Sunday, April 4, 2021

Bayan ng mga Palaka

May isang natatanging lugar noon na kung tawagin ay Palanyag, bayan ng mga palaka. Dito ay makikita mong palaka-lakad, patalon-talon ay palangoy-langoy ang maraming palaka. May dalawang uri ng palaka na naninirahan sa bayan na ito.

Nariyan ang mga palakantang palaka sa palayan. Kapatid na ng kanilang mga paa ang lupa at napakataas nilang tumalon! Ang bawat galaw nila sa pagsasaka ay may kasamang awit. Ano mang dumapong insekto sa kanilang tanim ay agad na SWWWWOPPP! Nilulundag nila sabay huli ng kanilang mahabang-habang dila!

Sa kabilang dako naman ng bayan ay ang mga palasayaw na palaka sa palaisdaan. Palaging yakap ng malamig na tubig ang kanilang katawan. Ang bawat pagsagwan nila ay tila isang mahinahon at misteryosong sayaw. Ano mang maliliit na isda na dadaan sa kanila ay agad na SHHLUURP! Nilulusong nila sabay huli ng kanilang mahabang-habang dila!

Pinaghaharian ang bayan ng isang palalong palaka sa palasyo. Bakit palalo? Dahil siya ang may pakana kung bakit magkahiwalay ang mga palaka sa palayan at mga palaka sa palaisdaan. Sa lahat ng palaka sa Palanyag, bayan ng mga palaka, tanging ang hari lamang ang kayang manirahan sa palayan at sa palaisdaan. Sinabi niyang isa itong kapangyarihan na para lamang sa isang hari.

Pinaniwala niya ang mga palaka sa palayan na hanggang sa lupa lang sila. “Malulunod kayo sa tubig. Hihilahin nito ang mga katawan niyo sa malalim na malalim na bahagi nito . Kokak!” Sabi ng palalong palaka sa palasyo.

“Kung hindi lang dahil sa akin, matagal nang pinaapaw ng mga palaka sa palaisdaan ang tubig para malunod kayo.” Ibibigay naman sa kanya ng mga taga-palayan ang malaking bahagi ng kanilang ani dahil ito raw ang hinihinging kapalit ng mga taga-palaisdaan.

 “Naku Kokak! Agad na matutuyo ang mga lalamunan niyo sa pag-apak sa palayan. Maninigas ang inyong mga paa pag-apak sa lupa at hindi na kayo makakalangoy pa!” Panakot naman ng palalong palaka sa palasyo sa mga taga-palaisdaan. “”Kung hindi lang dahil sa akin, matagal na nilang tinambakan ng lupa ang tubig para angkinin.” Ibibigay naman sa kanya ng mga taga-palaisdaan ang malaking bahagi ng kanilang huli dahil ito raw ang hinihinging kapalit ng mga taga-palayan.

Sa ganito nabuo ang galit at takot ng dalawang grupo ng mga palaka sa isa’t isa. Ang palalong hari ng mga palaka naman ay palangoy-langoy lamang sa palaisdaan kapag naiinitan. Makikita rin siyang palakad-lakad sa palayan kapag nais magpaaraw. Magkasamang hanga at inggit naman ang nararamdaman ng mga palaka. “Mabuti pa ang hari, malayang mamili kung saan niya nais mamalagi.”

Dumating ang araw na hindi inaasahan ng mga taga-Palanyag. Umuwing walang huli ang mga palaka sa palaisdaan dahil nagdamot ang tubig. Umuwing walang ani ang mga palaka sa palayan dahil na-peste ang kanilang mga pananim. Rinig na rinig sa buong  bayan ang kumakalam na tiyan ng mga palaka. Maliban na lamang sa palasyo ng palalong palaka. Kabaliktaran ng mesa ng hari ang mesa ng kanyang nasasakupan.

Sa panahon ng matinding sakuna, hindi makita ng kahit sino ang hari ng mga palaka. Hintay sila nang hintay na maglalakad ito sa palayan o lalangoy sa palaisdaan. Pero kahit mahinang kokak nito ay hindi nila masumpungan. Dito na napagpasyahan ng mga tumatayong pinuno ng dalawang grupo ng mga palaka na magkita. Mas nangibabaw sa kanila ang pangangailangan ng kanilang mga kasama kaysa sa takot na binigay sa kanila ng hari. Nagpalitan sila ng ano mang maaaring makatulong sa isa’t isa.

Isang araw, dahil sa matinding taggutom, nagpatawag ng pulong ang palalong palaka sa palasyo. May daungan ang palasyo kung saan naroon ang mga palaka sa palaisdaan at sa harap naman ay nakatayo doon ang mga palaka sa palayan.

“Kokak! Kokak! Pinatawag ko kayong lahat dahil panahon na upang ang hari naman ang inyong tulungan. Kokak.” Sumabog ang maraming kokak sa magkabilang panig.

“Palamunin ba natin ang hari? Hindi ba’t siya dapat ang tumutulong sa atin?” Ito ang pare-parehas nilang naisip.

 “Aba! Mga palaban na palaka!” sigaw ng hari. “Pinarusahan kayo ng langit dahil nilalabag niyo ang batas na hindi dapat magkita ang mga palaka sa palayan at sa palaisdaan. Nagbibigayan kayo ng hindi dumadaan sa hari! Ako lang ang may kapangyarihan sa lupa at sa tubig!” Nagulat ang mga palaka na alam pala ng hari ang ginagawa nilang pagtutulugan. Ngunit, sino pa ba ang aasahan nila kung hindi ang isa’t isa?

Pinatawan ng parusa ng palalong palaka sa palasyo ang tumatayong pinuno sa palayan.

“Halika dito at tumalon sa tubig!” Utos ng hari.

“Ito ang mangyayari sa lahat ng sumusuway sa hari!” Taas noong lumapit ang pinuno sa daungan. Hintakot ang lahat ng palaka saka ito tumalon. Nag-iyakan ang mga palaka habang tawa pa nang tawa ang palalong palaka sa palasyo.

WOOOOOSSSH! Umahon ang palaka na sisinghap-singhap sa tubig. Agad naman siyang tinulungan na makaahon ng pinuno ng palaisdaan. Nagulat ang lahat sa nakita nilang paglangoy ng palaka na parang isa siya sa mga taga-palaisdaan.

Saka pa lang naalala ng palalong palaka ang kasinungalingan na kanyang ginawa. Na ang mga palaka sa palayan ay para lang sa lupa at ang mga palaka sa palaisdaan ay para lang sa tubig. Dahil palagi niya itong sinasabi, pati siya ay napaniwala ng sarili niyang kasinungalingan. Kahit takot, paisa-isang nagtalunan ang mga palaka sa tubig at ang nasa tubig naman ay nagsiahon sa lupa.

Sabay-sabay ang kokak ng mga palaka! May pagdiriwang sa kanilang boses nang malaman nilang maaari silang mabuhay sa parehas na lugar. Hindi lang pala ito kapangyarihan ng iisang palaka kung hindi lahat ng palaka. Nang araw ding iyon, naibalik ang kapangyarihan sa bayan ng mga palaka. Ngayon, hindi na sila maghahati pa sa biyaya ng lupa at tubig dahil sa kanila lahat ito. Narinig ng langit ang kokakan ng mga palaka at bumuhos ang masaganang ulan kasabay ng pag-alis ng palalong palaka sa palasyo.

Simula noon, lagi nang umaawit ang mga palaka at sumasayaw tuwing bumubuhos ang ulan. Paalala ito sa lahat ng hindi pa nakakaalaam na ang mga palayan at palaisdaan ay para sa lahat ng palaka.




No comments:

Post a Comment

Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...