas nangibabaw sa kanila ang pangangailangan ng kanilang mga kasama kaysa sa takot na binigay sa kanila ng hari. Nagpalitan sila ng ano mang maaaring makatulong sa isa’t isa.

Isang araw, dahil sa matinding taggutom, nagpatawag ng pulong ang palalong palaka sa palasyo. May daungan ang palasyo kung saan naroon ang mga palaka sa palaisdaan at sa harap naman ay nakatayo doon ang mga palaka sa palayan.

“Kokak! Kokak! Pinatawag ko kayong lahat dahil panahon na upang ang hari naman ang inyong tulungan. Kokak.” Sumabog ang maraming kokak sa magkabilang panig.

“Palamunin ba natin ang hari? Hindi ba’t siya dapat ang tumutulong sa atin?” Ito ang pare-parehas nilang naisip.

 “Aba! Mga palaban na palaka!” sigaw ng hari. “Pinarusahan kayo ng langit dahil nilalabag niyo ang batas na hindi dapat magkita ang mga palaka sa palayan at sa palaisdaan. Nagbibigayan kayo ng hindi dumadaan sa hari! Ako lang ang may kapangyarihan sa lupa at sa tubig!” Nagulat ang mga palaka na alam pala ng hari ang ginagawa nilang pagtutulugan. Ngunit, sino pa ba ang aasahan nila kung hindi ang isa’t isa?

Pinatawan ng parusa ng palalong palaka sa palasyo ang tumatayong pinuno sa palayan.

“Halika dito at tumalon sa tubig!” Utos ng hari.

“Ito ang mangyayari sa lahat ng sumusuway sa hari!” Taas noong lumapit ang pinuno sa daungan. Hintakot ang lahat ng palaka saka ito tumalon. Nag-iyakan ang mga palaka habang tawa pa nang tawa ang palalong palaka sa palasyo.

WOOOOOSSSH! Umahon ang palaka na sisinghap-singhap sa tubig. Agad naman siyang tinulungan na makaahon ng pinuno ng palaisdaan. Nagulat ang lahat sa nakita nilang paglangoy ng palaka na parang isa siya sa mga taga-palaisdaan.

Saka pa lang naalala ng palalong palaka ang kasinungalingan na kanyang ginawa. Na ang mga palaka sa palayan ay para lang sa lupa at ang mga palaka sa palaisdaan ay para lang sa tubig. Dahil palagi niya itong sinasabi, pati siya ay napaniwala ng sarili niyang kasinungalingan. Kahit takot, paisa-isang nagtalunan ang mga palaka sa tubig at ang nasa tubig naman ay nagsiahon sa lupa.

Sabay-sabay ang kokak ng mga palaka! May pagdiriwang sa kanilang boses nang malaman nilang maaari silang mabuhay sa parehas na lugar. Hindi lang pala ito kapangyarihan ng iisang palaka kung hindi lahat ng palaka. Nang araw ding iyon, naibalik ang kapangyarihan sa bayan ng mga palaka. Ngayon, hindi na sila maghahati pa sa biyaya ng lupa at tubig dahil sa kanila lahat ito. Narinig ng langit ang kokakan ng mga palaka at bumuhos ang masaganang ulan kasabay ng pag-alis ng palalong palaka sa palasyo.

Simula noon, lagi nang umaawit ang mga palaka at sumasayaw tuwing bumubuhos ang ulan. Paalala ito sa lahat ng hindi pa nakakaalaam na ang mga palayan at palaisdaan ay para sa lahat ng palaka.




Tuesday, March 16, 2021

Ano ang Inaapakan Mo?

Noong bata pa ako, ang basehan ko kung nakaaangat sa buhay ang isang tao ay kung naka-tiles ang sahig nila. Ang ganda tingnan. Lakas maka-mayaman. Ang lamig pa sa paa. Higit sa lahat, malinis.

Kami kasi, sa lahat ng natirhan naming bahay, renolyum ang gamit namin. Pinabili ako ni mama sa hardware dati, sabi ko pabili nga po ng linoluem. Sabi niya, baka renolyum? Eh di sige. Renolyum. Mura yun eh. Hindi na kailangan ng magkakabit. Nabubutas nga lang sa katagalan. One time, nag-cutter ako sa sahig. Parang kinalaykay ni wolverine yung sahig namin pagkatapos.

Bangungot kapag pinasok kayo ng baha tapos naka-renolyum kayo. Kaylangan mong iangat yun kasi para malinis mo talaga kasi sumuot dun yung burak o putik. Kapag wala namang ulan at inangat mo, may kakaibang amoy na sisingaw doon.

Sabi sa akin ni Anshe dati, ang arte ko raw kasi hindi ako nag-pa-paa. Kahit kasi halimbawa magsasara lang ng gate nila o pupunta sa likod sa kusina, naka-tsinelas ako. Nasanay kasi akong naka-tsinelas sa loob ng bahay. Tumira kami sa singko noon sa CAA, lupa pa lang yung sahig. Nagpuputik pa bago yun napa-semento. Kapag lalabas ka, dapat naka-tsinelas kasi baka may bubog pa noon nakaraang may nagrambulan. O mga dura. O ebak. Hulaan mo na lang kung sa aso o sa tao.

Pag sa bahay ng kaibigan, nakakaupo sila sa sahig kasi nga naka-tiles. Malinis eh. Sa pinagturuan kong school dati, tiles ang sahig ng classroom. Ang hilig-hilig umupo sa sahig ng mga estudyante kong yun. Kapag break time, may mga natutulog na rin sa sahig. Doon din sila kumakain minsan, akala mo nasa picnic.

Ganun siguro yun ano, kung ano ang inaapakan mo, malamang, konektado yun sa kung anong kalagayan meron ka sa buhay. Ang mga katulad ko, lumaki sa sahig na sementado, o may renolyum. Kapag nakakaangat nga, naka-tiles ang sahig. Level up niyan kapag naka-carpet buong bahay niyo at hindi lang sa sala o maliit na carpet sa ilalim ng lamesita. Tatae ka lang sa CR, naka-red carpet ka di ba? Sosyal!

Mayaman din kapag naka-parquet. O kaya tabla! Pwede ka na magpalagay ng basketball ring sa sala. Hehe. Sarap magpatunog ng original na rubber shoes diyan. May napanood pa nga ako, may bermuda grass sa loob ng bahay nila. At ang mas mayayaman, nakakapag-paa kahit pa sa labas ng bahay nila kasi nga may garden sila syempre na may landscape artist na nag-desinyo.

Eh ano naman inaapakan ng mga sobrang yayaman at makapangyarihan? Iba-iba rin eh. Pwedeng karapatan ng iba. Pwedeng yung pagkatao ng mga nasa ibaba nila. Hindi naman sila marurumihan, kasi may mga inuutusan sila para apakan yung mga yun para sa kanila.

Anyways, kaya nang makakuha ako ng maliit na hulugang bahay, hulaan mo ano kung pinalagay? Eh di tiles sa sahig. Para kahit hindi pa ako nakakaangat sa buhay, at least, makakapag-paa na ako sa loob ng bahay.

Sunday, March 14, 2021

Itinaling Hiwaga: Gaano na Tayo Katagal Nakadungaw sa Bintana?

Itinaling Hiwaga: Gaano na Tayo Katagal Nakadungaw sa Bintana?:   Eksakto isang taon ngayong araw simula nang mag-lockdown dito sa atin. Ikinulong nila tayo sa kanya-kanyang bahay. Isinara natin ang mga ...

Monday, March 1, 2021

Kahit Ayaw mo sa Holding Hands

Kapag galit ka sa akin, hindi ka nagpapahawak sa kamay. Biglang ayaw mo ng holding hands kahit na sa kahit saan man tayo maglakad.

Palagi tayong magkahawak ng kamay: kapag tatawid ka sa kalsada, namimili ng kakainin sa fast food, habang nanonood, kapag magkatabi sa jeep, habang nakikinig sa kwento ng ibang tao, kapag magkatabi at walang sinasabi sa isa’t isa; madaling mahahanap ng kamay ko ang kamay mo at sila ang magkakamustahan.

Pero kapag galit ka, ayaw mong hawakan ko ang kamay mo. Nakakuyom sa galit. Ang kalmadong kamay ay nakapinid at mistulang bato na pwedeng ipampukpok sa akin. Pero alam kong hindi mo gagawin yun. Dahil tulad ng kamay mong nakasara, ang galit ay sinasarili mo lang. Hinding-hindi mo ilalahad ang mga palad mo para salubungin ang mga kamay ko dahil alam kong galit ang pinili mong hawakan. Na ako rin naman ang nagbigay sa iyo.

Kaya tinityempuhan ko ang kamay mo. Kapag nakita kong nakabukas ito, saka ko susubukang humawak. Alam ko ito. Hindi mo kayang humawak ng galit nang matagal. Susubukan kong humawak kahit na alam kong agad din ito magsasara. Sasadyain kong idampi ang kamay mo sa kamay ko habang naglalakad tayo. Hindi mo mapapansin sa una ang ginagawa ko. Tapos mahahalata mo na rin at itatago ang kamay mo sa likod. Hindi naman porke't hindi tayo magkahawak ng kamay ay hindi na rin sabay ang hakbang ng ating mga paa.

Kapag hahawak ulit ako, hindi palad ang dadampi sa kamay ko kundi ang iyong kamao. Pero hindi lang naman kamay mo ang pwede kong hawakan. Itataas ko ang hawak sa iyong pulso kung saan mararamdaman ko pa rin ang pintig na nagmumula sa puso mo. Ipapagpag mo ang kamay ko. Saka hahawak naman ako sa braso mo.

Dahil hindi lang naman kamay mo ang pwede kong hawakan para malaman mong kahit anong mangyari, hindi kita bibitawan.

Friday, February 26, 2021

Nakakapagod din pala maging ako (pasintabi sa Esremborak)

Nakakasawa kapag nagkakamali ka. Pakiramdam ko, bahagi na yun ng sarili ko na hindi matanggal-tanggal. Parang sumpa o imbisibol na balat sa puwet. Mas nag-iingat ako. Mas prone to mistakes. Nakakaiyak din talaga. Kaso wala naman akong magawa. Hindi ko naman ginusto. Pero sobrang gasgsas na sa akin yung linyang hindi ko naman sinasadya kahit na totoo, oo naman, bakit ko sasadyain magkamali?

Mula sa pinakamalaking pagkakamali hanggang sa pinakamaliliit. Pero alam mo, alam ko naman na talaga yun. That I am bound to make a mistake. Kasi kahit dati pa naman, alam kong failure na ako. Swerte ko nga na may mga natyatyaga sa akin at nagtitiwala pa rin. Pero sila rin yung mga taong binigo ko. Higit sa lahat, paulit-ulit kong binibigo ang sarili ko.

Ang iniisip ko na nga lang talaga sa araw-araw bago matulog, sana wala akong gawing mali bukas. Kapag wala, shet, sobrang saya ko. Accomplishment yun. Kapag meron, naiinis ako kasi bakit napalamapas ko yun.

Halimbawa, noong college ako, sanay na sanay na akong makatanggap ng singko o ng INC. One time, nakatanggap ako ng malinis na summary of grades. Nagtaka talaga ako. Parang may mali. Di ba dapat may nagawa na naman akong mali?

Kapag enrollment namin sa college, imposibleng wala akong makakalimutang dalhin. Regi card, ID. Parang tanga lang talaga. Tapos uuwi na naman ako. Papagurin ko ang sarili ko.

Sa lahat ng pinasukan kong school, may record ako na pinatawag ako sa office. Maling computation sa grades, late sa submissions, nawawalang documents at kung ano-ano pa. Ironic. Ako kasi yung tao na ayokong napapansin sa work place. Low profile lang ako eh. Pero dahil sa mga pagkakamaling yan, malaki man o maliit. Napapansin talaga ako.

Sino bang guston nagkakamali? There must be a pattern. Alam mo yun. Kapag nagiging confident ako na maayos ang takbo ng lahat, doon humihina yung pag-check ko sa mga maaari kong mamali. Ayun. Oo nga. Kapag nagiging kumportable ako masyado. Doon ako mas nagkakamali talaga. Kasi kapag binusisi ko talaga ang isang bagay o gawain. Okay naman eh.

Lagi akong back to square one mga kaibigan. Yung iba nakausad na rin. Samantalang ako, one step forward, ten steps backward. Tanginang yan. Hindi na tuloy ako maniwala sa mga quote o kuwento na kanya-kanyang panahon lang yan sa buhay. Na hindi naman karera ang buhay. Pero putangina, kahit na hindi karera ito, gusto ko namang sumabay kahit papaano.

In short, ayoko nang magkamali nang paulit-ulit. Please lang. May gamot sa pagiging tanga?

Naalala ko tuloy yung eksena bago ako gumraduate. Nasa tren ako nun. Magdidilim na. Hinahabol ko ang opisina ng PUP Taguig. Galing pa akong PUP Sta. Mesa. Hindi kasi ako makakasabay sa Octoberian dahil sa isang summer grade ko. Pinagpipilitan kasi ng mga tao sa registrar na ang nakalagay daw sa grade ko sa Sosyolohiya, Lipunan at Pagpapamilya ay 2.15. Sabi ko, 2.75 po yan. Eh kung seven daw bakit tuwid? Sabi ko, wala naman pong grade na 2.15 di ba? So malamang, 2.75 yan. Puta ayaw maniwala. Hindi kumbinsido. Bumalik daw ako sa prof ko sa main. Papirmahan at ipa-korek yung grade.

Tangina may magagawa ba ako? Umabsent ako sa trabaho ko nun. Tutor sa korean students. Malaman-laman kong wala daw yung prof ko. Nagbakasyon daw. Sabi ko, kailangan ko talaga siya para maihabol ko yung grades ko kasi nga deadline na kasi ang tagal ko nang sinubmit yun sa office, ngayon lang sinabi sa akin. Kung kailan deadline na di ba?

Dinaan ko naman sila sa diplomasya at maayos na pakikipag-usap, sa madaling salita, nagpaawa ako. Hehe. Kesyo, ako lang ang inaasahan sa bahay. Na request ng nanay kong makita man lang akong gumraduate. Mga ganun.

So hinarap nila ako sa vice president for academics affairs. Nakalimutan ko na kung anong pangalan niya kasi hindi naman talaga ako taga-Sta. Mesa. Tinanong niya kung ano ba ang problema ko. Kinuwento ko. Pinakita ko yung grade ko na 2.75 pero 2.15 daw sabi sa registrar. Hinarap niya ako , mata sa mata saka tinanong.

“Ganito na lang. May natutuhan ka ba sa klase niya?”

“Yes mam.” Sagot ko. Pero hindi ko rin sure. Hehe.

“Ma-a-apply mo yan sa buhay mo?”

“Sana po.”

Tapos kinuha niya yung papel ko.

“Kahit ano namang grade ilagay ng teacher mo dito kung may natutuhan ka sa klase niya kahit kaunti lang, ikaw pa rin ang nakalamang. Anong gusto mong grade? Palitan ko ito ng uno?”

Sabi ko, “Hindi po mam, yung tama lang sana.”

Pinirmahan niya yung certification saka binalik sa akin yung papel.

“Babalik ka pa sa Taguig niyan? Pasensya ka na. Isang guhit lang sa number yung mali, muntik ka pa di gumraduate.” Sabi niya bago ako lumabas.

Sa tren pabalik, paulit-ulit kong sinisisi ang sarili ko kung bakit ako nahihirapan ngayon. Kung bakit hindi ko inayos kaya nag-summer pa ako. At kahit na naghahabol ako sa oras, hindi naman kami parehas ng schedule ng takbo ng tren. Hindi ko yun mapapabilis ayon sa gusto ko.

Kailan kaya ako makakababa sa tren na yun?

 

Saturday, February 20, 2021

Bigat ng Barya sa Blusa


Kinaadikan ko talaga ang play station noong nasa elementary ako. Pati na piso-3-minutes na mga "bidyu" games. Bago pa ako mag-aral, yung kapitbahay naming mayaman at tanging kalaro namin ng kuya ko sa street namin ang nag-introduce sa akin sa game boy. Pinapahiram niya ako pag na-de-dead siya sa Super Mario at Zelda. Pero nung nagka-family computer na siya sabay na kami naglalaro. Solong anak kasi siya tapos ang laki-laki ng bahay nila. Ang kuya ko, hindi mahilig sa mga video games. Mas gusto niyang maglaro sa labas. Sa mga bata na taga-ilalim ng tulay sa loob ng village namin. Iskwater ang tawag sa kanila ng mga home owners. O kaya mas gusto niyang sumama sa biyahe ni papa sa jeep.
Ako? Mas gusto kong magbabad sa de-aircon na kuwarto ng kapitbahay namin kahit na minsan audience lang ako sa mga laro niya. One player lang kasi sa mga adventure at role playing games lalo nang nagka-SEGA Genesis siya. Nadadamay pa ako sa sosyal na meryenda at tanghalian kung minsan na nakakahiya daw sabi ni mama.


Naalala ko pa, inutusan akong bumili ni mama sa Uniwide sa Parañaque na wala na ngayon. Eh may tirang sukli, iniwan ko ang bike ko sa labas ng arcade. Sabi ko isang laro lang. King of Fighters. Paglabas ko, para akong sinuper ni Bogart sa dibdib. Nawawala ang bike. K. O. ako kay mama pag-uwi. Sermong umaatikabo na may kasamang palo.


Grade 5 ako, kasagsagan talaga ng PS1 nun. Nagbabad ako sa mga rentahan ng PS. Nagtitipid ako sa baon ko. Hindi ako nag-ta-traysikel pauwi. Nagpapabayad ako pag maghuhugas ng pinggan. Piso bawat puting buhok ni mama. At ilang mga kupit sa kahon ng barya ni papa. Sobrang humaling ko, yung natitira kong tatlong piso pauwi sa jeep at dos sa traysikel, pinang-eextend ko pa. Tapos hihintayin ko na lang dumaan ang jeep ni papa at sasabay pauwi.


Isang beses na ginawa ko yun, na hindi ako nagtira ng pamasahe pang-uwi, ang lakas-lakas ng ulan paglabas ko ng kompyuteran. Ang tagal din dumating ni papa. Kaya nagpasya akong maglakad. Mula La Huerta hanggang Greenheights Villlage. Nagawa ko na dati. Mga higit trenta minutos na lakaran. Pero dahil nga malakas ang ulan, at dahil siguro rin sa lamig. Hindi na ako nakatiis at ginawa ang pinagbabawal na teknik. Ang 1-2-3.


Sa dulo ako ng jeep umupo. Panay ang iwas ko sa tingin ng drayber. Kabado dahil perstaym. Bahala na. Biglaan, sa gilid ng mata ko, automatic na nag-rehistro ang jeep na minamaneho ni papa. Viva Sto. Niño ang pangalan. Mabilis akong bumaba nang huminto saglit at tinakbo ko ang jeep ni papa. Umupo agad ako sa likod niya. Dinahilan ko na lang na nag-praktis kami kay hinapon ng uwi at nag-meryenda ako kaya wala na akong pamasahe.


"Pre! Yang batang yan, hindi nagbayad."
Parang pinasok ng kulog ang tenga ko. Parang inabot ako ng kidlat. Nag-init ang buong mukha ko at nakayuko lang ako. Bahagya kong nakita sa salamin na dumukot si papa ng barya sa kahon niya at inabot sa kapwa niya drayber.


"Sagot ko na 'to pare. Pasensya na. " sabi ni papa.


Tila nag-isip saglit ang drayber saka nagsalita. "Ay. Anak mo ba yan? Wag na. Wag na." Saka siya bumaling sa akin "Utoy. Pwede ka namang magsabi na lang eh. Okay na pre."


Saka sila sabay na umabante na parang walang nangyari samantalang ako, naiwan lang ako sa kahihiyan at pagpapanggap ko. Sa sarili kong paraan ng pagtakas sa kahirapan. Walang sinabi sa akin si papa. O kahit masamang tingin man lang. Kumain pa kami sa bulalohan bago niya ako ibaba sa amin saka bumiyahe ulit.


Kinabukasan, dinagdagan ni papa ang baon ko ng sampung piso. Hindi ako nagtanong kung bakit. Pero nung araw na yun, buong araw kong tinimbang-timbang sa kamay ko ang bigat ng mga barya sa bulsa ko.

Sunday, February 14, 2021

Taga-record lang ba talaga ng grades ang mga teacher?

"Taga-record lang kami ng grades niyo."

Kasama sa function ng teacher pero hindi naman ito lang ang trabaho niya. Ang guro rin kasi ang lilikha ng pagkukuhaan ng grades base sa kakayahan ng kanyang mga estudyante. Take note, base sa kakayahan ng mga estudyante, hindi sa kakayahan ng guro. Mali naman atang gawing standard niya mismo ang magiging pamantayan para sukatin ang mga mag-aaral dahil unang-una, guro ka, sila mga estudyante. O di ba ang layo agad ng agwat?

Sa klase ko, imposibleng bumagsak ka kung pumapasok ka. Kasi hangga't nandyan ka, magagawan ng paraan kung saan kukuhain ang grades mo. Laging may activity para sa'yo o madadamay ka sa grades sa group work. Hindi naman iisa lang ang activity sa klase. Maraming pwedeng ipagawa. At trabaho ng guro na hanapin kung saan niya pwedeng puntusan ang bata.

Ikaw ang pinakaunang nag-post ng pinapasulat ko kahit na walang nakaisip na magpapasa ka? Very good. Group work niyo sa klase, nakita kitang nakikinig nang maigi sa ka-grupo kahit na minimal ang ambag pero hindi nagpasaway, noted sa akin yan. Hindi mo kasundo ang mga kasama mo sa activity, maldita ka pero you pulled it through nang hindi nag-attitude? Tatandaan ko yan. Hindi nag-eexcel sa written at recitation ang iba pero napapansin kong ang daming mahilig mag-drawing sa klase? Sige. Hanapan natin ng performance task yan. Gawan natin ng activity na sa'yo nakasalalay ang tagumpay ng grupo kasi ikaw lang marunong mag-drawing sa kanila. Tatawagin kita para magbasa ng slide. Hihingan kita ng paborito mong pelikula o pagkain para gawing halimbawa, kahit ano basta makapag-ambag ka sa talakayan.

Basta pumasok ka, may activity para sa'yo. Sa ilang taon ko ng pagtuturo, hindi ko na masyadong ginagamit ang "taga-record lang ako ng grades niyo" kasi parang tinatanggal ko ang responsibilidad ko sa mga estudyante to create opportunities for them to learn and to excel at their own pace and space. Paano ko natutuhan? Nagsisimula ang lahat sa pagtanggap na bilang guro may mga kamalian ako. Maraming kakulangan. Matagal ko bago tinanggap yun. Maraming-maraming kapalpakan muna ang dumaan. Most of the learning styles at activities nakuha ko sa girlfriend kong teacher din. Kapag nagkukuwentuhan kami, may mga comments siya sa akin. Kung paiiralin ang pride, wala kang matututuhan. Learn at unlearn talaga ang kailangan. Importante talaga ang pakikinig sa ibang tao at pagiging bukas sa pagbabago. Ako pa naman yung teacher na nahihiya kapag alam kong may mali akong ginawa. Iniisip ko kung tama ba mga pinagsasasabi ko. Naiinis ako kapag nakaisip ako ng mas magandang gagawin pagkatapos ng isang activity sa klase.

Mas inaayos at mas ginagalingan ko na lang ang ginagawa ko bilang guro bilang utang sa mga estudyante ko noon na alam kong may pagkukulang ako. Nanghihinayang ako sa mga bagay na hindi ko pa alam noon at hindi ko naibahagi sa kanila. Kaya sa mga estudyante ko na lang ngayon ako bumabawi. Hanggang ngayon marami pa rin akong gustong itama. Alam ko mga pagkakamali ko at nahihiya pa rin ako sa mga yun. Yung mga tingin nilang perfect sila at deserve sa matataas na ratings as teacher, sila rin yung hindi naman deserving maging teacher.

Tandaan ng mga guro, yung grades na ni-record niyo ay bunga ng controlled environment na ikaw ang lumikha. Binigyan ka nila ng grades, saan galing yung grades? Eh di sa pinagawa mo rin. Ang tanong, ano ba yung quality ng pinagawa mo? Kasi kung taga-record lang ng grades ang tingin mo sa sarili mo, hindi ka teacher. Microsoft Excel ka.



Thursday, February 11, 2021

Gusto lang naming tumakbo, pero nabili na nila ang mga espasyo

Bigla na lang nagyayang tumakbo tuwing umaga si Anshe. Niyaya niya rin yung mga kapatid niya. Dati binibiro ko siya, kapag umaabot kami ng ala-sais ng umaga at gising pa kami. “Tara jogging na tayo.” At matatawa lang kami kasi alam naming hindi namin gagawin yun.

Although nag-wo-workout naman talaga si Anshe regularly. Ako, mga limang beses lang tapos tumigil na. Hehe. Hindi ko makita yung point sa pag-wo-workout na mismong yun lang ang gagawin eh. Dati kasi naglalaro talaga ako ng basketball. Alam mo yung naglalaro ako pero at the same time may purpose naman akong na-a-achieve at secondary na lang yung papawis. Which is hindi ko naman talaga iniisip kasi gusto ko lang maglaro.

Pero nung niyaya niya akong mag-jogging. Aba! Gusto ko yan! Mahilig din talaga ako sa walk trip eh. Natatawa nga sa akin mga tropa ko kasi pag papunta sa kanila hindi ako nag-ta-traysikel. Lakad lang. Paano, hindi ko alam street at number ng bahay nila kasi nga nasanay ako sa paglalakad. Bihirang-bihira lang naman akong sumasakay ng trike at sidecar liban na lang kung talagang kailangang-kailangan.

Tsaka mas nakakapag-isip ako kapag naglalakad eh. Yun nga, umalis kami ng 530 ng madaling araw. Lakad, takbo ginawa namin. Dito kami malapit sa Paliparan. Bago umabot doon, may mahabang stretch ng bakanteng lupa at kalsadang hindi masyadong dinadaanan kasi maraming dumadaan sa kabila.

Sabi nila sa akin, doon daw sila nag-jo-jogging kahit noong bata pa sila. Sa lugar na yun din nanghuhuli ng gagamba tatay tsaka mga tito nila. Puro talahiban at puno. Ngayon, malawak na kapatagan na lang na may mangilan-ngilang nakatayong ulilalng puno na may nakapakong private property. May mga truck din at heavy machineries na naglatag ng kalsada na magkokonekta daw ng Palipara sa Imus. At syempre, may nakatayong malaking All Home doon. Hindi ka totoong Pilipino kung hindi mo kilala ang pamilya na nagmamay-ari niyan kasama na ang Camella Subdivision.

Pagdating sa Paliparan, lakad-lakad lang kami doon dahil yun ang pinakaabalang lugar sa bahaging ito ng Dasma. May palengke, fast food chains at terminal ng mga sasakyan. Ito ang sailing point papunta sa Maynila, Alabang o iba pang bahagi ng Cavite.

Mga ilang lakad pa, isang mahabang stretch ulit ng kalsada. Yung gilid niya bakante. Sa hula ko, dating palayan. Mini-rice terraces pa nga. Ngayon puro damo na lang at ang nag-iisang baka at maraming-maraming basura. Ang ganda pa naman ng pagka-green ng lugar sa tabi ng semantadong kalsada. Hindi ba nakikita ito ng mga tauhan ng munisipyo? Ang ganda ng mga tanim tapos may bunga ng pinapaputok sa taeng diaper, balat ng chichirya at mga bote ng toyo, suka at patis? Hindi ba ito nadadaanan ni governor? O ni Mayor? Halatang hindi sila napapadaan sa lugar ng mga ordinaryong mamamayan.

Nakarating kami sa pakay namin, ang Island Park. Hindi ako pamilyar kung village ba ito o subdivision. Maganda mag-jogging sa loob nito kasi talagang nature trip men. May mga bahay syempre pero parang un-touched ang beauty of nature dito. Dito kami dumadaan kapag naka-sasakyan kasi shortcut ito na ang labas ay malapit na sa SM Dasma.

Paglapit namin sa gate, tinanong kami ng guard kung saan kami papunta, kako mag-jogging lang sa loob. Sabi ni kuya guard wala na daw kasing pinapayagan dito, puro taga-residente na lang. Pero! Pwede niya daw kami payagan. Hehe. Quiet na lang daw. So ayun nga. Tuloy ang ligaya at pagdurusa ng aking mga namimitig nang binti dahil ngayon lang nakapaglakad talaga nang mahaba-mahaba ulit.

Nakaka-mesmerize sa loob. Ngayon na lang ulit ako nakakita ng hamog! Nang marating namin ang dulo, umikot kami pabalik. Mga isang oras ding lakaran. Nakita ulit si kuya guard at nagpasalamat.

Kinbabukasan, doon ulit ang target namin. Mas maaga kaming umalis kasi mainit na nung pabalik na kami. Pagdating namin sa Island, iba ang guard. Hindi kami pinayagan. Sabi ko naman, kahapon ayos lang. Sabi ng payat na Arnold Swashanegro na naka-shades at flat top ang gupit. Iba daw siya. Wag pagkumparahin. Kaya daw sila napapagalitan dahil sa guard na  pinayagan kaming pumasok.

Atras kami, dumiretso na lang kami at ingat na ingat sa paggilid sa kalsada at baka mahagip ng mga paparating na sasakyan. Hindi syempre sariwa ang hangin dahil maalikabok at puro pa bahay at establishments. Maliit na lang ang kalsada. Alangan namang kalsada ang mag-adjust sa tao?

May mga pagkakataon ding nilalamon ng road widening ang side walks kaya pagilid na lang kami ng paligid. Hindi na kami tumatakbo, umiiwas na lang kami para hindi maaksindente.

Ang sarap maging mayaman. May sariling espasyo para tumakbo. Yun ang nagagawa ng pera. Nabili nila pati ang kalikasan. Ang sariwang hangin. Ang huni ng mga ibon. Ang kaligtasan. Peace of mind. At higit sa lahat, espasyo. Ito para sa akin ang pinakamatinding kayang blihin ng pera. At ang gobyeno naman natin, walang pag-aalinlangang tutulungan ang mga mayayaman para mas lumawak ang espasyo na mayroon na sila.

Sa totoo lang, wala naman talaga dapat nagmamay-ari ng ganun kalaking lupa. Aanhin ba yun ng kakaunting tao na nasa loob ng village? Heto kami, kasama ang ilan pang ordinaryong mamamayan. Ang iba papunta sa trabaho o sa palengke at may mga katulad namin na gusto lang maglakad-lakad at lumanghap sana ng hangin na hindi galing sa tambutso. Lahat kami, dadaan na lang sa mas mahabang daan dahil yung shortcut, nabili na ng mayayaman.

Sasabihin  nila, binili naman nila yun. Lugar naman nila yun. Kaya nga bawal tayo doon at sa iba pang mga exclusive villages. Aalog-alog sila sa malalawak na subdivision at magkakasya na lang tayo sa kung anong espasyong matitira sa atin. Eh sa may pambili sila, anong magagawa natin? Naisip ko tuloy, sa mga ganitong pagkakataon, parang mas ayos pa yung ninakaw kaysa binili.

Walang masama sa nakaw na sandali. Nakaw na pagtingin. Kahit ang nakaw na paghalik, tunog naughty lang. Pero palitan mo ng nakaw ang mga yan, mag-iiba ang kahulugan. Nagawa mo kasi binili mo. Na lahat ng bagay may katumbas na presyo. Binili nila yung lupa. Pero kanino naman kaya? Sino ba nagmamay-ari ng lupa? Kailangan kaya nila maiisip na ibalik ang mga yun sa mga tao. Sa mas nakararaming tao. May mas okay pala sa nakaw sa ganitong usapan. Pagbawi. Paano kaya natin babawiin ang lahat ng ito sa kanila?

Gusto lang naman naming tumakbo, sa kapirasong lupa na inaapakan naman nating lahat.

Sabi nga sa kanta ni Joey Ayala, karaniwang tao saan ka tatakbo?



Tuesday, February 9, 2021

Bahay na Pinagtibay

*Assignment ko rin ito kay Bob Ong. Ito yung pinaka-final output. Ito muna bago ako magsulat ulit ng bago. Hehe.*


Nung una kaming lumipat sa Ulingan, sabi ko sa sarili ko, hindi naman bahay ‘to eh. Silungan lang ‘to. Malayong-malayo sa dating bahay namin sa village na kahit hindi naman ganoon kalakihan, alam kong hindi hamak na sampung beses na matino kaysa dito. Bato ang bahay namin doon. Gawa sa semento at hollow blocks. Maliit. Pero sapat para sa amin. Kaya nga lang nagkaroon ng problema sa mga kamag-anak. At ang nanay ko ang tipo ng taong ayaw magkaroon ng utang na loob sa iba at ayaw nang nadadamay sa away. Lalo na sa away ng mga kamag-anak na isang beses ay bigla na lamang sumulpot sa buhay namin. Nakiusap kung pwede muna silang makitira doon hanggang sa sabihin na nilang sila ang may mas karapatan na tumira sa bahay na yun.

Nakabili sila ng lupa sa murang-murang halaga lang. Limang libong piso. Kapirasong lupa sa isang depressed area sa CAA, Las Pinas. Naging isa kami sa libo-libong mamamayan ng Pilipinas na kung tawagin ay iskwater.

Gawa sa yero ang bahay namin na sinusuportahan ng dos por dos ang mga haligi. Parang lata ng sardinas. Mainit sa umaga, nagbabaga naman sa tanghali. Para kang nasa loob ng oven dahil sa nakapapasong yero. Kung masarap ang tulog ng iba kapag malakas ang ulan, sa amin nama’y hirap makatulog dahil parang may nagbubuhos ng mga turnilyo at graba sa bubong dahil nga walang kisame. At ang mga butas sa bubong na parami nang parami. Mas marami pa sa maaari naming pangsalo sa mga patak.

Unang beses na bumagyo sa bago naming tirahan. Takot na takot ako na baka magising na lang akong walang bubong sa aming ulunan. Kaso mali ako, nagising akong nababasa ang aking paa dahil pinasok ng rumaragasang baha ang bahay namin. At naroon kaming magkakapatid, nakahiga sa kawayang papag na bahagya lamang nakaangat sa tubig. Para kaming nasa ibabaw ng balsa sa tsokolateng ilog at ang tanging dahilan kung bakit hindi tuluyang naaabot ng tubig ang aming papag ay dahil sa walang tigil na pag-aawas nila mama at papa ng tubig-baha palabas sa pintuan.

“O, matulog ka lang.” Sabi ni mama nang nakita akong nakaupo. Humiga ako ulit at tahimik silang pinanood. Mali ako. Hindi ito basta silungan lang. Isa rin itong tahanan.

Lahat ng pag-aalala na mayroon ako nang gabing iyon, nawala. Alam na alam ko kasi na kahit anong malakas na bagyo pa ang dumating, basta nandyan ang mga magulang ko, alam kong hindi nila kami pababayaan.

Unti-unti ko ring tiningnan hindi bilang basura kundi bahagi ng bahay namin, ang mga tagpi-tagping lata ng mantika, yero at mga plywood na pinag-ipunang bilhin ng aking mga magulang. Sako ang pangtakip para sa mga bahaging hindi na inabot ng perang pambili. Kesa masilip ng aming kapitbahay na noodles na naman ang ulam namin, mabuti pang takpan. Kahit ang totoo niyan, halos pare-parehas lang naman kaming magkakapitbahay ng mga ulam sa araw-araw.

Pero ngayong umaga, walang mainit na noodles sa lamesa. Walang makalabas ng bahay dahil sa malakas na bagyong binabayo ang Maynila. Bagyong Milenyo na naibalita na ng ilang beses. Ilang beses din naman na nagbigay ng babala tungkol sa lakas nito. Na dapat maghanda. Pero sa isang pamilya gaya namin na isang kahig, isang tuka. Kung walang biyahe si papa, wala rin kaming kakainin. Yung panic buying, pang may pera lang talaga yun. Sa amin, panic lang ang meron. Wala yung buying.

Buti na lang at natambakan na ang sahig kaya tumaas ito ng kaunti bago sinementuhan kaya hindi na kami pinapasok ng tubig. Hindi na kami binabaha kahit gaano pa kalakas ang mga nagdaang bagyo. Dagdag pa diyan ay ang paglalagay ng taas ng bahay. Gawa pa rin sa yero. Higaan lang talaga namin yun sa taas. Walang kuwarto. Walang division. Tabi-tabi pa rin kami matulog kahit hanggang mag-college na ako. Nakahiwalay nga lang ako ng kutson. Doon ako naka-puwesto malapit sa bintana na tinutukuran ko ng kawayan kapag bubuksan.

Noong bata ako, ang tingin ko sa bahay kapag may second floor, mayaman. Ganun kasi ang mga kapitbahay namin sa village noon. Pangarap ko yun. Tatambay ako sa terrace lalo pag gabi. Ngayon, mga bubong na may gulong at hollow blocks ang nakikita ko kapag titingin ako sa bintana. Ibig sabihin nun ay kinulang sila sa pambili ng pako. Libre pa rin naman maningala sa mga bitwin, nakaharang nga lang sa view ang mga sala-salabat na jumper na linya ng kuryente. Isa kami sa mga naka-jumper.

Akala ko mapipigtal ang mga kable ng kuryente. Mukhang bibigay na ang gawa-gawang poste ng mga taga-Ulingan dahil sa bigat ng mga kable at sa lakas ng hangin. At napatunayan kong hindi sapat ang bigat ng hollow blocks at ilang gulong para hindi kumalas ang mga bubong ng mga kapit-bahay namin sa lakas ng hangin ng bagyong Milenyo.

Abala si papa na hawakan ang haligi ng aming bahay. Yun ang pinakamatibay na bahagi ng bahay namin. Hindi buhos ang haligi namin na gawa sa mga bakal at semento. Sa puntong ito, nagsilbi talagang literal na haligi ng bahay si papa.

Ako at si kuya naman ay nasa taas ng aming bahay. Nangungunyapit kaming dalawa na hawakan ang mga kahoy na kinakapitan ng mga yero. Rinig na rinig ko ang paghigop at paglusob ng hangin sa amin. Sa isip ko, ganito tumawa ang demonyo. Para kaming pinaglalaruan. Parang gusto niya kaming hubaran at ibuyangyang ang estado ng pamilya na parang hindi pa namin alam kung ano kami dito. Gusto kong maiyak at maawa sa sarili ko at sa amin. Heto kami, yakap-yakap ang bahay namin para hindi tangayin. Sa isip ko, kinakausap ko siya. Kaya mo yan! Huwag kang bibitaw! Huwag mo kaming iiwan!

Yung bahay namin dati, kahit maliit, gawa naman sa bato at may matibay na bubong. Kapag may bagyo at walang pasok, nagluluto si mama ng champorado o kaya arroz caldo. Gutom na gutom na rin ako. Hindi kami nakapag-almusal dahil sa bagyong ito dahil baka isang saglit lang na bumitaw ako, kasama akong tatangayin ng hangin. Nagdadasal na rin ako. Mataimtim. Ito lang naman talaga ang pinagdarasal ko, ayaw kong mabalita kami sa tv na isa mga nawasakan ng bahay. Ayokong lumabas sa tv at makita ng mga kakilala na mukhang basang sisiw habang naghahanap ng mga gamit sa sira-sirang bahay.

Ganito pala ang kapalaran ng mga maralitang walaang maayos na bahay. ‘Di ba dapat bahay ang nag-iingat sa mga nakatira sa kanya? Sa amin kasi baliktad. Kaming mga nakatira ang nag-iingat sa mahihina naming bahay.

Sa labas naman nagliliparan na ang mga yero. Hinahati ang ulan at hangin. Hahatiin ang ulong haharang. Basag ang salamin ng traysikel ni kuya Jude nang tamaan ng yero. Nakadungaw pa rin ako sa bintana hapang nakakapit sa mga kahoy. Kung bibitaw ako, mahuhubaran ang bahay. Mababasa ang aming tulugan. Tatambad sa kapitbahay ang aming mga damit na walang tukador na mapagtataguan. Nakasalansan lamang sa plastik ng SM sa isang sulok ng aming kwarto.

Mababasa ang aming lamesang di tupi na mas matanda pa sa akin gaya ng laging kwento ni mama. Ang mga bilog na mantsa ng kapeng malabnaw sa lamesang hindi pa napupunasan. Ang sunog sa lamesa nung nakalimutan kong lagyan ng basahan bago ipatong ang kalderong may bagong saing na kanin.

Mababasa ang aming kalan-de-uling na biyak na ang gilid dahil sa labis na paggamit at init. Walang malulutuan pagkatapos ng ulan. Mababasa ang tig-sampung pisong uling na binili mula sa baryang hinagilap pa sa ilalim ng kama ni mama, sa sapatusan, sa likod ng pintuan namin hindi nakakabit sa pader.

Nakanganga ang aming lumang stove, umaaasang magamit muli. Halos ilang taon na nung huling nakatikim ng gas. Mahal na ang isang tangke ng gas.

Nabili lamang ni papa ang pinto namin sa isang junk shop. Binubuhat namin ito at pang-takip lamang sa aming walang harang na pinto. Parang malaking batong ginugulong sa kweba ni Kristo.

“Mapalad ang mga mahihirap, mamanahin nila ang lupa ng Diyos.” Ngunit ang lupa ng Diyos ay sa langit, at dito sa ulingan, puro usok. Puro uling, walang lupa. Walang bahay na matibay. Ang lahat ay pawang lasing na bahay, pasuray-suray sa bawat bugso ng hangin.

Kitang-kita ko kung paanong tuluyang isinuka ng ilang bahay ang mga gamit na nasa loob nila. Kung paanong dinaig ng sabay-sabay na sigaw at iyak ang halakhak ng hangin ng warakin nito ang bubong ng mga bahay. Basang-basa na rin kami ni kuya dahil sa natuklap na bahagi ng bubong. Hindi ko alam kung umiiyak siya o kung basa lang talaga ang mukha niya. Sa ibaba, tig-isang haligi na ang kinakapitan nila mama at papa.

At sa tingin kong walang katapusang eksena na ito sa buhay namin, dahan-dahang humina ang hangin. Dahan-dahan din kaming kumalas sa pagkakadikit namin sa yero. Sinusubok kung kaya nang bitawan. Bumaba kami ni kuya. Nakapagpalit na ng damit sila mama at papa. Sumunod na rin kami. Iginala ko ang paningin ko sa loob ng bahay, may mga nilipad palang sako at plywood sa ibaba. Sa labas naman, nagkalat ang mga dahon at sari-saring basura na isinaboy ng langit. Pero gaya ng kahit anong nagdaang bagyo, parang mas maaliwalas ang paligid. 

Tiningnan ko ang tagpi-tagpi naming barung-barong. Napangiti ako. May tarpaulin ni Mayor Aguilar sa itaas malapit sa kuwarto ko na kumalas, isang bahagi na lang ang nakakabit. Hinahangin-hangin. Kumakaway sa akin.



Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...