Noong bata pa ako, ang basehan ko kung nakaaangat sa buhay ang isang tao ay kung naka-tiles ang sahig nila. Ang ganda tingnan. Lakas maka-mayaman. Ang lamig pa sa paa. Higit sa lahat, malinis.
Kami kasi, sa lahat ng natirhan naming bahay, renolyum ang
gamit namin. Pinabili ako ni mama sa hardware dati, sabi ko pabili nga po ng
linoluem. Sabi niya, baka renolyum? Eh di sige. Renolyum. Mura yun eh. Hindi na
kailangan ng magkakabit. Nabubutas nga lang sa katagalan. One time, nag-cutter
ako sa sahig. Parang kinalaykay ni wolverine yung sahig namin pagkatapos.
Bangungot kapag pinasok kayo ng baha tapos naka-renolyum
kayo. Kaylangan mong iangat yun kasi para malinis mo talaga kasi sumuot dun
yung burak o putik. Kapag wala namang ulan at inangat mo, may kakaibang amoy na
sisingaw doon.
Sabi sa akin ni Anshe dati, ang arte ko raw kasi hindi ako
nag-pa-paa. Kahit kasi halimbawa magsasara lang ng gate nila o pupunta sa likod
sa kusina, naka-tsinelas ako. Nasanay kasi akong naka-tsinelas sa loob ng
bahay. Tumira kami sa singko noon sa CAA, lupa pa lang yung sahig. Nagpuputik
pa bago yun napa-semento. Kapag lalabas ka, dapat naka-tsinelas kasi baka may
bubog pa noon nakaraang may nagrambulan. O mga dura. O ebak. Hulaan mo na lang
kung sa aso o sa tao.
Pag sa bahay ng kaibigan, nakakaupo sila sa sahig kasi nga
naka-tiles. Malinis eh. Sa pinagturuan kong school dati, tiles ang sahig ng
classroom. Ang hilig-hilig umupo sa sahig ng mga estudyante kong yun. Kapag
break time, may mga natutulog na rin sa sahig. Doon din sila kumakain minsan,
akala mo nasa picnic.
Ganun siguro yun ano, kung ano ang inaapakan mo, malamang,
konektado yun sa kung anong kalagayan meron ka sa buhay. Ang mga katulad ko,
lumaki sa sahig na sementado, o may renolyum. Kapag nakakaangat nga, naka-tiles
ang sahig. Level up niyan kapag naka-carpet buong bahay niyo at hindi lang sa
sala o maliit na carpet sa ilalim ng lamesita. Tatae ka lang sa CR, naka-red
carpet ka di ba? Sosyal!
Mayaman din kapag naka-parquet. O kaya tabla! Pwede ka na
magpalagay ng basketball ring sa sala. Hehe. Sarap magpatunog ng original na
rubber shoes diyan. May napanood pa nga ako, may bermuda grass sa loob ng bahay
nila. At ang mas mayayaman, nakakapag-paa kahit pa sa labas ng bahay nila kasi
nga may garden sila syempre na may landscape artist na nag-desinyo.
Eh ano naman inaapakan ng mga sobrang yayaman at
makapangyarihan? Iba-iba rin eh. Pwedeng karapatan ng iba. Pwedeng yung
pagkatao ng mga nasa ibaba nila. Hindi naman sila marurumihan, kasi may mga
inuutusan sila para apakan yung mga yun para sa kanila.
Anyways, kaya nang makakuha ako ng maliit na hulugang bahay,
hulaan mo ano kung pinalagay? Eh di tiles sa sahig. Para kahit hindi pa ako
nakakaangat sa buhay, at least, makakapag-paa na ako sa loob ng bahay.