Palagi tayong magkahawak ng kamay: kapag tatawid ka sa kalsada, namimili ng kakainin sa fast food, habang nanonood, kapag magkatabi sa jeep, habang nakikinig sa kwento ng ibang tao, kapag magkatabi at walang sinasabi sa isa’t isa; madaling mahahanap ng kamay ko ang kamay mo at sila ang magkakamustahan.
Pero kapag galit ka, ayaw mong hawakan ko ang kamay mo. Nakakuyom sa galit. Ang kalmadong kamay ay nakapinid at mistulang bato na pwedeng ipampukpok sa akin. Pero alam kong hindi mo gagawin yun. Dahil tulad ng kamay mong nakasara, ang galit ay sinasarili mo lang. Hinding-hindi mo ilalahad ang mga palad mo para salubungin ang mga kamay ko dahil alam kong galit ang pinili mong hawakan. Na ako rin naman ang nagbigay sa iyo.
Kaya tinityempuhan ko ang kamay mo. Kapag nakita kong nakabukas ito, saka ko susubukang humawak. Alam ko ito. Hindi mo kayang humawak ng galit nang matagal. Susubukan kong humawak kahit na alam kong agad din ito magsasara. Sasadyain kong idampi ang kamay mo sa kamay ko habang naglalakad tayo. Hindi mo mapapansin sa una ang ginagawa ko. Tapos mahahalata mo na rin at itatago ang kamay mo sa likod. Hindi naman porke't hindi tayo magkahawak ng kamay ay hindi na rin sabay ang hakbang ng ating mga paa.
Kapag hahawak ulit ako, hindi palad ang dadampi sa kamay ko kundi ang iyong kamao. Pero hindi lang naman kamay mo ang pwede kong hawakan. Itataas ko ang hawak sa iyong pulso kung saan mararamdaman ko pa rin ang pintig na nagmumula sa puso mo. Ipapagpag mo ang kamay ko. Saka hahawak naman ako sa braso mo.
Dahil hindi lang naman kamay mo ang pwede kong hawakan para malaman mong kahit anong mangyari, hindi kita bibitawan.
No comments:
Post a Comment