Monday, November 7, 2022

Kami’y mga Pasahero Lamang

 

“Mahal, gising na. Alas kuwatro na.”

Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasado alas-diyes na kasi nakauwi kahit na alas kuwatro lang ng hapon ang uwian. May programa kasi sa eskwelahan bukas at ang misis niya ang punong abala.

“Wala namang ibang gagawa niyan kundi ako. Syempre yung mga bagong teacher, tutulong naman sila. Pati na yung sa ibang department. Pero hindi ko naman sila basta pwedeng iwan lang dun.” Paliwanag ni Mam Sheena. Guro sa Filipino sa Mataas na Paaralan ng San Roque. 

Handa na ang almusal pagdating ni Mam Sheena sa hapag.

“Good moooooorning Mam Sheeeena.” Nakangiting bati ni Eric sa asawa.

“Para ka namang mga estudyante ko. Salamat daddy. Sorry ha.” Sagot ni Mam Sheena sa pagitan ng paghikab.

“Sige na kain na. Sa biyahe na tayo mag-usap. Kape ka muna mam.”

Saglit na tinitigan ni Mam Sheena ang kape. Hinawakan ang tainga nito, saka dahan-dahang pinaikot.

“Pass muna ako sa kape daddy.” Sabay ngiti nito sa kanya.

Drayber ng eskwelahan si Eric. Siya ang nagmamaneho sa mga bata kapag may contest ang mga ito sa ibang eskwelahan. Pero pirmi siyang drayber ng school principal sa lahat ng lakad nito kumbaga ginawa siyang private driver. Ang mga teachers tuloy kapag may seminar, walang magamit na sasakyan, kanya-kanyang commute. Kahit pa nga yung mga wala namang kinalaman sa eskwelahan, ginagamit ng principal ang sasakyan.

“Eric, favor naman. Yung pamangkin ko, uuwi dito sa’tin. Galing Canada. May meeting kasi ako sa division office. Pagkatapos mo ako ihatid, daanan mo pamangkin ko ha. Bigay ko number niya.”

Payag naman agad si Eric kasi akala niya saglit lang siya maghihintay. Halos apat na oras nakatanghod si Eric sa labas ng airport. Ni hindi man lang sinabi ng principal kung anong oras talaga ang dating ng kanyang pamangkin. Dagdag pa diyan ang matinding trapik pag-uwi. Ang nakadagdag pa sa kanyang inis ay asal amo ang pamangkin ng principal. Pinagbuhat na nga ng mga gamit ay pinadaan pa sa kung saan-saang lugar para mamili ng mga pasalubong na sa mall na lang binili. Kung makaasta akala mo binayarayan ang buong araw niya samantalang hindi man lang siya naabutan kahit isang lusaw na tsokolate.

Hindi naman nagsasalita si Eric sa mga ganitong bagay. Katwiran niya’y basta sa kanya lang ginagawa ay ayos lang. Kaya naman pagpasensyahan. Pinapauwi na nga ng principal ang sasakyan ng eskwelahan kay Eric. Para raw kapag may emergency na lakad, dire-diretso na. Pero ayaw ni Eric na may masabi sa kanya lalo na sa kanyang asawa. Teacher pa naman sa eskwelahan, mamaya niyan ay mapulaan pa at masabihang pinang-se-service niya ang sasakyan para sa asawa.

“Mamaya sa labas tayo kakain. Celebrate natin yang pagpapakadakila mo para sa buwan ng wika.” Nakatawang sabi ni Eric habang papasok sa faculty.

“Oo. Kailangan ko yun Daddy.”

Bumaba ang tingin ni Eric sa mga dala niyang papel ni Mam Sheena. Napakadami. Kaya naman pala sumasakit ang ulo nito. Noong nakaraan pa nga’y nasuka pa habang nag-tse-tsek ng mga papel.

“May lakad daw kayo ni principal?”

“Meron Mam. Meeting daw sa munisipyo.”

“Sige. Ingat ha. Love you daddy.”

“Enjoy Mam. Wag masyado magpagod. Love you too.”

Sabay halik sa pisngi ni Eric bago ilapag ang mga gamit ni Mam Sheena sa kanyang lamesa. Sa ilalim ng salamin sa lamesa ni Mam Sheena ay may nakaipit na kalendaryo, mga class picture ng kanyang mga estudyante. May kuha ni Eric nung unang pasok niya sa eskwelahan bilang drayber. At kuha nilang mag-asawa sa Tagaytay. School outing. Sa bandang baba ng teacher’s table, may cross stitch, Laya.

Si Dr. Ramirez ay larawan ng lahat ng imahen ng mga principal sa public school sa Pilipinas. Nasa singkwenta na ang edad. Terno lagi ang pangtaas at pangbaba. Sa lakad niya ngayon ay kulay violet ang suot nito. Naka-spray net pataas ang buhok. Laging may hawak na pamaypay. At may brooch  sa dibdib na orchids na may mga kumikinang na bato.

Innova ang dalang sasakyan ngayon ni Eric. Natatanong niya rin sa sarili kung bakit iba ang sasakyan na gamit kapag taga-admin ang gagamit. Kapag principal. Kapag naghahatid at nagsusundo ng mga district supervisor.

“Hindi pwede sa mahinang aircon isakay ang mga matatanda pare. Huhulas ang make-up.” Sagot sa kanya ng kaibigang drayber mula sa ibang eskwelahan.

“Walandyo yan si Dr. Tangco tol. Biruin mo tol, sustentado niya isang varsity namin sa basketball.”

“Baka kayo lang ang masama mag-isip, baka naman mabait lang talaga.” Kunwaring pagdedepensa ni Eric. Tatawa siya habang nginunguya ang meryendang banana cue.

“May nakakita pre, pinag-shopping pa nga at nanood ng sine. Gago pre, matindi daw pumili ng brief, parang jowa. Doktorado sa Pamimili ng Salawal! Holding hands pa!”

“Ay! Sumobra sa bait?” Hirit ng isa na sinabayan ng malakas na tawanan.

“Si Dr. Amante sa amin, naku! Nagrereklamo na yung mga taga-canteen sa amin eh. Libre na ang pagkain niya sa canteen, may hati pa siya sa kita. Kung di ba naman talaga masiba!”

“Kailangan niya talaga kumain nang marami tol. Mahirap kaya magpainit ng upuan sa opisina at tumunganga lang doon. Nag-iisip rin siguro paano uubusin ang sweldo ano?”

“Tarantado rin yang mga doktor na yan eh no. Samantalang itong si Misis ko, nagkakandapaos na nga’t lahat ni hindi man lang mataasan ng sweldo.” Hindi napigilan ni Eric ang taas ng kanyang boses.

“Hinay lang pards. May makarinig sa’yo mahirap na.”

Napalingon agad si Eric sa paligid. Natakot na baka nga may makarinig sa kanya.

Nagkatinginan lang ang mga drayber. Parang biglang nilamon ng mga salita ni Eric ang mga tawanan nila. Tinapik-tapik siya ng isang kasama sa balikat. Mabigat. Madiin.

“Wala tol eh. Sino ba naman tayo sa mga yan? Kung yung mga teacher nga nila, gaya ng misis mo na edukado, hindi nila pinakikinggan. Tayo pa kayang drayber lang nila?”

Napailing lang si Eric. Hindi  niya matanggap sa sarili ang lahat ng ito.

Kung nalalaman lang sana ni Sheena.

Maraming pagkakataon na gustong-gusto na sanang sabihin ni Eric lahat ng nalalaman niya na pinag-uusapan ng kanyang principal at mga kasama nito sa division office. Yung mga construction projects na hindi dumadaan sa tamang bidding.

Ang akala ata ng mga punyetang ito, hindi kami nag-uusap-usap dito. Ang akala ata nila, hindi namin naiintindihan ang mga pinag-uusapan nila.

Mabilis kumalat ang mga ganitong balita sa mga katulad nila. Nandyan ang mga ka-tropa nilang sekretarya sa loob ng division office. Ang mga janitor na nakakakita ng mga ginagabing meeting ng mga bossing. Kahit pa nga ang mga nagtitinda ng mga tanghalian at meryenda sa loob ng division office nakahahagip din ng balita.

“Naku ser, may bago na namang building sa San Roque? Asahan mo may renovation din bahay ng principal niyo.” Tsismis kanyang ng foreman na sa proyekto.

“Sabi nga ng tropang drayber sa DO, pinsan ni dok yung contractor.” Pagsang-ayon ni Eric.

Pati na rin ang hatian ng mga ito sa mga papel na ginagamit kapag may exam, may pera din doon. Basta may pera, nakasahod ang mga ito. May mga kuwento pa kung saan ang isang guro mula sa probinsya ay nagsangla ng kalabaw ng kanilang pamilya para bayaran ang isa sa mga superintendent. Bente mil. Malinis na yun para sa mga papel. Pasok ang guro sa ranking kahit na hindi dumaan sa tamang proseso. Maghihintay na lang ng plantilla.

Samantalang ang kanyang asawa, sa pagpapa-photocopy pa lang ng mga requirements na papel ay halos maubos na ang pera nito mula sa huling pinasukang private school. Pahirapan pa sa pagpila at katakot-takot na mga requirements. Parang ayaw nilang magpapasok ng bagong mga guro.

Inabot na ng hapon si Eric at ang kanyang mga kasamahan sa paghihintay sa kaniya-kaniyang mga principal. Ang siste pala ay kunyari lang ang meeting ng mg ito sa DO. May minutes of the meeting din na maitatala ang sekretarya. Pagkatapos ng kunwaring meeting tungkol sa isang kunwaring agenda. Mag-aaya ang mga nasa itaas ng isang lunch-out. Sama-sama silang lalabas sakay ang isang private na sasakyang ng isa sa mga heads. Sa labas pa lang magisismula ang totoong meeting. Mga projects na may kickback tulad ng pagpapatayo ng bagong building o bagong wishing well sa paaralan nila. Mga programang may pekeng mukha ng adbokasiya o kunyari ay fund-raising event. Pero kapag hahanapin mo na ang nalikom, hayun at napagparte-partehan na nila. Magkakamayan sila pagkatapos ng kanilang meeting saka babalik sa DO kung saan naghihintay ang kanya-kanyang mga sundo.

Alam ni Eric ang mga ganitong transakyon. Sa isip niya’y talagang walang pinipiling ahensya ang kurapsyon. Gustuhin niya mang magsalita, kanino naman siya lalalapit? At bakit naman pakikinggan ang isang katulad niya na hindi naman nakapagtapos ng pag-aaral. Gaano lang ba kabigat ang boses ng isang drayber kumpara sa mga titulado ng masteral at doktoral?

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

Ito ang madalas na sabihin sa kanya ni Mam Sheena noong bago pa lang silang magkakilala. Aktibo sa hanay ng mga aktibistang guro si Mam Sheena. Ang jeep na pinapasada ni Eric ang naarkila ng kanilang kolektiba para sa isang rally noon sa Mendiola. Sakto namang sa unahan nakasakay si Sheena katabi ni Eric. Hindi naman lingid sa kaalaman ni Eric ang mga ganitong rally. Nakikita niya ito kapag namamasada siya. Hangang-hanga si Eric sa pagsasalita ni Mam Sheena na noo’y bagong titser sa isang private school. Ang payat at mas matangkad si Eric sa kanya pero sa harapan ng dagat ng mga tao, napakalaki niyang tingnan.

“Alam mo mam, nagtataka din talaga ako sa ginagawa niyo eh.” Tanong ni Eric sa biyahe pagkatapos ng rally.

Hinahanap ni Mam Sheena ang kanyang panyo para magpunas ng pawis. Naisip niyang baka nalaglag niya ito kung saan. Napansin ito ni Eric at inabot kay Mam Sheena ang isang Good Morning towel. Nahihiya itong tinanggap ni Mam Sheena.

“Ekstra ko yan mam. Hindi pa po gamit. Amoy Downy pa po.”

Tumawa si Mam Sheena. Lumabas ang ngiti nito na. Ibang-iba sa imahe nitong mapaos-paos ang sigaw sa ilalim ng tirik ng araw.

“Anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin? Hindi ba ako malinaw magsalita kanina?” tanong ni Mam Sheena habang sige ang punas sa kanyang likod.

“Naku hindi mam. Galing niyo nga po eh.”

“Wala nang po. Kuya Eric di ba?”

“Wala na ring Kuya, maaaam?”

“Sheena na lang. Okay, anong hindi mo maintindihan sa ginagawa namin?” Nag-ayos ng upo si Mam Sheena paharap kay Eric. Bigla tuloy naalangan si Eric habang tinitingnan ang guro mula sa gilid ng kaniyang mata.

“Eh kasi mam. Ako halimbawa, kasama ako sa mga mahihirap na pinaglalaban niyo. Pero masaya naman ako. Okay naman ako kahit papaano sa pamamasada.” Red light. Huminto si Eric. Nagkambyo. Natamaan nang likod ng kamay ni Eric ang tuhod ni Mam Sheena na nakasuot ng shorts. Saka siya tumingin kay Mam Sheena.

“Hindi naman ata namin kailangan ng magsasalita para sa amin. Okay naman kami sa simpleng buhay lang. Tsaka wala namang makikinig sa mga tulad namin.”

Isang makabuluhang buntong-hininga ang pinakawalan ni Mam Sheena bago magsalita.

“Lahat tayo Eric, may karapatang magsalita. May boses kahit pa ang mga maliliit.”

“Sino namang makikinig kapag nagsalita ako?”

“Kapag ikaw lang ang magsasalita, oo. Baka walang makinig. Pero kapag sama-sama, nagkakaroon ng halaga. Parang yung mga barya di ba? Mas mabigat kapag sama-sama.” Sabay abot ni Mam Sheena ng tuwalya pabalik kay Eric.

“Sa’yo na mam,” tanggi ni Eric, “lagay mo sa likod mo kapag may rally ulit kayo.” Sabay ngiti nito.

Simula nga noon ay lagi nang ang jeep ni Eric ang naaarkila nila Mam Sheena hanggang sa nagkapalagayan ng loob ang dalawa. Patuloy pa rin sa pagsama si Mam Sheena sa benefit events, rally at picket kahit na hindi kasama si Eric at ayos lang sa kanya dahil tiwala naman siya sa asawa dahil kahit hindi pa naman sila ay gawain na ito ng guro. Kaya nga lang sa hindi inaaasahang pagkakataon, sa kabila ng pagsasabi ni Eric noon huwag na munang sumama dahil nagdadalang tao na si Mam Sheena, sumama pa rin ito sa rally ng mga Kilusang Mayo Uno. Ang sabi ni Mam Sheena ay sa likod lang naman siya pupuwesto at hindi popronta o magsasalita. Bumiyahe si Eric noon dahil ang-iipon na rin sila para sa darating na anak. Subalit nagkainitan ang mga rallyista at mga pulis. Ang payapang kilos protesta ay nauwi sa tulakan at batuhan at kahit nasa bandang likuran na si Mam Sheena, hindi sinasadyang naiutlak siya ng ilang mga kasama na pinaghahataw ng mga pulis ng kanilang batuta at shield. Mabuti na nga lang at nasalag ng kanyang kapwa guro ang  paparating na batuta kay Mam Sheena.

Nagmamadaling pinuntahan ni Eric ang asawa noon sa opsital. Doon niya na narinig ang masamang balita. Nakunan si Mam Sheena. Galit na galit si Eric. Sa mga pulis. Sa mga rallyista. Sa mga kasama ni Mam Sheena. Pati na rin mismo sa asawa. Ngunit kahit na gusto niyang sigawan ang asawa, hindi niya magawa. Dahil kapwa silang nawalan. Simula nga noon ay hindi na pinayagan ni Eric na sumama si Mam Sheena sa mga kilos protesta.

Akala ni Eric ay nasa bahay na ang asawa dahil ginabi siya nang uwi dahil sa paghihintay sa kanilang principal. Ngunit ang nadatnan niya ay isang madilim na bahay. Walang ilaw. Tahimik na tahimik na pumasok si Eric sa loob saka pabagsak na umupo. Nakatingala siya sa kisame. Nakasalampak siya’t hindi makagalaw dahil sa pagod at sa bigat na kanyang nararamdaman.

Kailan ba huling umingay sa bahay na ito?

Nagsipuntahan ang mga kamag-anak nila sa bahay noong ianunsyo nila na magkakaroon sila ng baby. Rumenta ng videoke ang tatay ni Eric na isang ring jeepney drayber. Magkatulong naman sa kusina ang nanay nila Eric at Mam Sheena na kapwa masaya at pinagkukuwentuhan ang mga tagpo noong manganak sa kanilang mga supling. Parang biglang may birthday dahil pati ang mg pamangkin ng mag-asawa ay magkakalaro ngayon sa sala at sa labas ay nag-iinuman ang kanilang mga kapatid. Punong-puno ng iba-ibang ingay, amoy, halakhakan ang buong paligid.

Hindi namamalayan ni Eric ang dahan-dahang pagguhit ng luha sa kanyang pisngi habang nakatulala sa kisame, animo’y doon niya pinanonood ang nakaraan. Napangiti pa siyang bahagya nang magtalo ang kanilang mga kapatid sa dapat ipangalan sa kanilang anak at kung sa kaninong pamilya ito magmamana. Ang hindi nila alam, nabigyan na nilang mag-asawa ang bata. Laya. Si Mam Sheena talaga ang nakaisip nito. Dahil wala daw pinipiling kasarian ang pagiging malaya.

Bumaha ng liwanag sa buong bahay. Agad na napapikit si Eric at iniharang ang mga palad sa mata dahil sa ilaw pala siya nakatitig. At para maitago ang luha. Pagtingin niya sa pinto, nakatayo si Mam Sheena. Nakakagat labi itong nakatitig sa asawa.

“Kanina ka pa nandyan? Sorry ha. Hindi ko pala nabuksan ang ilaw. Nakaidlip ako.” Pagdadahilan ni Eric sabay tayo nito para kuhain ang mga gamit ng asawa at humalik sa pisngi nito.

“Naghintay ako sa school daddy.”

Napatingin si Eric sa asawa. Naghahanap ng sagot. Wala siyang natatandaang pinaghintay niya ang asawa sa eskuwelahan. At dahil nakita ni Mam Sheena na wala ring matandaan si Eric, siya na rin ang nagsabi.

“Sabi mo sa akin, kakain tayo sa labas. Kaya akala ko dadaanan mo ako.”

Bumigat ang mga balikat ni Eric. Inilapag ang mga gamit ni Mam Sheena saka sinapo ang mukha. Napakamot ng noo. Panay ang punas sa mukha gamit ang palad. Hindi niya malaman ang kanyang gagawin o sasabihin. Nakatitig lang siya sa kanyang asawa.

“Sorry.”

Tumango-tango si Mam Sheena. “May problema ba?”

Hindi nagsalita si Eric. Hindi niya rin alam kung ano ba talaga ang gusto niyang sabihin. Na naiinis siya sa sarili niya dahil wala naman siyang masabi sa mga alam niyang kalakaran ng mga nasa posisyon? Na naiinis siya kung paano siya ituring na mga ito na pwedeng mag-usap lang ng kahit anong anomalya sa harap niya dahil alam nilang wala rin naman siyang magagawa?

Pakiramdam niya’y isa siyang pampasaherong jeep na walang laman. Biyahe lang ng biyahe na walang patutunguhan. O baka malungkot lang talaga siya at napapaisip kung para saan ba ang kanilang pinagpapaguran gayong umuuwi lang naman sila sa isang bahay na walang laman? Minsan naiisip rin ni Eric kung napatawad niya na nga ba talaga ang asawa sa pagkamatay ng kanilang anak. Na hindi na nasundan ulit. Pero bakit nga naman niya sisishin ang asawa? Hindi ba’t ginagawa lamang ng asawa ang tama sa paraang alam nito? Hindi ba dapat ang sisihin niya ang sistemang nagluluwal ng mga gurong ina na kailangan pang mag-protesta?

Sa dami ng nag-uunahang tanong sa isip ni Eric, wala siyang nasabi kahit isa. Isang makabuluhang buntong-hininga laman ang kanyang pinakawalan.

Sa puntong iyon ay si Mam Sheena na ang bumasag sa katahimikan. Nagtapat siya sa asawang hindi lahat ng ginagabi siya sa pag-uwi ay dahil sa mga meeting ng programa nila para sa buwan ng wika.

“Nagkakaroon kami ng mga pagpupulong para sa darating na kilos protesta. Sobra na kasi talaga ang kagawaran.” Diretso lang ang pagkakasabi ni Mam Sheena. Inaaral ni Eric ang mukha ng asawa. Parang guro na sinabihan siyang bagsak siya at kailangan niyang ulitin ang subject sa bakasyon. Parang pinagpraktisan.

“Sorry kung hindi ko nasabi sa’yo daddy.”

Niyakap ni Eric ang asawa. Silang dalawa lang naman talaga ang magkaramay. Silang dalawa lang ang magkakampi. Naalala ni Eric noon, tinanong niya si Mam Sheena kung bakit ba sumasali pa rin siya sa mga kilos protesta kahit na may disente na naman silang mga trabaho at hindi naman nagkukulang sa mga pangangailangan. Ngumiti si Mam Sheena saka itinuro ang umbok sa kanyang tiyan.

“Ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunang walang pananagutan ang tao sa isa’t isa. Kasi ayokong lumaki ang anak ko sa isang lipunan walang puwang ang boses ng mga maliliit.”

At ngayon nga, alam na alam na ni Eric kung ano ang itatanong niya ulit sa asawa bago niya ito payagan na muling sumama sa pag-oorganisa.

“Mahal, may drayber na ba kayo?”




Walang Sinasanto Niño


Bakasyon ng taong 2011, naging kidnapper ako.

Tulak lang din ng pangangailangan kaya ko nagawa. Gabi nang sinimulan ko ang operasyon, ilang araw ko ring pinalano at nang matiyak na tulog na ang lahat ng kasama sa bahay, lalo si mama, saka ko inaksyunan ang maitim kong balak.

Madali lang makuha ang target sa totoo lang, pinraktis ko rin ng ilang beses at pamilyar din siya sa akin, ganun din ako sa kanya kaya established na ang tiwala. Wala pang isang minuto, secured ko na agad ang package at mabilis na dinala sa mastermind at ang nag-utos sa akin. Hindi ako takot mahuli kasi alam kong malakas ang backer ko.

Buhay na buhay pa ang bahay ni boss ng dumating ako, alam niya rin kasing hindi ako aatras sa misyon. Kaya nang sinabi ko sa isa sa mga anak niya na naririto na ako, agad niya akong pinapanhik sa taas ng bahay nila. Nasa kalagitnaan siya ng paghigop ng kape na agad niya ring ibinababa nang makita ako. May mga kape pa na tumalisik pabalik sa tasa. Ngingisi-ngisi siyang lumapit sa akin saka ko inabot ang epektus.

“Ito na ba yun?” tanong niya.

“Opo pastor.”

At para makasigurado, pinakawalan niya mula sa pagkakabalot ang dinukot ko mula sa bahay namin. Bahagya kong nilihis ang mata para hindi ko makita ang batang hawak niya, ang Sto. Niño ni Mama.

April 21, 2009 ang aking spiritual birthday. Ibig sabihin, ito ang petsa na ipinanganak akong muli, in-short, na-born again. Kakakulit sa akin ng dalawang kaklase sa Educ, sumama ako sa youth summer camp ng kanilang simbahan. Sa dami ng niyaya nilang kaklase eh ako pa ang sumama, samantalang shiftee lang ako at galing sa Mechanical Engineerin. Nasa panahon siguro ako ng paghahanap sa sarili. Bagsak ako sa qualifying exam ng Mechanical Engineering, ibig sabihin hindi ako makakatuloy sa third year. Kaya ayun, sihft sa Education. Mula sa course ng mga macho, naging course na pang-muchacho dahil yun ang tingin ng halos lahat sa amin sa mga mag-te-teacher, magiging yaya sa mga estudyante.

Nagsisisi rin naman ako bakit hindi ako nakatuloy sa engineering. Syempre, nakakahiya rin kay mama kasi pinatawag pa siya sa school para kausapin noong na-on probation ako at 9 units lang ang pwede kong kunin sa isang sem kasi sunod-sunod ang bagsak ko. Kaya siguro nung panahon na nasumpungan ko ang Panginoon, vulnerable ako kaya madali kong niyakap ang pananampalataya. Wasak na wasak ako kasi pakiramdam ko isa akong disappointment. Ang laki pa naman ng inaasahan sa akin kasi ako daw ang pinakamatalino sa angkan namin tapos ganun lang ang kinahinatnan ko.

“May bibig sila, ngunit hindi nakakapagsalita; may mga mata, ngunit hindi nakakakita. May mga tainga, ngunit hindi nakakarinig; may ilong, ngunit hindi nakakaamoy. May mga kamay, ngunit hindi nakakahawak; may mga paa, ngunit hindi nakakalakad, at kahit munting tinig ay wala kang marinig.” Salmo 115:5

Sabi ni pastor, malas daw ang mga rebulto sa bahay dahil contradicting ito sa katuruan ng Diyos. Malas talaga ang salitang ginamit niya kahit na wala naman talagang malas o swerte kapag kristyano ka kasi kapag sinabi mong malas o swerte, inaasa mo ang mga bagay sa tsamba o kapalaran na taliwas naman sa plano ng diyos.

Kaya naman nang ma-born again, yung Sto. Niño sa bahay ang una kong napagdiskitahang ma-evict sa bahay. Tatlo yun sila dati, estatwa ni Sto. Niño, estatwa ni Mama Mary at picture ni Jesus. Nakailang lipat kami ng bahay bago napadpad dito sa Ulingan, depressed area sa Las Piñas at kada lipat namin, nababawasan ang mga gamit namin kasi paliit nang paliit ang mga tinitrhan namin habang ang ibang gamit naman ay nawawala. Yung picture ni Jesus na laminated sa frame na kahoy ay nawala paglipat namin sa Tramo sa Parañaque kaya hindi na ito nakapunta sa Ulingan. Kung sino man ang napanggap na tumulong sa amin magbuhat ng gamit at kinuha si Jesus, tiyak akong nasa mabuti na siyang mga kamay.

Yung Mama Mary, eh, nasanggi ko yun dito sa bahay at nabasag, gawa lang pala sa  chalk. Magaan na magaan lang yun pero gaya ng Sto. Niño, kapwa nabili ni mama ang mga yun sa Baclaran noong wala pa silang anak ni Papa. Yun daw ang mga una nilang nakasama sa bahay. Abot-abot na pagalit at sermon at luha ang inabot ko nang mabasag ko ang Mama Mary ni mama. Kahit ako natakot sa kung anong pwedeng mangyari sa akin kasi nga, banal na gamit yun di ba tapos nabasag ko lang kasi natabig ko noong inayos ko ang antenna ng tv namin para mapanood ang isang episode ng yugi-oh!

Deboto ng Sto. Niño ang pamilya namin. Tuwing ikalawang linggo ng Enero, hindi pwedeng hindi kami makiki-piyesta sa Sto. Niño., lugar yun sa Parañaque. Lahat ng mga kapitbahay at unang nakilala ni mama noong mapadpad siya sa Maynila sa edad na 14 galing Bacolod dahil nag-istokwa kasi malupit daw ang madrasta nila, lahat sila nasa Sto. Niño. Ang mga unang residente ng lugar na iyon ay mula sa dinemolish na sitio na may parehas na pangalan ng santo kaya nang ma-relocate sila dinala nila ang pangalan. Sila mama at papa naman ay kinuha ng pinsan ni mama para tumira na sa village kung saan binigyan sila ng maliit sa puwesto sa likod ng bahay. Kaya pag pumupunta kami sa Sto. Niño, parang reunion nila. Naabutan ko pa ang dinemolish na lugar yun at may mga picture pa kami ng mga pinsan at tiyahin sa lugar na yun.

Kahit sabihin mong nasa siyudad ang Sto. Niño, mala-probinsya pa rin ang style doon kapag piyesta kasi puro matatanda ang mga tao. Pwede kang pumasok at makikain kahit saang bahay. Parang pasko nga rin ang pakiramdam kasi maraming namimigay ng mga pera sa mga bata. May mga liga, palaro, perya at paborito ko yung boksing ng mga bakla sa plaza. Tuwing piyesta lang din ako nakakakain ng lyanera na malapit ang hitsura at lasa sa embutido at ang especialty ng mga taga-Parañaque na morcon.

Palagi naming dala ang aming Sto. Niño at sinasali sa prusisyon na parehas naming paborito ni kuya. Mahabang lakaran pero enjoy ako dahil natutuwa ako sa mga Sto. Niño na iba-iba ang bihis. Maya naka-jersey ng basketball, naka-jacket na black na parang kontrabida sa pelikula, may naka-swimming attire at may salbabida pa sa bewang. Paborito ko yung nakasuot ng pang-mangingisda at may nakasabit na lambat sa balikat at nakasuot ng sambalilo, yung sumbrero ng mga mangingisda sa Parañaque. Si mama, kahit na ilang beses naming pinilit ni kuya, ayaw niyang baguhin ang damit ng aming Sto. Niño dahil hindi naman daw yun laruan at dapat igalang ang damit, kung ganun daw ang sa iba ay huwag na naming gayahin. Kulay pula ang tipikal na damit ng mga Sto. Niño at may hawak na bola na may krus habang naka-peace ang isang kamay.

Kahit ang pangalan ng jeep namin noon ay Viva Sto. Niño, matagal na rin itong naibenta bago pa kami lumipat sa Ulingan dahil na rin sa pagsusugal ni papa . Kaya naman alam kong hindi madaling negosasyon ito kapag sasabihin ko kay mama na oras nang mawala sa buhay namin ang Sto. Niño na iyon dahil sa isip ko, ito ang humahadlang kung bakit mahirap pa rin kami ngayon. Kung bakit hindi kami makaangat sa buhay at baka nga dahilan kung bakit mula sa maayos na bahay sa village ay naririto kami sa Ulingan.

Paliwanag ni pastor, may masamang espiritu sa mga estatwa na diyos-diyosan na lumilinlang sa mga tao. Ito raw ang humaharang sa mga pagpapala kasi ang mga estatwa ay hollow at walang laman, dahil walang laman, pwedeng tirhan ng elemento at bukod sa diyos, anong klaseng espiritu pa ba ang mananahan sa gawa ng tao? Mailalapit ko rin ang paliwanag ni pastor sa lohika ng haunted house na binabahayan ng bad spirits.

“Hindi kita pinakialaman nang mag-born again ka. Nagulat na lang ako pag-uwi mo sabi mo, iba na religion mo kahit na katoliko tayo.”

Yan ang sabi sa akin ni mama nang sabihin ko isang beses pagkatapos kain na nasabi ni pastor na hindi naman daw sumasamba ang mga tao sa mga estatwa. Na mali yun at wala sa bibliya at kung nasa bibiliya man, pinarusahan ang mga taong yun. Case in point, ang kwento ng mga Israelitang pinalaya ni Moses mula sa mga Egyptians. Nang mainip sila sa pagkawala ni Moses dahil kausap niya ang diyos sa bundok, tinunaw nila ang mg bakal at alahas nila para gumawa ng diyos-diyosang sinamba nila. Isa sa maraming dahilan bakit hindi nakapasok ang mga Israelita sa promised land. Sinabi ko rin kay mama na sinabi naman talaga sa sampung utos ng diyos na huwag sasamba sa kahit anong nilikha ng kamay ng tao, syempre ginagamitan ko si mama ng mga talata sa bibliya kasi alam kong naniniwala siya doon. Kumpleto nga rin pala kami ng Our Daily Bread sa bahay na si mama lang ang nagbabasa.

“Galawin mo na lahat sa bahay, huwag lang yang Sto. Niño.”

Hindi ko pa sinasabi sa kanya, natunugan niya nang ang tinutukoy ko ay yung natitira naming estatwa. Yun ang huling beses na pinag-usapan namin ang tungkol doon. Pero binabagabag ako na tuwing nababanggit ni pastor sa mga preachings ang tungkol doon, pakiramdam ko ay ako ang pinatutungkulan niya. Isang beses ay sinabi ko nga kay pastor ang dilemma ko na iyon, at yun nga ang pinayo niya, itakas ko sa bahay at ibigay sa kanya. Sabi pa niya na malakas na daw ang kapit ng Sto.Niño na yun sa isip ni mama at para naman daw sa pamilya ko ang gagawin ko. May kasama pa ngang pangongosensya kung bakit hindi ko pa raw naisasama sa simbahan si mama. Natatawa na lang ako sa isip ko kasi mas mauuna munang mawala ang mga kurap na pulitiko sa Pilipinas bago pa umalis sa katoliko si mama.

“Dalhin mo dito, akong bahala.” Sabi ni pastor na sinunod ko naman kaya nga kinagabihan ay agad kong dinala sa kanya ang Sto. Niño. Pagkatanggap ay sinabihan niya akong umuwi na rin kasi gabi na.

Kinabukasan ng linggo, gumising, nag-almusal ng luto ni mama, naligo at naghanda para pumunta sa simbahan. Parang walang nagbago sa bahay, siguro hindi niya pa napapansin. Sa simbahan matapos ang praise and worship na kantahan kung saan gitarista din ako, nagpaunang salita si pastor bago pa niya binigay ang preaching para sa araw na yun.

Kinwento niya sa pulpito at sa simbahan ang ginawa kong pangingidnap sa Sto. Niño ni mama. Yun talaga ang ginamit niyang salita, kidnap. Kasi nasabi ko ring binanggit ko na kay mama noon ang tungkol sa pagsamba sa mga diyos-diyosan pero ayaw niya pa rin maniwala kaya ang naging desisyon ko na lang ay kidnapin ito. Pagkasabi niya lahat sila nakatingin sa akin at nagpalakpakan na para bang may ginawa akong isang mahalagang-mahalagang bagay. Yun ang unang beses na pinalakpakan ako ng mga tao dahil aprubado para sa kanila ang ginawa ko.

“Pagkauwing-pagkauwi ni brother Mel, inakyat ko agad sa terrace ang diyos-diyosan at alam niyo ba, hirap na hirap akong buhatin yun. Ang bigat-bigat. Parang biglang ayaw magpabuhat pero tinatagan ko ang loob ko at nagdasal sa panginoon.” Pagpapatuloy ni Pastor.

“Nilapag ko sa mesa ang diyos-diyosan, at parang nanlilisik ang mata niya sa akin dahil alam niya ang gagawin ko sa kanya. Sumama yung panahon, ang lamig-lamig talaga ng hangin para akong magkakasakit. Kung hindi lang ako nangako kay brother Mel na palalayain ko ang bahay nila at nanay niya sa diyos-diyosang ito, sumuko na siguro ako. Kaya nilabas ko ang martilyo..”

Noong narinig ko ang salitang martilyo, hindi na naging malinaw sa akin ang mga sumunod niyang sinabi. Basta hindi niya raw natamaan agad, umiwas daw ang Sto. Niño. Pero nang tamaan at nabasag daw ay may lumukso daw sa kanyang itim na ulap na galing sa loob ng Sto. Niño at nakaiwas daw siya. Tapos nagpalakpakan ulit sila.

Tangina? Binasag? Minartilyo? Wala naman sa usapan yun ah. Akala ko naman itatabi niya lang. Buong akala ko naman itatambak lang sa bodega nila kasama ang ilang gamit na wala nang silbi para sa kanila. Nanlamig ang buong katawan ko. Yung notebook ko na sulatan ko ng mga notes kapag preaching hindi ko nasulatan kasi ang naiisip ko lang ay ano kaya ang magiging pakiramdam ni mama kapag nalaman niyang minartilyo ang kanyang Sto. Niño. Kasi kung ganun lang din naman, sana ako na lang nagtago. Sana hindi ko na kinuha sa bahay tapos hayaan ko na lang gaya ng sabi niya.

Lilipas ang ilang araw na hindi mapag-uusapan ang nawawalang Sto. Niño. Imposibleng hindi yun mapansin kasi yun na lang ang nag-iisang laman ng munti naming altar. Hinihintay ko ring tanungin ako ni mama pero hindi dumating ang pagkakataong yun. Pero dahil ako’y isang matuwid na kristyano at kinakain ako ng aking konsensya, ipinagtapat ko sa kanyang kinuha ko yun at binigay kay pastor. Hindi ko ata kayang sabihin sa kanya na minartilyo yung Sto. Niño. Alam mo kung anong sabi lang ni mama? Sabi niya, eh kung ganun talaga, wala naman akong magagawa.

Ito yung isang punto sa buhay ko na nanalo ako sa diskusyon kay mama pero pakiramdam ko natalo ako. Gusto kong mag-sorry pero hindi ko ginawa. Kasi nga ang nasa isip ko, tama lang ang ginawa ko. Para din naman sa amin yun. Para sa ikaluluwag ng buhay namin at pagliligtas sa kanya sa maling katuruan at ang pag-asang balang araw ay makakapagsimba kami ng magkasama. Kapag binabalikan ko ang alaalang yun, hindi ko maiwasang manghinayang at isiping baka nga nagpadalos-dalos ako sa ginawa ko.

Sabihin na nating masama ang diyos-diyosan, pero hindi ko man lang ginalang yung sariling pagmamay-ari ni mama. Hindi nga ako kumukupit ng pera sa kanya, pero iba ang kinuha ko sa kanya, yung simbolo ng pananampalataya niya. Ninakaw ko sa kanya yung tanging natitirang koneksyon niya sa mga tao sa kanyang nakaraan. Kasi simula noon, hindi na nagpunta si mama sa piyesta ng Sto. Ni؜ño. Hindi niya na nakita ang mga dating kaibigan at darating ang isang araw na mababalitaan na lang naming namatay na si Ate Dalen, ang naging nanay-nanayan ni mama sa lugar na yun. Doon lang ata siya ulit nakadalaw.

Sa tingin ko, habang tumatanda ka, doon mo pa lang talaga maiintindihan ang mga magulang mo. Buong buhay ni mama binigay niya sa amin, ultimo mga gawaing bahay hindi niya pinapagawa, basta mag-aral lang kaming mabuti. Kung tutuusin, pwede niyang gawin ang kahit anong gusto niyang gawin kasi siya ang may mas karapatang magsabi na minsan lang siya hihiling ng isang bagay, bakit hindi siya pagbigyan? Gaya na lamang ng sinabi niya sa aking pakialaman ko na ang lahat huwag lang ang Sto. Niño. Isa yun sa maraming utang ko sa kanya na hindi ko kayang bayaran sa lifetime na ito. Nanay ko ang No. 1 fan ko, sinuportahan niya ako sa lahat, kahit pa noong sinabi ko sa kanyang magpapastor ako. Pero nakakainis lang na hindi ko siya sinusuportahan sa maraming bagay, gaya na lamang ng simpleng hindi pangingialam sa mga gamit niya.

Matagal na akong hindi nagsisimba, nakikinig minsan ng mga preaching sa radyo at tv pero hindi pa rin ako naniniwala sa malas at swerte. Mas naniniwala ako sa sinabi sa bibliya, na ginawa ng Diyos ang lahat ng bagay na maganda sa sarili nitong panahon. May kanya-kanyang panahon ang lahat ng bagay gaya na lamang ng pagtatanim at pahanon ng anihan.

Kasi alam mo ba, yung nanay ko, born again na ngayon! Kapatid ko ang nagsama talaga sa kanya sa simbahan. Wala pala sa yan dami ng mga babasaging gamit mula sa nakaraan kung hindi ang dami ng relasyon at koneksyon na iyong bubuuin. Doon naman eksperto si Hesus di ba? Ang pagyakap sa atin kahit gaano karami ang mga lamat natin upang hindi tayo tuluyang mawasak.

Kahit na sa Naic, Cavite na nakatira si mama ay consistent ang attendance niya sa mga prayer meeting at worship service kahit pa sa Parañaque pa ang simbahan nila. Mas nauna pang matutong gumamit ng zoom at google meet sa akin si mama noong pandemic para lang matuloy ang prayer meeting nila ng mga nanay sa simbahan. Yun  nga lang baliktad na ngayon, ako na palagi ang niyayaya niyang sumama sa kanila. Linggo-linggo niya pinapaalalahanan na magsimba lalo na noong anniversary ng church nila. Syempre, ang lagi kong dahilan ay trabaho, kahit na totoo naman. Saka niya ako hihiritan ng, “ang ano mang bagay na inuuna mo sa Panginoon ay ang diyos-diyosan mo. Isang araw, sige ka, mawawala na lang yang laptop mo.”

Sabi niya nang may ngiting parang sa inosente at musmos na Santo Niño.   


SBA - Saranggola Blog Awards

Home - Cultural Center of the Philippines

Home - DMCI (dmcicorpsales.com)


Kami’y mga Pasahero Lamang

  “Mahal, gising na. Alas kuwatro na.” Pirming nakapikit pa rin ang mga mata ng asawa ni Eric. Puyat na naman at nakayakap sa unan. Pasa...