Bakasyon ng taong
2011, naging kidnapper ako.
Tulak lang din ng
pangangailangan kaya ko nagawa. Gabi nang sinimulan ko ang operasyon, ilang
araw ko ring pinalano at nang matiyak na tulog na ang lahat ng kasama sa bahay,
lalo si mama, saka ko inaksyunan ang maitim kong balak.
Madali lang makuha
ang target sa totoo lang, pinraktis ko rin ng ilang beses at pamilyar din siya
sa akin, ganun din ako sa kanya kaya established na ang tiwala. Wala pang isang
minuto, secured ko na agad ang package at mabilis na dinala sa mastermind at
ang nag-utos sa akin. Hindi ako takot mahuli kasi alam kong malakas ang backer
ko.
Buhay na buhay pa
ang bahay ni boss ng dumating ako, alam niya rin kasing hindi ako aatras sa
misyon. Kaya nang sinabi ko sa isa sa mga anak niya na naririto na ako, agad
niya akong pinapanhik sa taas ng bahay nila. Nasa kalagitnaan siya ng paghigop
ng kape na agad niya ring ibinababa nang makita ako. May mga kape pa na
tumalisik pabalik sa tasa. Ngingisi-ngisi siyang lumapit sa akin saka ko inabot
ang epektus.
“Ito na ba yun?”
tanong niya.
“Opo pastor.”
At para
makasigurado, pinakawalan niya mula sa pagkakabalot ang dinukot ko mula sa
bahay namin. Bahagya kong nilihis ang mata para hindi ko makita ang batang
hawak niya, ang Sto. Niño ni Mama.
April 21, 2009 ang
aking spiritual birthday. Ibig sabihin, ito ang petsa na ipinanganak akong
muli, in-short, na-born again. Kakakulit sa akin ng dalawang kaklase sa Educ,
sumama ako sa youth summer camp ng kanilang simbahan. Sa dami ng niyaya nilang
kaklase eh ako pa ang sumama, samantalang shiftee lang ako at galing sa
Mechanical Engineerin. Nasa panahon siguro ako ng paghahanap sa sarili. Bagsak
ako sa qualifying exam ng Mechanical Engineering, ibig sabihin hindi ako
makakatuloy sa third year. Kaya ayun, sihft sa Education. Mula sa course ng mga
macho, naging course na pang-muchacho dahil yun ang tingin ng halos lahat sa
amin sa mga mag-te-teacher, magiging yaya sa mga estudyante.
Nagsisisi rin naman
ako bakit hindi ako nakatuloy sa engineering. Syempre, nakakahiya rin kay mama
kasi pinatawag pa siya sa school para kausapin noong na-on probation ako at 9
units lang ang pwede kong kunin sa isang sem kasi sunod-sunod ang bagsak ko.
Kaya siguro nung panahon na nasumpungan ko ang Panginoon, vulnerable ako kaya
madali kong niyakap ang pananampalataya. Wasak na wasak ako kasi pakiramdam ko
isa akong disappointment. Ang laki pa naman ng inaasahan sa akin kasi ako daw
ang pinakamatalino sa angkan namin tapos ganun lang ang kinahinatnan ko.
“May bibig
sila, ngunit hindi nakakapagsalita; may mga mata, ngunit hindi nakakakita. May
mga tainga, ngunit hindi nakakarinig; may ilong, ngunit hindi nakakaamoy. May
mga kamay, ngunit hindi nakakahawak; may mga paa, ngunit hindi nakakalakad, at
kahit munting tinig ay wala kang marinig.” Salmo 115:5
Sabi ni pastor,
malas daw ang mga rebulto sa bahay dahil contradicting ito sa katuruan ng
Diyos. Malas talaga ang salitang ginamit niya kahit na wala naman talagang
malas o swerte kapag kristyano ka kasi kapag sinabi mong malas o swerte, inaasa
mo ang mga bagay sa tsamba o kapalaran na taliwas naman sa plano ng diyos.
Kaya naman nang ma-born
again, yung Sto. Niño sa bahay ang una kong napagdiskitahang ma-evict sa bahay.
Tatlo yun sila dati, estatwa ni Sto. Niño, estatwa ni Mama Mary at picture ni
Jesus. Nakailang lipat kami ng bahay bago napadpad dito sa Ulingan, depressed
area sa Las Piñas at kada lipat namin, nababawasan ang mga gamit namin kasi
paliit nang paliit ang mga tinitrhan namin habang ang ibang gamit naman ay
nawawala. Yung picture ni Jesus na laminated sa frame na kahoy ay nawala
paglipat namin sa Tramo sa Parañaque kaya hindi na ito nakapunta sa Ulingan.
Kung sino man ang napanggap na tumulong sa amin magbuhat ng gamit at kinuha si
Jesus, tiyak akong nasa mabuti na siyang mga kamay.
Yung Mama Mary, eh,
nasanggi ko yun dito sa bahay at nabasag, gawa lang pala sa chalk. Magaan na magaan lang yun pero gaya ng
Sto. Niño, kapwa nabili ni mama ang mga yun sa Baclaran noong wala pa silang
anak ni Papa. Yun daw ang mga una nilang nakasama sa bahay. Abot-abot na
pagalit at sermon at luha ang inabot ko nang mabasag ko ang Mama Mary ni mama.
Kahit ako natakot sa kung anong pwedeng mangyari sa akin kasi nga, banal na
gamit yun di ba tapos nabasag ko lang kasi natabig ko noong inayos ko ang
antenna ng tv namin para mapanood ang isang episode ng yugi-oh!
Deboto ng Sto. Niño
ang pamilya namin. Tuwing ikalawang linggo ng Enero, hindi pwedeng hindi kami
makiki-piyesta sa Sto. Niño., lugar yun sa Parañaque. Lahat ng mga kapitbahay
at unang nakilala ni mama noong mapadpad siya sa Maynila sa edad na 14 galing Bacolod
dahil nag-istokwa kasi malupit daw ang madrasta nila, lahat sila nasa Sto.
Niño. Ang mga unang residente ng lugar na iyon ay mula sa dinemolish na sitio
na may parehas na pangalan ng santo kaya nang ma-relocate sila dinala nila ang
pangalan. Sila mama at papa naman ay kinuha ng pinsan ni mama para tumira na sa
village kung saan binigyan sila ng maliit sa puwesto sa likod ng bahay. Kaya
pag pumupunta kami sa Sto. Niño, parang reunion nila. Naabutan ko pa ang
dinemolish na lugar yun at may mga picture pa kami ng mga pinsan at tiyahin sa
lugar na yun.
Kahit sabihin mong
nasa siyudad ang Sto. Niño, mala-probinsya pa rin ang style doon kapag piyesta
kasi puro matatanda ang mga tao. Pwede kang pumasok at makikain kahit saang
bahay. Parang pasko nga rin ang pakiramdam kasi maraming namimigay ng mga pera
sa mga bata. May mga liga, palaro, perya at paborito ko yung boksing ng mga
bakla sa plaza. Tuwing piyesta lang din ako nakakakain ng lyanera na malapit ang
hitsura at lasa sa embutido at ang especialty ng mga taga-Parañaque na morcon.
Palagi naming dala
ang aming Sto. Niño at sinasali sa prusisyon na parehas naming paborito ni
kuya. Mahabang lakaran pero enjoy ako dahil natutuwa ako sa mga Sto. Niño na
iba-iba ang bihis. Maya naka-jersey ng basketball, naka-jacket na black na
parang kontrabida sa pelikula, may naka-swimming attire at may salbabida pa sa
bewang. Paborito ko yung nakasuot ng pang-mangingisda at may nakasabit na
lambat sa balikat at nakasuot ng sambalilo, yung sumbrero ng mga mangingisda sa
Parañaque. Si mama, kahit na ilang beses naming pinilit ni kuya, ayaw niyang
baguhin ang damit ng aming Sto. Niño dahil hindi naman daw yun laruan at dapat
igalang ang damit, kung ganun daw ang sa iba ay huwag na naming gayahin. Kulay
pula ang tipikal na damit ng mga Sto. Niño at may hawak na bola na may krus
habang naka-peace ang isang kamay.
Kahit ang pangalan
ng jeep namin noon ay Viva Sto. Niño, matagal na rin itong naibenta bago pa
kami lumipat sa Ulingan dahil na rin sa pagsusugal ni papa . Kaya naman alam kong
hindi madaling negosasyon ito kapag sasabihin ko kay mama na oras nang mawala
sa buhay namin ang Sto. Niño na iyon dahil sa isip ko, ito ang humahadlang kung
bakit mahirap pa rin kami ngayon. Kung bakit hindi kami makaangat sa buhay at
baka nga dahilan kung bakit mula sa maayos na bahay sa village ay naririto kami
sa Ulingan.
Paliwanag ni pastor,
may masamang espiritu sa mga estatwa na diyos-diyosan na lumilinlang sa mga
tao. Ito raw ang humaharang sa mga pagpapala kasi ang mga estatwa ay hollow at
walang laman, dahil walang laman, pwedeng tirhan ng elemento at bukod sa diyos,
anong klaseng espiritu pa ba ang mananahan sa gawa ng tao? Mailalapit ko rin
ang paliwanag ni pastor sa lohika ng haunted house na binabahayan ng bad
spirits.
“Hindi kita
pinakialaman nang mag-born again ka. Nagulat na lang ako pag-uwi mo sabi mo,
iba na religion mo kahit na katoliko tayo.”
Yan ang sabi sa akin
ni mama nang sabihin ko isang beses pagkatapos kain na nasabi ni pastor na
hindi naman daw sumasamba ang mga tao sa mga estatwa. Na mali yun at wala sa
bibliya at kung nasa bibiliya man, pinarusahan ang mga taong yun. Case in
point, ang kwento ng mga Israelitang pinalaya ni Moses mula sa mga Egyptians.
Nang mainip sila sa pagkawala ni Moses dahil kausap niya ang diyos sa bundok, tinunaw
nila ang mg bakal at alahas nila para gumawa ng diyos-diyosang sinamba nila.
Isa sa maraming dahilan bakit hindi nakapasok ang mga Israelita sa promised
land. Sinabi ko rin kay mama na sinabi naman talaga sa sampung utos ng diyos na
huwag sasamba sa kahit anong nilikha ng kamay ng tao, syempre ginagamitan ko si
mama ng mga talata sa bibliya kasi alam kong naniniwala siya doon. Kumpleto nga
rin pala kami ng Our Daily Bread sa bahay na si mama lang ang nagbabasa.
“Galawin mo na lahat
sa bahay, huwag lang yang Sto. Niño.”
Hindi ko pa sinasabi
sa kanya, natunugan niya nang ang tinutukoy ko ay yung natitira naming estatwa.
Yun ang huling beses na pinag-usapan namin ang tungkol doon. Pero binabagabag
ako na tuwing nababanggit ni pastor sa mga preachings ang tungkol doon,
pakiramdam ko ay ako ang pinatutungkulan niya. Isang beses ay sinabi ko nga kay
pastor ang dilemma ko na iyon, at yun nga ang pinayo niya, itakas ko sa bahay
at ibigay sa kanya. Sabi pa niya na malakas na daw ang kapit ng Sto.Niño na yun
sa isip ni mama at para naman daw sa pamilya ko ang gagawin ko. May kasama pa
ngang pangongosensya kung bakit hindi ko pa raw naisasama sa simbahan si mama. Natatawa
na lang ako sa isip ko kasi mas mauuna munang mawala ang mga kurap na pulitiko
sa Pilipinas bago pa umalis sa katoliko si mama.
“Dalhin mo dito,
akong bahala.” Sabi ni pastor na sinunod ko naman kaya nga kinagabihan ay agad
kong dinala sa kanya ang Sto. Niño. Pagkatanggap ay sinabihan niya akong umuwi
na rin kasi gabi na.
Kinabukasan ng
linggo, gumising, nag-almusal ng luto ni mama, naligo at naghanda para pumunta
sa simbahan. Parang walang nagbago sa bahay, siguro hindi niya pa napapansin.
Sa simbahan matapos ang praise and worship na kantahan kung saan gitarista din
ako, nagpaunang salita si pastor bago pa niya binigay ang preaching para sa
araw na yun.
Kinwento niya sa
pulpito at sa simbahan ang ginawa kong pangingidnap sa Sto. Niño ni mama. Yun
talaga ang ginamit niyang salita, kidnap. Kasi nasabi ko ring binanggit ko na
kay mama noon ang tungkol sa pagsamba sa mga diyos-diyosan pero ayaw niya pa
rin maniwala kaya ang naging desisyon ko na lang ay kidnapin ito. Pagkasabi
niya lahat sila nakatingin sa akin at nagpalakpakan na para bang may ginawa akong
isang mahalagang-mahalagang bagay. Yun ang unang beses na pinalakpakan ako ng
mga tao dahil aprubado para sa kanila ang ginawa ko.
“Pagkauwing-pagkauwi
ni brother Mel, inakyat ko agad sa terrace ang diyos-diyosan at alam niyo ba,
hirap na hirap akong buhatin yun. Ang bigat-bigat. Parang biglang ayaw
magpabuhat pero tinatagan ko ang loob ko at nagdasal sa panginoon.” Pagpapatuloy
ni Pastor.
“Nilapag ko sa mesa
ang diyos-diyosan, at parang nanlilisik ang mata niya sa akin dahil alam niya
ang gagawin ko sa kanya. Sumama yung panahon, ang lamig-lamig talaga ng hangin
para akong magkakasakit. Kung hindi lang ako nangako kay brother Mel na
palalayain ko ang bahay nila at nanay niya sa diyos-diyosang ito, sumuko na
siguro ako. Kaya nilabas ko ang martilyo..”
Noong narinig ko ang
salitang martilyo, hindi na naging malinaw sa akin ang mga sumunod niyang
sinabi. Basta hindi niya raw natamaan agad, umiwas daw ang Sto. Niño. Pero nang
tamaan at nabasag daw ay may lumukso daw sa kanyang itim na ulap na galing sa
loob ng Sto. Niño at nakaiwas daw siya. Tapos nagpalakpakan ulit sila.
Tangina? Binasag?
Minartilyo? Wala naman sa usapan yun ah. Akala ko naman itatabi niya lang.
Buong akala ko naman itatambak lang sa bodega nila kasama ang ilang gamit na
wala nang silbi para sa kanila. Nanlamig ang buong katawan ko. Yung notebook ko
na sulatan ko ng mga notes kapag preaching hindi ko nasulatan kasi ang naiisip
ko lang ay ano kaya ang magiging pakiramdam ni mama kapag nalaman niyang minartilyo
ang kanyang Sto. Niño. Kasi kung ganun lang din naman, sana ako na lang
nagtago. Sana hindi ko na kinuha sa bahay tapos hayaan ko na lang gaya ng sabi
niya.
Lilipas ang ilang
araw na hindi mapag-uusapan ang nawawalang Sto. Niño. Imposibleng hindi yun mapansin
kasi yun na lang ang nag-iisang laman ng munti naming altar. Hinihintay ko ring
tanungin ako ni mama pero hindi dumating ang pagkakataong yun. Pero dahil ako’y
isang matuwid na kristyano at kinakain ako ng aking konsensya, ipinagtapat ko
sa kanyang kinuha ko yun at binigay kay pastor. Hindi ko ata kayang sabihin sa
kanya na minartilyo yung Sto. Niño. Alam mo kung anong sabi lang ni mama? Sabi
niya, eh kung ganun talaga, wala naman akong magagawa.
Ito yung isang punto
sa buhay ko na nanalo ako sa diskusyon kay mama pero pakiramdam ko natalo ako.
Gusto kong mag-sorry pero hindi ko ginawa. Kasi nga ang nasa isip ko, tama lang
ang ginawa ko. Para din naman sa amin yun. Para sa ikaluluwag ng buhay namin at
pagliligtas sa kanya sa maling katuruan at ang pag-asang balang araw ay
makakapagsimba kami ng magkasama. Kapag binabalikan ko ang alaalang yun, hindi
ko maiwasang manghinayang at isiping baka nga nagpadalos-dalos ako sa ginawa
ko.
Sabihin na nating
masama ang diyos-diyosan, pero hindi ko man lang ginalang yung sariling
pagmamay-ari ni mama. Hindi nga ako kumukupit ng pera sa kanya, pero iba ang
kinuha ko sa kanya, yung simbolo ng pananampalataya niya. Ninakaw ko sa kanya
yung tanging natitirang koneksyon niya sa mga tao sa kanyang nakaraan. Kasi
simula noon, hindi na nagpunta si mama sa piyesta ng Sto. Niño. Hindi niya na
nakita ang mga dating kaibigan at darating ang isang araw na mababalitaan na
lang naming namatay na si Ate Dalen, ang naging nanay-nanayan ni mama sa lugar
na yun. Doon lang ata siya ulit nakadalaw.
Sa tingin ko, habang
tumatanda ka, doon mo pa lang talaga maiintindihan ang mga magulang mo. Buong
buhay ni mama binigay niya sa amin, ultimo mga gawaing bahay hindi niya
pinapagawa, basta mag-aral lang kaming mabuti. Kung tutuusin, pwede niyang
gawin ang kahit anong gusto niyang gawin kasi siya ang may mas karapatang
magsabi na minsan lang siya hihiling ng isang bagay, bakit hindi siya
pagbigyan? Gaya na lamang ng sinabi niya sa aking pakialaman ko na ang lahat
huwag lang ang Sto. Niño. Isa yun sa maraming utang ko sa kanya na hindi ko
kayang bayaran sa lifetime na ito. Nanay ko ang No. 1 fan ko, sinuportahan niya
ako sa lahat, kahit pa noong sinabi ko sa kanyang magpapastor ako. Pero
nakakainis lang na hindi ko siya sinusuportahan sa maraming bagay, gaya na lamang
ng simpleng hindi pangingialam sa mga gamit niya.
Matagal na akong
hindi nagsisimba, nakikinig minsan ng mga preaching sa radyo at tv pero hindi
pa rin ako naniniwala sa malas at swerte. Mas naniniwala ako sa sinabi sa
bibliya, na ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na maganda sa sarili nitong
panahon. May kanya-kanyang panahon ang lahat ng bagay gaya na lamang ng
pagtatanim at pahanon ng anihan.
Kasi alam mo ba, yung
nanay ko, born again na ngayon! Kapatid ko ang nagsama talaga sa kanya sa
simbahan. Wala pala sa yan dami ng mga babasaging gamit mula sa nakaraan kung
hindi ang dami ng relasyon at koneksyon na iyong bubuuin. Doon naman eksperto
si Hesus di ba? Ang pagyakap sa atin kahit gaano karami ang mga lamat natin upang
hindi tayo tuluyang mawasak.
Kahit na sa Naic,
Cavite na nakatira si mama ay consistent ang attendance niya sa mga prayer
meeting at worship service kahit pa sa Parañaque pa ang simbahan nila. Mas
nauna pang matutong gumamit ng zoom at google meet sa akin si mama noong pandemic
para lang matuloy ang prayer meeting nila ng mga nanay sa simbahan. Yun nga lang baliktad na ngayon, ako na palagi
ang niyayaya niyang sumama sa kanila. Linggo-linggo niya pinapaalalahanan na magsimba
lalo na noong anniversary ng church nila. Syempre, ang lagi kong dahilan ay
trabaho, kahit na totoo naman. Saka niya ako hihiritan ng, “ang ano mang bagay
na inuuna mo sa Panginoon ay ang diyos-diyosan mo. Isang araw, sige ka,
mawawala na lang yang laptop mo.”
Sabi niya nang may ngiting parang sa inosente at musmos na Santo Niño.
SBA - Saranggola Blog Awards |
Home - Cultural Center of the Philippines |
Home - DMCI (dmcicorpsales.com) |
No comments:
Post a Comment